Quantcast
Channel: (Kolum) – Pinoy Weekly
Viewing all 532 articles
Browse latest View live

Pagtatrabaho sa call center

$
0
0

Hindi mapagkaila na uso ngayon ang pagtatrabaho sa mga call center.

Ngunit alam ba ninyo na kahit sa call center ay nangyayari pa rin ang paglabag sa batayang karapatan ng mga empleyado?

Tulad halimbawa, sa kaso ni Harvey laban sa call center na kanyang pinagtatrabahuan.

Si Harvey ay matagal ng empleyado ng Telus International Philippines, Inc.

Nagsimula siya rito bilang ordinaryong call center agent, at dahil sa kahusayan niya sa trabaho ay na–promote siya bilang junior quality analyst hanggang sa naging senior quality analyst siya sa loob ng apat na taon.

Isang araw, nakatanggap si Harvey ng Incident Report mula sa kanyang quality analyst manager tungkol sa reklamo laban sa kanya ng kanyang team captain.

Di umano, sa isang internet conversation nila ng isa pang empleyado ng kompanya ay ininsulto at naging arogante si Harvey laban sa team captain na ito.

Dahil sa kanyang ginawa, hiningan ng paliwanag si Harvey ng kompanya. Inilagay rin siya ng kompanya sa preventive suspension sa kanyang trabaho.

Nagbigay ng paliwanag itong si Harvey. Sinabi niya na walang pang-iinsulto sa nangyaring internet conversation sa pagitan niya at ng isa pang empleyado ng kompanya. Ito ay pangkaraniwang pag-uusap lamang tungkol sa hirap ng kanilang trabaho at hindi nila dinamay ang nasabing team captain.

Pagkalipas ng ilang araw, nagpasya ang kompanya na tapusin ang preventive suspension nitong si Harvey. Sa madaling sabi, abswelto ito sa reklamo laban sa kanya.

Ganun pa man, nagpasya ang kompanya na ilipat si Harvey sa ibang account.

Sinabihan siya na mag-report sa Market Market branch ng kompanya sa Taguig bilang pang-gabing empleyado.

Ginawa ito ni Harvey at sumunod siya sa utos ng kompanya. Bigla na lamang sinabi ng kompanya ngayon na nagkamali pala ito sa ginawang utos kay Harvey at wala pa palang bakanteng account na malilipatan kaya’t maghintay na lang muna siya kahit tapos na ang kanyang preventive suspension.

Walang magawa si Harvey kundi ang sumunod. Napilitan siyang mag-apply ng vacation leave samantalang hinihintay ang kompanyang makakita ng bagong account na kanyang paglilipatan.

Ngunit naubos na lang ang vacation leave nitong si Harvey pero wala pa ring nakitang bagong account para sa kanya ang kompanya. Nang tanungin niya ito, sinabi sa kanya na maituturing siyang nasa floating status.

Dumating ang araw na sinabihan si Harvey ng kompanya na bibigyan daw siya ng endorsement nito bilang quality analyst core ngunit kailangang niyang makapasa sa isang profile interview.

Tinanong ni Harvey kung kailangan pa ba talaga siyang dumaan sa profile interview na ito samantalang hindi naman siya bagong aplikante, kundi matagal ng empleyado sa kompanya.

Ang sagot ng kompanya ay kailangan ito, dahil siya ay nasa floating status.

Dahil dito, hindi pumunta sa nasabing profile interview itong si Harvey.

Sa halip ay nagsampa siya ng kasong illegal o constructive dismissal laban sa Telus.

Sa hatol ng Labor Arbiter, ipinanalo nito si Harvey.

Nag-apila ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Binaliktad ng NLRC ang hatol ng Labor Arbiter at pinanalo naman ang kompanya.

Nakarating ang kaso ni Harvey sa Kataas-taasang Hukuman, ang Korte Suprema.

Sa naging hatol nito, pinanalo ng Korte Suprema si Harvey.

Ayon sa Korte Suprema, maituturing na nagkasala ang kompanya ng constructive dismissal kung gumagawa ito ng hakbang para ang isang empleyado ay mahirapan, magipit, o di kaya ay di na makakapagpatuloy sa kanyang trabaho.

Sa kaso ni Harvey, ang mga hakbang na ginawa ng call center ay malinaw na panggigipit sa kanya upang tuluyan na siyang umayaw sa kanyang trabaho.

Una, hindi siya ibinalik sa kanyang pwesto kahit na siya ay naabswelto na sa kanyang kaso.

Pangalawa, sinabihan siyang mag-report sa branch office ng Telus sa Taguig City ngunit binawi ito ng kompanya sa bandang huli dahil di-umano ay nagkamali ito.

Pangatlo, matapos niyang maubos ang kanyang leave credits ay hindi pa rin siya pinabalik sa kanyang trabaho sa kundi nilagay sa floating status.

Panghuli, inubliga siya ng kompanya na dumaan uli sa profile interview para malaman kung tatanggapin ba siya sa bagong account o hindi.

Malinaw na panggigipit ang mga ginawang ito ng Telus kay Harvey upang pilitin ang huli na magbitiw sa kanyang trabaho.

Kaya, nagkasala ng constructive dismissal ang Telus, sabi ng Korte Suprema (Telus International Philippines, Inc. vs. Harvey De Guzman, GR No. 202676, December 4, 2019).


Pooled Editorial | Thrashing press freedom

$
0
0

The attempt to block the renewal of the ABS-CBN franchise is part of the Duterte regime’s continuing assault on the constitutionally-protected right to free expression and press freedom.

ABSWith Congress having only a few weeks left before it adjourns on March 14, nine bills that would renew the broadcast network’s franchise are in a legislative limbo. ABS-CBN’s legislative franchise will expire on March 30.

The network’s franchise renewal issue has been raging for months, and the House of Representatives could have and should have begun committee deliberations on the proposed bills months ago, but Palawan Rep. Franz Alvarez – who chairs the committee on legislative franchises – has stopped all proceedings, even remarking that granting the network franchise renewal is a “matter of privilege and not a right.”

This assault on free expression and press freedom is the doing of President Rodrigo Duterte, who lambasts ABS-CBN whenever he can, accusing the network of “bias” and of “swindling” him by allegedly not airing some of his paid political advertisements during the 2016 presidential election campaign, as well as not paying proper taxes.

But the ABS-CBN issue is not only about revenge. It is also about limiting public access to information, and is a form of prior restraint and consequent punishment. It is about preventing the network from airing reports on government that the regime finds unacceptable, as well as punishing it for its reports on such issues as Chinese aggression in the West Philippine Sea and for interviewing regime critics and members of the opposition. It is censorship plain and simple.

The Supreme Court has repeatedly warned against measures that abridge press freedom. In Gonzales v. COMELEC (1969) and ABS-CBN Broadcasting Corp. v. COMELEC (2000), the high court stated, “Doctrinally, the Court has always ruled in favor of the freedom of expression, and any restriction is treated as an exemption.” In Social Weather Stations v. COMELEC (2001), the SC further said, “Any system of prior restraint comes to court bearing a heavy burden against its constitutionality. It is the government which must show justification for enforcement of the restraint.”

Granted that without the use of the airwaves, ABS-CBN can still release materials through other media including online. But that part of the population heavily reliant on TV and radio for information and updates on current events will be severely affected. To apply prior restraint to one of the largest broadcast networks in the Philippines is not only unconstitutional and a disservice to the Filipino people, but also a blow to the people’s right to know. It is all of a piece with the regime’s assault on other media organizations that have dared tell the truth about the present state of the country under the boot heels of fascist rule.

We believe that blocking ABS-CBN’s franchise renewal is part of the ongoing assault of the administration on the media. From the unrelenting attacks against media organization Rappler, to the nonstop red-tagging and arrests of community journalists in the past months, as well as the cyberattacks on alternative news sites, it is apparent that the Duterte administration will stop at nothing to intimidate the media and invoke a chilling effect on its critics.

AlterMidya calls on the entire press and media community to demand not only the renewal of the ABS-CBN franchise, but also to stop the attacks on the rest of the media as well as those individual journalists that the regime has targeted for their dedication to the fundamental responsibility of providing the people the information they need in these times of fear, uncertainty and violence.

Usapin sa Jipco

$
0
0

Ayon sa mga magigiting nating labor organizers o taga –buo ng mga unyon, sadyang mahirap magtayo ng unyon sa mga export processing zones.

Bakit? Simple lang ang sagot mga kasama.

Ang mga lugar ng export processing zones o special economic zones ay napapaligiran ng malalaking bakod.

Ang pasukan o labasan ng mga ito ay mahigpit na binabantayan ng mga gwardya. Hindi ito mapapasok ng ordinaryong mamamayan na walang permit mula sa mga police o security guards na nagbabantay rito.

Ito ang dahilan kung bakit kaunti lamang ang mga unyon sa loob ng mga special economic zones. Naturingan ang mga itong no union zone area.

Sayang at sa ating bansa ay mayroon sanang humigit kumulang 400 special economic zones na tinatantyang may mga 7.5 milyon na manggagawa.

Subalit sa ngayon, sa ilalim ng administrasyong Duterte ay lalong humirap ang pag-oorganisa ng unyon sa loob ng mga export processing zones.

Ito ay dahilan sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA), ang tanggapang may kontrol sa mga special economic zones, noong Marso 2018 sa Camp Crame.

Ayon sa kanilang Memorandum of Agreement na nilagdaan, magtatayo sila ng Joint Industrial Peace and Concern Office (Jipco) sa mga export processing zones o special economic zones sa buong bansa.

Layunin ng Jipco ang paghawak sa anumang reklamo tungkol sa seguridad ng mga pagawaan sa loob ng special economic zones, labanan ang nakikitang pagbubulabog sa kapayapaang industriyal, at tiyakin ang malayang pagkilos ng mga tao at produkto sa mga special economic zones.

Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga pulis o mga PNP personnel sa loob ng special economic zones.

Nitong Enero 22, 2020 ay inumpisahan na nila ang pagbuo ng Jipco sa special economic zones sa Gitnang Luzon o Region III.

Sinabi pa ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Region III, na ang Central Luzon ay nananatiling flash point pagdating sa insurgency at inaasahan niyang ang pulisya, sa pamagitan ng Jipco, ay makakatulong upang ang mga kompanya sa export processing zones o special economic zones ay hindi mapasok o maimpluwensiyahan ng mga komunista.

Ngunit sa pagtingin ng mga unyon at mga manggagawa, ang hakbang na ito ng PNP at ng PEZA na buuin ang Jipco ay isa sa mga paraaan upang supilin ang karapatang magbuo ng unyon.

Malinaw na ang paglalagay ng desk o detachment ng pulis sa mga pagawaan sa ilalim ng Jipco ay isang paraan upang takutin ang mga empleyado na naghahangad na magkaroon ng unyon sa kanilang pabrika.

Tandaaan natin na sa ating Saligang Batas ay ginagaran-tiyahan ang karapatan ng bawat mamamayan na magtayo ng unyon o asosasyon basta’t hindi lumalabag sa batas.

Sinasabi rin ng ating Labor Code na patakaran ng ating bansa ang pagsusulong sa malayang unyonismo bilang paraan upang makamit ang demokrasya at katarungang panlipunan.

Kahit sa mga International Conventions ay nakasaad ang karapatan para sa malayang pagtayo ng unyon at pagsapi rito ng mamamayan.

Kung may mga pulis na makikialam sa ating pag-oorganisa ng unyon, paano pa ito magiging malaya?

Isipin natin na noong mga nakaraang taon ay malaking papel ang ginampanan ng PNP sa pagbuwag sa mga pagkilos ng mga manggagawa sa PEPMACO at Nutri-Asia.

Isa pa, ang kasunduan na magtatayo ng Jipco ay isinagawa nang walang naganap na konsultasyon sa mga manggagawa.

Kung layunin ng Jipco na magdulot ng kaayusan sa mga manggagawa, bakit hindi man lang sila kinunsulta sa bagay na ito?

Layunin daw ng Jipco na mapairal ang kapayapaan sa mga export processing zone.

Kung ganun, bakit hindi na lang ideklara ng pamahalaan na Peace Zone ang mga export processing zone? Dapat lang pag-usapan ang karapatan ng mga manggagawa nang walang kinikilingan sa bagay na ito.

Sa bahagi ng Commission on Human Rights (CHR), binanggit nito na ang pagbubuo ng Jipco ay bahagi ng pagpapatupad ng pamahalaan sa programa ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict sa ilalim ng Executive Order 70.

Binanggit ng CHR na sa pagpapatupad na ito ng pamahalaan sa Executive Order 70, posibleng maapakan nito ang karapatang mag-organisa ng mga manggagawa.

Kaya nangako ang CHR na babantayang mabuti ang implementasyon ng Jipco upang matiyak na igagalang nito ang batayang karapatan ng mga manggagawa.

Ngunit ayon naman sa Defend Job Philippines, ang iskema ng Jipco ay kasangkapan lamang para supilin ang karapatan ng mga manggagawa sa mga industrial zones sa Gitnang Luzon.

Wala itong kaibahan sa Operation Tokhang na pinairal ng administrasyong Duterte sa usapin sa droga, wika nila.

Ano pa ang inaantay natin mga kasama? Labanan ang Jipco!

Legasiya ni Duterte

$
0
0

Ibinida kamakailan ng gobyerno ang mga anila’y magagandang nagawa ni Pangulong Duterte sa loob ng apat na taon ng panunungkulan. “Duterte Legacy” kung tawagin, naglabas ang Presidential Communications Operations Office ng infographics na nagpapakita ng piling datos hinggil sa mga tampok na natupad diumano ng kasalukuyang administrasyon sa usapin ng kahirapan, kagutuman, pabahay, imprastraktura at iba pang larangan.

Sa kabila ng pagtatanggol na updated at makatotohanan ang naturang mga datos, marami ang kumwestiyon sa ipinrisinta ng nasabing ahensya ng gobyerno. Kasang-a-sang-ayon ang kritisismo ng Ibon Foundation sa Duterte Legacy: punong-puno ng disimpormasyon at nililinlang ang publiko hinggil sa tunay na estado ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga pinili at mga mapanlansing presentasyon ng mga datos. Lalo pang pasisinungalingan ng mga karaniwang tao ang sinasabing legasiya ng kasalukuyang administrasyon. Ano pa mang hokus-pokus sa mga datos ang gawin ng mga tauhan ni Duterte, hindi nito sasalaminin ang tunay na sitwasyon ng mga naghihirap – 4.7 milyon ang walang trabaho, binabarat ang pasahod at nananatili kundi man papalaki ang bilang ng nagugutom.

Sa pagdedepensa sa abot ng kanilang makakaya, ng nais nilang ihulmang katoto-hanan, ipinapamalas ng adminis-trasyon at mga alipores nito ang institusyonalisadong paraan ng pagkukumbina ng panlilinlang at pasismo. Sa isang pagkakataong nagkaharap sa isang programa sa telebisyon, tira-pikong ni-red-tag ni PCOO Undersecretary Lorraine Badoy si Rosario Guzman, research head ng Ibon, nang ibahagi ng huli ang kanilang kontra-estadistika at kritisismo sa Duterte Legacy.

Hindi na bago ang pagpaparatang ni Badoy kay Guzman na isa umanong komunista. Alam na natin na ang kasunod nito’y ang posibilidad ng pag-aresto, o mas malala, pagpaslang. Kumbaga’y napanood na natin iyan. Ilan na nga ba ang sinampahan ng gawa-gawang kaso, iligal na inaresto at naging biktima ng extrajudicial killings sa hanay ng mga aktibista at kritiko ng administrasyong Duterte?

Kung kritikal ka mag-isip, tatanungin mo: bakit nga ba ipinagpapatayan ng administrasyon at mga alipores nito ang legasiya ni Duterte? Ano ba ang kanilang tunay na motibo? Bilang konteksto, nalalapit na ang eleksyong pampanguluhan sa 2022, inihahanda na nila ang kanilang mga manok na ilalaban. Tulad ng mga nagdaang rehimen, hinahangad ni Duterte at ang naghaharing paksyon na nakahanay sa kanya na makapanatili sa kapangyarihan at magtuloy-tuloy ang anumang ganansya at kulimbat na nakukuha nila sa estado-poder.

Pagpapanatili ng mapagsamantalang kaayusan, pagyukod sa dayuhang interes, pang-aapi, pagpapahirap at pagsupil sa taumbayan – ito ang tunay na legasiya ni Duterte.

Papampam

$
0
0

Nag-iinarte. Nagpapasuyo. Sa salita ng mga beki, papampam.

Iyan ang ikinikilos ngayon ni Pangulong Duterte kaugnay ng (nagtatagong) amo niyang mga Kano, o sa salita ng mga aktibista, imperyalismong US. Nagtampo, nagmaktol, naglupasay ang Pangulo na parang uhuging bata matapos kanselahin ng embahada ng US sa Pilipinas ang visa ng dating hepe ng pulisya, hepeng tagapagpatupad ng madugong giyera kontra droga, at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa mga opisyal ng gobyernong US, kaugnay ito ng papel ni Bato sa madugo-at-wala-nang-kredibilidad na giyera kontra droga ng rehimen, gayundin ng panunupil ng rehimen sa oposisyunistang senador na si Leila de Lima. Pero madaling basahin ang pagitan ng mga salita ng mga Kano. Ginagawang pressure point lang ito (o sugat ng rehimen na pinipisil ng mga Kano) para puwersahin si Duterte na maghunus-dili sa ganap na pakikipagmabutihan sa karibal ng US sa pang-ekonomiya at pampulitikang monopolyo sa daigdig na China.

Pero parang batang laki-sa-layaw si Duterte. Halos apat na taon nang nagpapakasasa siya sa dalawang “magulang” (bagamat mas bagay ang “amo”): pagsasanay-militar sa brutal na giyerang kontra-insurhensiya sa among Kano, pangako ng proyektong pang-imprastraktura na iuutang naman sa among Tsino. Hangga’t maaari, kay Duterte, nakakakuha siya ng pakinabang (at sila, sa kanya) sa dalawa.

Ang problema ni Duterte, hindi sanay sa hating atensiyon ang among Kano. Sanay itong nasosolo ang mga tutang Pilipino. Halos isang siglo matapos gawaran ng “kalayaan” ang Pilipinas, astang kolonya pa rin ng mga Kano ang Pilipinas, at hindi papayag ang mga ito na nakikipagmabutihan sa ibang amo si Duterte. At nakita nito ang isang pressure point ng kurap na mga tuta: ang paglalamyerda at shopping ng mga opisyal ng rehimen sa ibang bansa, lalo na sa Amerika.

Pero nakita rin ni Duterte ang paraan para mapresyur ang mga Kano: mag-inarte, magpapampam. Kunyari lalayasan na niya ang mga Kano. Ibabasura ang Visiting Forces Agreement.

Paano natin nalamang pag-iinarte lang ito? May 180 araw pa bago maging epektibo ang abrogasyon ng VFA. Mula noong pormal na sinumite ng rehimen ang notisya hanggang sa dulo ng 180 araw, marami ang puwedeng mangyari. Puwedeng mapatahan at mabigyan ng gusto niya ang nagmamaktol nilang tuta. Puwedeng magmabutihan muli sina Duterte at US Pres. Donald Trump (na minsan nang kinantahan at pinapurihan ni Duterte noong 2016). Puwedeng magkaroon ng bagong kasunduan na pamalit sa VFA.

Noong Pebrero 7, iniulat ng Philippine Daily Inquirer ang pagpapalipad ng US Air Force F-16 fighter jets sa Cesar Basa Air Base. Bahagi ito ng Bilateral Air Contingent Exchange – Philippines, o ehersisyong militar ng dalawang air forces sa ilalim ng VFA. Kinumpirma ni Lorenzana na may joint exercises ngang nagaganap – sa eksaktong panahon na pinababasura raw ni Duterte ang VFA.

Samantala, sinabi ng mga galamay ng rehimen na makikipagnegosasyon na ito sa iba pang bansa para makuha ang pagsasanay-militar na hindi makukuha ng AFP kung mawawala na talaga ang VFA. Napakagandang tugtugin ito sa tainga ng mga Tsino.

Nananawagan ang maraming makabayang grupo na totohanin ng Pangulo ang pagbabasura sa VFA. Maaasahan kaya nating tunay na tumindig sa sariling paa ang nag-iinarte, nagpapasuyo, papampam na tuta?

Project employee nga ba?

$
0
0

Noong nakaraang Disyembre, bago matapos ang taon, ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema tungkol sa project employment.

Bagamat isang manedyer ang sangkot sa kasong ito, magagamit pa rin ito ng ordinaryong mga manggagawa sa kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang kompanya.

Sa nasabing kaso, nagne-negosyo dito sa Pilipinas itong Pacific Metals Company, isang kompanyang pag-aari ng Hapon, sa pamagitan ng pag- import sa mga nickel ore products.

Nakipagkasundo ang Pacific Metals sa Eramen Minerals, Inc., isang lokal na kompanya, na kanilang ide-develop ang lupang nakalaan para sa Eramen Minerals sa may Zambales, sa pamagitan ng joint-venture agreement.

Ayon sa kanilang kasunduan ay magbibigay ng tulong teknikal at pinansyal ang Pacific Metals sa Eramen Minerals para matupad ito.

Kaugnay ng joint venture agreement na ito, ay kinuha ng Pacific Metals itong si Edgar bilang project manager upang pangasiwaaan ang obligasyon ng kompanya ayon nasabing kasunduan.

Dalawang buwan ang kontrata ni Edgar na magtatrabaho sa kompanya.

Bahagi ng trabaho ni Edgar ang mangasiwa sa operasyon at mga konstruksyon na kailangang gawin ng Pacific Metals, ang pag-aalam kung saaan banda may mineral na dapat minahin ang kompanya, ang pag-gagawa ng kaukulang mapa-tungkol dito, ang pakikipagkoordina sa lokal na pamahalaan, ang pag-aaral sa mga kontrata ng kompanya, ang pag-iwas sa sakuna, at iba pa.

Kalaunan, natapos ang kontrata nitong si Edgar ngunit patuloy siya sa kanyang trabaho sa kompanya. Wala siyang nilagdaan na bagong kontrata sa bagay na ito.

Pagkalipas ng halos isang taon ay tinanggal ng Pacific Metals itong si Edgar.

Di umano ay tapos na ang exploration aspect ng proyekto at hindi na kailangan ang serbisyo nitong si Edgar.

Nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa Pacific Metals at Eramen itong si Edgar.

Ayon sa kompanya, siya ay isang project employee lamang at may karapatan silang tanggalin siya dahil tapos na ang dahilan kung bakit siya kinuha.

Ayon naman dito kay Edgar, hindi siya dapat ituring na project employee ng kompanya sapagkat wala silang usapan nito kung gaano kahaba ang kanyang paglilingkod dito bilang empleyado at hindi rin na-i-report ng kompanya sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtanggal sa kanya bilang empleyado nito.

Sa hatol ng Labor Arbiter, pinanalo nito ang Pacific Metals at nagpasyang isang project employee itong si Edgar.

Inakyat ni Edgar sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kaso. Talo pa rin siya at panalo pa rin ang Pacific Metals.

Inakyat pa rin ni Edgar ang kaso sa Court of Appeals. Binaliktad ng Court of Appeals ang hatol at pinanalo naman si Edgar.

Ang Pacific Metals naman ngayon ang nag-apela sa Korte Suprema.

Sa desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito ang kaibahan ng project employee sa regular employee.

Ang isang regular na empleyado o manggagawa (regular employee), ayon sa Korte Suprema, ay iyong manggagawa na kinukuha ng kompanya upang gampanan ang trabaho na mahalaga o nararapat sa negosyo o hanapbuhay ng kompanya, maliban lamang kung siya ay kinuha upang magsagawa ng isang partikular na proyekto ang wakas nito ay dati nang alam bago pa man siya kinuha (project employee).

Sa panig ni Edgar, malinaw na kinuha siya ng Pacific Metals para sa dalawang buwang kontrata lamang noong una siyang kunin, sabi ng Korte Suprema.

Ngunit matapos ang dalawang buwang ito, patuloy siyang pinagtrabaho ng Pacific Metals.

Patuloy siya sa pag-gawa sa kanyang gawain na mahalaga para sa negosyo ng Pacific Metals.

Sinabi ng Korte Suprema na kahit man sabihin na isang project employee si Edgar sa simula, ang patuloy na pagkuha sa kanya ng Pacific Metals upang gampanan ang mga gawain na mahalaga sa negosyo nito ay sapat na upang ituring si Edgar bilang isang regyular na empleyado ng Pacific Metals.

Kaya, nagpasya ang Korte Suprema na tama ang Court of Appeals desisyon nitong isa ngang regular na empleyado itong si Edgar; mali ang kompanya sa ginawang pagtanggal sa kanya; at dapat lang siyang ibalik sa kanyang pwesto at bayaran ng kanyang backwages (Pacific Metals Co., Ltd. vs. Edgar Allan Tamayo, et. al;., GR No. 226920, December 5, 2019).

Kung kayo ay mga project employees na paulit ulit na nirere- hire ng inyong kompanya, sana ay may mapulot kayong aral dito sa kasong ito ni Edgar

Laban o bawi? Kuwarta o kahon?

$
0
0
Editorial cartoon ni Renan Ortiz

Editorial cartoon ni Renan Ortiz

At itinuloy na nga ni Pangulong Duterte ang terminasyon ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa kumpas ni Duterte, iwinasiwas nito ang kapangyarihan ng Estado at pinakilos ang DDS troll farm upang hulmahin ang pampublikong opinyon upang ikubli na ang dahilan ng terminasyon ng naturang kasunduan ay bilang ganti sa pagkansela ng US visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bunsod ng Magnitsky Act.

Ipinadala na kamakailan ni Department of Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. ang notice of termination sa gobyerno ng US. Tila di naman ininda ng US ang terminasyon ng VFA. Ayon pa sa presidente nitong si Donald Trump, dagdag-gastos lang para sa gobyerno ng US ang terminadong kasunduan.

Liban sa walang talab sa US ang naging aksiyon ni Duterte, bumalik pa ito sa kanya. Malaking alingasngas sa mga maka-US sa hanay ng mga opisyal-militar sa Pilipinas ang pagpapadala ng notice of termination ng VFA sa Estados Unidos. Ayon sa usap-usapan, galit kay Duterte ang mga opisyalmilitar na mga asset din ng US Defense Intelligence Agency at Central Intelligence Agency dahil apektado ang kanilang pakinabang sa daandaang proyekto sa ilalim ng VFA.

Kaya ang tanong: matapos ng VFA, kaya ba ni Duterte ibasura ang iba pang mga kasunduang militar sa US? Tanging sa pagbabasura sa iba pang mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US – tulad ng Mutual Defense Treaty, Mutual Logistics Support Agreement, Enhanced Defense and Cooperation Agreement – ang lohikal na tunguhin sa pagkansela ng VFA.

Hindi na sikreto na tumitining ang panloob na kiskisan sa mga paksiyong maka-US sa isang banda at maka-Tsina sa kabilang banda sa administrasyon lalo na’t halatanghalata ang pagkiling ng kanilang prinsipal sa China bunsod ng mga pakinabang at ganansiyang nakukuha mula sa mga ito.

Kaya malaki ang posibilidad na hindi magagawa ni Duterte ang pagkansela sa iba pang kasunduan sa US. Bukod sa bistado na ang kanyang taktikang “bluff” – na napatunayan na sa loob ng apat na taon ng kanyang administrasyon – alam din niyang nakaamba ang kudeta ng mga paksiyong maka-US sa hanay ng militar at gabinete na matagal na niyang sinusuhulan at inaalagaan. Yan ang tapang at malasakit.

Laban ng Dos, laban ng lahat

$
0
0

Kahit ang mga miyembro ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), marahil ay nagulat sa dami ng mga empleyado o rank-and-file na mga manggagawa na lumabas sa compound ng ABS-CBN para sumama sa protesta noong Pebrero 24.

Mahigit 2,000 empleyado, kasama ang mga tagasuporta nila at mga miyembro ng progresibong mga grupo, ang nagsuot ng puti at nagprotesta kontra sa mga tangka ng rehimeng Duterte na ipasara ang Kapamilya Network. Bumulwak sila sa mga kalsada sa palibot ng compound. Nagsagawa sila ng human chain at nagprograma. Kahit ang mga artista ng ABS-CBN, sumama sa protesta.

Sa unang pagkakataon, marahil mula noong unang pag-aalsang EDSA People Power, nakita ng madlang Pilipino ang isang gahiganteng media network na tumindig sa usaping pulitikal. Siyempre, walang iniwang opsiyon ang rehimeng Duterte sa ABS-CBN. Kinailangan nitong manindigan para sa sariling interes.

Pero hindi ito agad na kumilos. Nauna nang kumilos ang mga mamamahayag, sa pangunguna ng NUJP at iba pang grupo, na nagsagawa ng Black Friday Protests sa pagsisimula pa lang ng taon. Nagmumula kasi ang mga mamamahayag sa reyalidad na pinakahuli lang ang atake sa Kapamilya Network sa tumitinding atake ng rehimen sa karapatang sa pamamahayag. Mula sa cyber attacks sa alternatibong midya, hanggang ilegal na pag-aresto sa mga mamamahayag pangkomunidad katulad nina Anne Krueger sa Bacolod at Frenchiemae Cumpio sa Tacloban, hanggang sa mga banta sa iba pang mamamahayag, hanggang sa tangkang pagpapasara sa Rappler.

Nagaganap ang mga atake sa konteksto ng pagwasiwas ng pasistang lakas ng rehimeng Duterte sa lahat ng lumalaban dito at naggigiit ng karapatan. Pinakulong ang maingay na oposisyunistang si Sen. Leila de Lima at kinasuhan si dating Sen. Antonio Trillanes. Pinagbantaan ang mga lider ng simbahang Katoliko. Pinatalsik ang dating Chief Justice ng Korte Suprema. Pinakamalupit, naglunsad ng malawak na kampanyang kontra-insurhensiya na tumarget sa lehitimo, legal at di-armadong progresibong oposisyon.

Sa kabila nito, tila may kinikilingan ang rehimen. Nagpoposturang galit sa mga oligarkong pamilyang Lopez, pero hinihikayat naman ang naturang pamilya na ibenta na ang ABS-CBN. Biglang akyat sa Forbes 50 ang kroni at tagasuporta niyang si Dennis Uy, samantalang numero unong pinakamayamang Pilipino naman ang tagasuporta ni Duterte na si Manny Villar.

Sa madaling salita, malinaw na para sa proteksiyon ng sarili at mga kroni niya ang pagwawasiwas ng pasismo — laban sa mga mamamayan, at laban sa midya. Hindi dapat tigilan ang paggiit ng karapatan sa ilalim ng rehimeng ito, Kapamilya ka man o hindi


Pagtanggal dahil sa redundancy

$
0
0

Kailan ba puwedeng tanggalin ang isang manggagawa sa kanyang trabaho sa kompanya dahil sa redundancy?

Sa kaso nina Noli Aparicio laban sa Manila Broadcasting Company (G.R. No. 220647) na hinatulan ng Korte Suprema nito lang Disyembre 10, 2019, nilinaw nito kung kailangan puwedeng matanggal ang isang manggagawa dahil sa redundancy.

Sina Noli at Renan ay mga radio technician ng Manila Broadcasting Company sa estasyon ng kompanya sa Bacolod.

Matapos ang masusing pag-aaral, nagdesisyon ang manedsment na sarhan ang estasyon nito sa Bacolod sa dahil hindi ito kumikita.

Sa pagsara ng Bacolod branch ng kompanya, nawalan ng trabaho ang lahat ng manggagawa na nagtatrabaho rito, kasama na si Noli at Renan.

Pinadalhan ng notice of redundancy ng kompanya ang mga empleyado sa Bacolod branch nito, kabilang sina Noli at Renan.

Sinabi ng kompanya na ang mangyayaring tanggalan ay dahil sa pagsasara sa Bacolod branch nito. Sinabi rin ng kompanya na ang lahat ng matatangal na empleyado ay may matatanggap na separation pay.

Nagpadala rin ito ng notice sa Department of Labor and Employment. Ginawa ito ng kompanya 30 araw bago mangyari ang pagtanggal sa mga empleyado.

Hindi katanggap-tanggap kina Noli ang ginawang pagtanggal sa kanila ng kompanya.

Nagsampa sila ng kasong illegal dismissal laban sa Manila Broadcasting Company sa opisina ng Labor Arbiter. Sinabi nila na walang batayan ang kompanya para tanggalin sila sa kanilang mga trabaho.

Sa hatol ng Labor Arbiter ay pinanalo nito sina Noli. Sinabi ng Labor Arbiter na walang dahilan para tanggalin sila ng kompanya sa kanilang mga trabaho.

Nag-apila ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Binaligtad naman ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter at sinabing may karapatan ang kompanyang magdeklara ng retrenchment at tanggalin ang mga manggagawa nito sa Bacolod branch dahil sa nakikita nitong pagkalugi ng nasabing estasyon.

Napilitan namang iakyat nina Noel sa Court of Appeals ang kanilang kaso. Sinang-ayunan ng Court of Appeals ang NLRC at sinabing tama ito sa kanyang desisyon.

Umakyat sa Korte Suprema sina Noel.

Sinabi ng Korte Suprema na hindi maaaring tanggalin ang isang empleyado sa kanyang trabaho nang walang sapat na dahilan.

Isa sa mga sapat na dahilan upang matanggal sa kanyang trabaho ang isang empleyado ang redundancy.

Ang redundancy ay nangyayari kapag ang serbisyo ng isang manggagawa o empleyado ay labis na sa pangangailangan ng kompanya at lumalabas na hindi na nito kailangan.

Sa kaso nina Noel, maliwanag na hindi na kailangan ng kompanya ang kanilang serbisyo dahil sa nagsara nga ng Bacolod branch kung saan sila nakatalaga.

Kaya may batayan ang kompanya para tanggalin sina Noel sa kanilang trabaho.

Pero bago ito magawa ng kompanya, dapat din siyang magbigay ng kaukulang abiso sa DOLE at abiso sa manggagawa tungkol sa mga mangyayaring redundancy sa loob ng hindi bababa sa 30 araw bago maganap ang tanggalan.

Nasunod din ito ng kompanya.

Kailangan ding guma-mit ng rasonable at makatarungang batayan sa pagtanggal sa mga manggagawa ang kompanya, katulad ng seniority, efficiency, at iba pa.

At higit sa lahat, dapat din itong magbayad ng kaukulang separation pay sa tatanggaling empleyado. Ang separation pay na ito ay hindi bababa sa isang buwang sahod sa bawat taong serbisyo.

Maliwanag na nasunod ang lahat ng ito ng Manila Broadcasting sa pagtanggal kina Noli.

Kaya, sang-ayon sa batas ang ginawang pagtanggal sa kanila sa kanilang mga trabaho, sabi ng Korte Suprema.

Pilipinas bilang pasugalan ng China

$
0
0

Matutumbasan ba ng bilyong piso na sinasabig pinapasok ng Philippine offshore gaming operators (POGO) sa bansa ang kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinakaharap ngayon ng Pilipinas dala nito?

Nagsimula ito sa pagtaas ng presyo ng mga apartment at condominium noong 2017 dahil sa dagsa ng dayuhang mga empleyado na kalakha’y Tsino, hanggang sa napabalitang may sex trafficking, na humantong na ngayon sa pagkakaroon ng panunuhol na mukhang pastillas at pagpapasara ng POGO na hindi nakapagbayad ng higit P114- Milyon sa buwis.

Ilegal ang pagsusugal sa China. Kaya ganoon na lang kung makadepende ang gobyerno sa online na pagsusugal ng mga dayuhan sa Pilipinas. Dahil malaking bahagi ng mga manlalaro ay Tsino, Tsino rin ang kalakhan ng mga trabahador ng POGO dahil sa pagkatuto sa wika. Ang perang inaasahang ipinapasok ng POGO sa Pilipinas ay mas nagmumula sa buwis, imbis na sa pasahod na pwede sanang maatim ng kapwa mg Pilipino.

Pero bukod pa sa mga isyu sa regulasyon na kinakaharap ng mga POGO, nariyan din ang epekto nito, direkta man o hindi, sa mga polisiya at panukala sa bansa.

Nariyan ang pagsuporta ng Department of Education sa pagkatuto ng mga guro sa Pilipinas ng Mandarin, na, ayon kay Briones, ay magpapaangat ng kalidad ng edukasyon ng bansa. Puwede ring maisama sa suri ang pag-aalangan ng gobyerno lumikha ng komprehensibong tugon sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) at pati na rin ang umaalingawngaw na isyu ng porsiyento ng pagmamay-ari ng dayuhan sa mga kompanya sa bansa.

Sa pagtataya ng ilang umuusisa sa ekonomiya, hindi malabong manliit ang naiaambag ng Business Process Outsourcing (BPO) sa perang naipapasok ng bansa kumpara sa naipapasok ng mga POGO. Ang pagkakapareho naman ng BPO at POGO ay ang kawalang ambag sa pambansang industriyalisasyon at pangmatagalang pag-abante ng Pilipinas. Nariyan nga’t nakakapag-ambag sa usaping pagrenta ng espasyo at pagdagdag ng ilang empleyadong Pilipino, hindi maikakailang nakasandig pa rin ito sa hanap-hanap na murang lakas-paggawa ng mga dayuhan.

Imbes na payabungin ang angking kakayahan ng mga Pilipino bilang pagdiriwag sa kultura at paggamit ng materyales sa komunidad, sa pagkampanya sa pananatili ng POGO, patuloy na umaasa ang bansa sa pagtangkilik ng dayuhan sa mga likhang sila lang rin naman ang nakikinabang.

Hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program

$
0
0

Noong Hunyo 2017, sa ilalim ng administrasyong Duterte, ay nilagdaan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Layunin ng programang ito na ipagbawal ang mga jeepney, bus, at iba pang public utility vehicles (PUVs) na nagkaka-edad na ng 15 taon pataas.

Kakanselahin ang prankisa ng mga ito upang sila ay mapalitan ng mga sasakyang may Euro 4 o electric engine na makina.

Hindi na rin bibigyan ng prankisa ang mga single franchise holders. Kailangan nilang magbuo ng korporasyon o kooperatiba para mabigyan sila ng prankisa. Kailangan ding hindi bababa sa 20 jeep ang kasapi sa isang prankisa.

Binadyetan ng P 2.2 bilyon ng gobyerno ang programang ito.

Upang matulungan ang mga korporasyon at kooperatiba sa kanilang pagbili ng bagong sasakyan sa ilalim ng programang ito, inilaan ng pamahalaan ang P1.5 bilyong pampautang sa kanila na dapat nilang bayaran sa loob ng 7 taon na may interes na 6 percent bawat taon.

Pangunahing layunin ng programang ito ang pagtanggal sa air pollution na sanhi ng mga lumang jeepney o sasakyan. Layunin din na magkaroon ng maayos at komportableng transportasyon sa mga public commuters.

Kaya sa darating na Hulyo 2020, inaasahan na tuluyang mawawala na ang lumang mga jeepney na umaabot sa 170,000 sa ilalim ng programang ito, ayon sa administrasyon.

Ngunit marami sa mga transport groups ang tumututol sa programang ito, lalo na ang Pinagkaisang Samahan ng Mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na nakapaglunsad na ng maraming pagkilos ang nasabing programa.

Ang pagkilos na kanilang inilunsad ay hindi upang labanan o kontrahin ang modernisasyon na hinahabot ng pamahalaan, paglilinaw ng Piston.

Ang kanilang nilalabanan ay ang framework ng PUVMP na nagpapabor sa malalaking negosyante at ang pag-alis nito ng kabuhayan sa maliliit na jeepney operators at mga drayber.

Ayon sa Land Bank of the Philippines, ang gastos na kinakailangan upang mapalitan ang isang jeep ay tinatantyang aabot sa P1.4 hanggang P1.6 milyon.

Ngunit kung isali natin ang interes na 6% bawat taon sa loob ng 7 taon na pagbabayad sa utang tungkol dito, aabot ito sa P2.1 milyon.

Ang halagang ito na P2.1-M ay napakataas at tiyak na makakaapekto sa kabuhayan ng mahigit sa 600,000 na drayber ng mga jeep at mga maliliit na may-ari o operator ng mga ito, sabi ng Piston.

Ayon naman sa Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), ang requirement na kailangang may 20 jeepney para mabigyan ng prankisa ay mangangailangan ng mga P30 milyon na puhunan.

Sino sa kasalukuyang operators ng mga jeepney ang may kakayanan para dito?

Wala. Kaya binubuksan nito para sa malalaking negosyante ang hanap-buhay na ito at etsa pwera na ang maliliit na operators.

At dahil sa pagtaas ng kapital para makapag-operate ng jeep, inaasahan din ang pagtaas ng pamasahe. Ito ay dagdag na hirap din sa publiko na umaasa na lamang sa mga dyip para makatipid sa kanilang gastos sa pamasahe.

Sinasabi rin ng administrasyon na ang pagkawala ng mga dyip ay makapagpagaan sa traffic, lalo na sa Metro Manila.

Ngunit wala rin itong katotohanan dahil ang mga jeepney ay bumubuo lamang ng 2% sa lahat ng mga sasakyan sa National Capital Region, sabi ng CBBRC.

Ayon naman kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate public services committee, kulang ang budget ng administrasyon na nakalaaan sa programa nito.

Ang programang ito ay mangangailangan ng hindi bababa sa P 4.15 bilyon para mapatupad sa buong bansa. Ang P 2.2 bilyon na inilaan para sa programang ito ng kasalukuyang administrasyon ay tiyak na kapos, sabi ng butihing senador.

Sinasabi din ng Piston na walang partisipasyon ang mga apektadong sektor sa pagbalangkas ng guidelines para sa programang ito.

Kaya sa dami ng problema sa programang ito, dapat talagang bigyan pa ito ng administrasyong Duterte ng masusing pag-aaral bago ito ipatupad.

Dapat isipin ng lahat na ang jeepney ay bahagi na ng ating kultura at mahirap sa atin ang basta burahin na lamang ito.

Sang-ayon ba kayo mga mambabasa?

Duterte at VFA

$
0
0

Noong Enero 23, nagbanta si Pang. Rodrigo Duterte na ibabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Ang kagyat na dahilan: ang pagkansela ng US sa visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, unang hepe ng Philippine National Police sa ilalim ni Duterte, pangunahing tagapagpatupad noon ng “gera sa droga” ng rehimen, at malapit na alyado ng pangulo.

Ginawa iyun ng US bunsod ng pag-apruba ng Senado nito sa isang resolusyon para ilapat ang Global Magnitsky Act, batas nitong nagpaparusa sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ibang bansa, sa Pilipinas. Partikular na puntirya nito ngayon ang mga opisyal ng gobyernong Duterte na sangkot sa pagkulong kay Sen. Leila de Lima at mga ekstrahudisyal na pagpaslang sa Pilipinas.

Pebrero 7, nabalitang inatasan ni Duterte si Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., sekretaryo ng Department of Foreign Affairs at pinuno ng VFA Commission, na tapusin na ang kasunduan. Pebrero 11, nagpasa si Locsin ng “notice of termination” sa gobyerno ng US, sa pamamagitan ng US Embassy. Ito ang opisyal na paabot ng gobyernong Duterte ng kagustuhang tapusin ang kasunduan — at magkakabisa ito matapos ang 180 araw.

Pebrero 12, tumugon mismo si Donald Trump, presidente ng US, sa hakbangin ng gobyernong Duterte. Sabi niya sa mga reporter sa White House, “Kung gusto nilang gawin iyun, ayos lang, makakatipid tayo nang maraming pera.” Nagpasalamat pa siya sa gobyernong Duterte at ibinida ang “napakagandang ugnayan” sa pangulo ng Pilipinas.

Bago nito, noong Pebrero 10, “isiniwalat” ni Duterte na sinisikap ni Trump “at iba pa” na “iligtas” ang VFA. Aniya, tinanggihan niya ang pagsisikap nila, dahil “napakabastos na iyung Amerikano. Talagang sobrang bastos.” Matapos ang pahayag ni Trump, sinabi ni Duterte sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita: “Si Pangulong Trump ay mabuting Presidente at karapat-dapat siyang mahalal muli,” kaugnay ng pagharap ni Trump sa eleksyon sa darating na Nobyembre.

Ehersisyong militar ng US at Pilipinas sa ilalim ng Balikatan. Mula sa FB page na <b>Exercises Balikatan</b>

Ehersisyong militar ng US at Pilipinas sa ilalim ng Balikatan. Mula sa FB page na Exercises Balikatan

Malinaw ang tindig ng mga makabayan at progresibong organisasyon sa bansa, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan: dapat lang ibasura ang VFA. Nagkampanya ang naturang mga grupo laban sa pag-apruba sa VFA noong 1998 at 1999 at tuluy-tuloy ang kanilang panawagan at pagkilos laban dito hanggang ngayon.

Makikinabang ang sambayanang Pilipino sa pagbasura ng VFA: matatanggal ang kasunduang nagbibigay-daan sa pagdayo ng mga sundalong Amerikano sa bansa para sa mga pagsasanay-militar. Mapapailalim sa mga batas ng Pilipinas ang mga sundalong Amerikano. Hindi na sila pwedeng magtagal sa bansa nang walang taning. Maitataguyod ang probisyon ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing hindi pwedeng magpasok ng mga tropang dayuhan sa bansa nang walang kasunduan sa pagitan ng Senado ng Pilipinas at ng kabilang bansa.

Mawawala ang kasunduang nagsasakongkreto ng Mutual Defense Treaty ng 1956 na tungkol sa pangkalahatang pagtutulungan. Mawawalan din ng saysay ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng 2014 na nagpapatibay sa pagsasanay-militar patungo sa halos pagtatayo ng mga base-militar saan mang panig ng bansa.

Mapapawi ang mga kamatayan at gahasa, maraming abuso at pinsala na naging kaakibat ng VFA sa maraming taon. Maisusulong ang soberanya ng bansa na kinakatawan ng gobyerno sa saklaw ng teritoryo ng Pilipinas. Maititindig ang pagpapalayas ng Senado sa mga base-militar noong 1991, na binaligtad ng VFA at EDCA. Hakbang ito para makawala ang bansa sa isang alyansang militar na naghahatid ng iba’t ibang panganib, kasama na ang lihim na pagpasok ng mga armas-nukleyar.

Matatanggal ang isang mekanismo ng pakikialam ng US sa mga internal na usapin at alitan sa bansa. Mawawala ang isang patunay at mekanismo ng pagyukod ng Pilipinas sa Amerika. Kumpara sa mga naunang pangulo ng bansa, makasaysayan na itong pagtindig laban sa US sa loob ng mahigit 100 taong kolonyalismo at neo-kolonyalismo. Maibabasura ang isa sa maraming di-pantay na kasunduan ng Pilipinas at US. Hakbang din ito para makaalis ang bansa sa pagiging instrumento ng paghahari ng US sa Asya-Pasipiko.

Habang sinasamantala ng US ang sentimyentong anti-China ng mga Pilipino, lalo na sa pagkamkam ng China ng mga teritoryo ng Pilipinas, hindi ito naggagarantiya ng tulong sa paggigiit ng soberanya ng bansa. Habang ginagamit ang Pilipinas laban sa China, hindi isinusulong ng US ang interes ng Pilipinas laban sa China. Gagamitin nitong tuntungan ang bansa sa pag-atake sa China, pero walang suporta sa Pilipinas kung atakehin man ng China.

Syempre pa, nag-udyok ang mga pahayag at hakbangin ni Duterte ng pagtutol ng mga pwersa at personalidad sa bansa na maka-VFA at maka-US. Sa isang banda, may mga opisyal-militar at mga alyado ni Duterte na nagsasalita laban sa pagbasura sa VFA. Sa kabilang banda, may mga pwersang kritikal sa rehimen, at dikit sa oposisyon, na nagsasalita rin nang gayon.

Ang pangunahin nilang dahilan: alyado ng Pilipinas ang US laban sa pagkamkam ng China sa mga teritoryo ng bansa, at kailangan ang VFA para sa alyansang ito. Malakas ang hatak ng mga dahilang ito dahil talaga namang garapal ang pag-angkin ng China sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea at lantaran ang pagpapakatuta ni Duterte sa China. Tila ba, para sa mga maka-VFA, sa pagbasura sa kasunduan, hayagan nang ibinebenta ni Duterte ang mga isla ng Pilipinas sa China.

Maaari naman talagang iyun ang motibo at plano ni Duterte; hindi na maikakaila na sa ilalim niya, ibayong lumakas ang papel at kontrol ng China sa bansa, kahit pa US pa rin ang pangunahing may kontrol. Pero itinatago ng salitang “alyado” ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas. At ang makabayan at progresibong tugon ay hindi ang panatilihin ang VFA, kundi ang ibasura ito at ang kasabay at patuloy na labanan ang pagkamkam ng China sa mga teritoryo ng bansa.

Ang kailangan ay hindi ang pagkampi sa isa sa mga nagtutunggaliang superpower, kundi ang manindigan para sariling interes, soberanya at kalaayan ng Pilipinas laban sa kanilang pareho. Ang pagsuko ng mga nabanggit sa isa ay hindi magpapaatras sa kalaban nito; mag-iimbita lang itong lalo ng agresyon sa naturang kalaban sa iba’t ibang antas. Mas mahalaga, pagsuko pa rin iyun ng interes, soberanya at kalayaan, at nagmemenos sa paggigiit nito sa itinuturing na kalaban.

Sinumang nagkakaila o nagmamaliit sa kapangyarihan ng US sa Pilipinas ay pinapasinungalingan ng mga nagsasalita ngayon laban sa hakbangin ni Duterte: mga miyembro ng gabinete, opisyal-militar, midya ng malalaking kapitalista. Hindi lang ito dahil sa paglaban sa China, o anumang prinsipyo at batayan, kundi dahil sa matagal at materyal na interes ng US, at mga alyado nitong naghaharing uri, sa bansa.

Hindi rin dapat tingnan ang tugon ni Trump na pagyukod kay Duterte. Ayon sa mga komentarista, isa sa pangako ni Trump sa kanyang base ng suporta sa US ang pagbawas sa papel ng militar ng US sa mundo, at maaaring dito nagmumula ang tugon niya. Maaari ring umiiwas si Trump sa harapang banggaan, tulad ng nangyari kay dating Pres. Barack Obama ng US nang murahin ito ni Duterte matapos punahin ang mga pagpatay sa “gera sa droga.” Maraming paraan ang US para pasunurin si Duterte labas sa lantarang pakikipagsagutan.

Anu’t anuman, tila ang VFA ay isa sa mga isyu kung saan “magkakasundong hindi magkasundo” ang iba’t ibang kampong anti-Duterte. Magkaiba man ng tindig sa isyu, pinagbubuklod naman sila ng kagustuhang labanan at ipatigil ang maraming malalaking krimen ng rehimen. Sa isang pagtingin, iniluwal ang isyung ito sa VFA ng sabayang pagkilos nila laban sa mga paglabag ng rehimen sa karapatang pantao.

Katunayan, hindi lantay na pagsuporta kay Duterte sa isyu ng VFA ang ginagawa ng mga makabayan at progresibo. Una sa lahat, malinaw sa kanila na interes ni Bato o ng sarili — hindi ng sambayanang Pilipino — ang isinusulong ni Duterte sa pag-astang ibabasura ang tratado. Hinala ni Luis V. Teodoro, tulad ng ibang burukrata-kapitalista, may mga ari-arian si Bato na nakatago sa US, kaya totoo rin ang galit ni Duterte sa nangyari.

Pero dahil makitid ang ganitong motibo, duda ang mga makabayan at progresibo kung tutuluyan ni Duterte ang VFA, kaya naman itinutulak nila ang rehimen na totoong ibasura ang kasunduan. Ginagatungan ang ganitong pananaw ng pinakahuling balita: ang renegosasyon para sa bagong VFA, na hahalaw umano sa “mas mainam” na mga modelo sa Japan at Australia.

Inilalantad din ng mga makabayan at progresibo ang mga kasunduan at patakaran na nagpapailalim ng bansa sa US at pinapanatili ni Duterte, kasama na ang EDCA at MDT, bukod pa sa ekonomiya. Mula diyan, pinapalutang nila ang pagsusuring posibleng ginagamit lang ni Duterte ang VFA para makahingi ng mas malaking suporta sa US o sa China. At dahil diyan, hinahamon-itinutulak siyang ibasura rin ang nasabing mga kasunduan at patakaran.

Kaalinsabay, nananawagan sila kay Duterte na tunay na manindigan para sa soberanya at kalayaan, huwag lang gamiting islogan ang “independyenteng patakarang panlabas,” at isabay ang paglaban sa pagkamkam ng China sa teritoryo ng Pilipinas — at sa buong paghahari ng China sa bansa. Malinaw na tutol ang mga makabayan at progresibo sa anumang pagsisikap ni Duterte na palitan ang VFA sa US ng katulad na kasunduan sa China — o Russia, na alyado ng China.

Bukod pa rito ang paglaban sa maraming masasahol na krimen ni Duterte, kaisa ng mga anti-Duterte na maka-VFA. Mahalaga ang ganitong mas malaking pagtanaw sa isyu ng VFA at sa rehimeng Duterte para anuman ang kahantungan ng kabanatang ito tungkol sa VFA, maisusulong ang interes ng sambayanan, mailalantad si Duterte at lalo siyang maihihiwalay sa malawak na sambayanan.

Lalong makikita ang halaga ng mga nabanggit na dagdag sa panawagang ibasura ang VFA kung titingnan ang galaw ng midyang maka-China at maka-Russia sa mundo, kabilang ang isang seksyon nitong nagpapanggap na anti-imperyalista sa makitid na pakahulugang anti-US, na nagkakanlong kay Duterte. Kakatwang kinatawan nito si Andre Vltchek, Amerikanong ipinanganak sa Rusya at nagpapakilalang “pilosopo, nobelista, filmmaker at imbestigatibong mamamahayag.”

Sa kanyang sanaysay tungkol kay Duterte at sa VFA na nalathala sa isa, dalawa, tatlo at iba pang websites, kasama ang ilang kilala ng mga maka-kaliwa sa daigdig, pinapalabas ni Vltchek na si Duterte ay anti-imperyalista, sosyalista, naglilingkod at popular sa sambayanang Pilipino. Naghabi-habi siya ng mga kalahating katotohanan para palabasing kalaban si Duterte ng “Imperyong Kanluranin” at kinakalaban ito ng huli.

Sa ganito, ginugulo at kinakabig ni Vltchek pabor kay Duterte ang maaasahang natural na susuporta sa sambayanang Pilipino na binibiktima ni Duterte — ang Kaliwa sa daigdig, lalo na ang mga anti-imperyalista rito. Binibigyan niya ng hanay ng kakampi si Duterte laban sa mga kritisismo ng iba’t ibang bansa — at laban sa pagkasakdal sa International Criminal Court — na iniluwal pangunahin ng mga paglaban at protesta sa loob at labas ng Pilipinas. Gustong gawing ulilang lubos ang sambayanang Pilipino: inaapi na ng mga imperyalista, wala pang tulong mula sa mga anti-imperyalista sa mundo.

Sa mahabang panahon, sinustine ng mga Marcos ang suporta ng kanilang mga loyalista sa bansa sa pamamagitan ng nakatarget na mga kasinungalingan, patse-patseng impormasyon at ilusyon o reyalidad ng kaunting materyal na pakinabang. Sintomas ang sulatin ni Vltchek, gaya ng maraming lunsaran ng “fake news” sa social media, ng ganitong galawan sa pagbubuo ng isang buong uniberso, isang sariling mundo, ng mga kwentong nagtatanggol at nagkakampeon kay Duterte hindi lang para sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Hamon ang ganitong panlilinlang para palakasin ang makabayan at progresibong tuligsa at paglalantad kay Duterte, sa loob at labas ng bansa, sa isyu ng karapatang pantao at higit pa, itinulak man niya ang pagtapos sa VFA. Ang totoo, tuta siya ng US at China, lumalaro sa pareho para magpalaki ng pakinabang, at kinatawan siya ng mga oligarko, lalo na ng mga pinakamasahol na mandarambong sa mga ito. Pahirap at berdugo siya sa mga mamamayan, at ang umano’y “popularidad” niya ay peke, nakamit sa marahas at maruming pamamaraan.

Rehimeng Duterte, nakikipagmabutihan sa China, habang pinananatili ang di-pantay na relasyon ng Pilipinas sa US. <b>PH Coast Guard</b>

Rehimeng Duterte, nakikipagmabutihan sa China, habang pinananatili ang di-pantay na relasyon ng Pilipinas sa US. PH Coast Guard

Sa pagkilos ni Duterte para tapusin ang VFA, nauungkat sa mga balita at komentaryo ang umano’y rekord niya ng pagiging kritikal sa US — kasama na ang mga pahayag niya laban sa US noong mayor pa lang siya ng Davao. Talaga bang anti-US si Duterte, noon pa man?

Kahalintulad: sa pagpabor niya sa pamilya Marcos ngayon, nauungkat ang rekord niya at ng pamilya niya ng pagkampi at paglaban kapwa sa mga Marcos at sa itinuturing na mga kalaban ng huli, ang mga Aquino. Masinsin ang saliksik ni Miguel Paolo P. Reyes, at dito, makikitang walang solidong katapatan si Duterte sa mga Marcos o sa mga Aquino sa kasaysayan.

Hindi prinsipyadong tao, bagkus isang tusong pulitiko si Duterte; konsistent lang siya sa usapin ng “batas at kaayusan.” Malinaw na ito sa lahat ngayong lampas kalahati ng termino niya. Kaugnay na usapin: hindi rin siya mulat na “populista” — at may mga hakbangin siyang populista, bagamat hindi pangunahin — kundi pulitikong noo’y nagsikap agawin at ngayo’y nagsisikap patatagin ang paghahari.

Bagamat may papatak-patak siyang pahayag na anti-US noong mayor siya, bumuhos na ang mga ito nang naging pangulo siya. Bagamat lumaro siya sa mga Aquino at Marcos bago siya naging pangulo, mas naging malinaw ang pagiging maka-Marcos niya nang maging pangulo siya.

Hindi samakatwid ang mahabang rekord niya noong mayor, o ang mga tindig niya sa iba’t ibang usapin noon, ang dapat tingnan para maunawaan ang mga tindig niya ngayon sa usapin ng US-China at Aquino-Marcos. Tulad ng maraming tradisyunal na pulitiko, lagi siyang kumakampi sa kung sino ang nasa pwesto, o kung sino ang popular. Pero bukas rin siya sa iba’t ibang pampulitikang pwersa, at nang hinangad niyang maging pangulo, nakakabig siya mula sa mga ito ng kakampi.

Ang dapat tingnan, ang paghahangad niyang maging pangulo noong eleksyong 2016, panahon ng pamamayagpag ng mga Aquino, at arogansiya at pagkakahati ng mga naghaharing uri na dikit sa mga Aquino. Salik ang pagkakaisa ng mga Macapagal-Arroyo at Marcos — at sa gayon ay ang malinaw na pagkakaibigan ni Gloria at ni Duterte sa mahabang pagkapangulo ng una. Salik din ang pag-usbong ng China bilang pandaigdigang kapangyarihan, at ang pagiging malapit dito ni Gloria noon pa man.

Sa ganitong pagtingin, hindi hakbanging prinsipyado o anti-imperyalista ang pagtapos ni Duterte sa VFA. Pagsunod ito sa kanyang among China, o tusong maniobra para sa sariling interes. Maaari ring katulad ng pagmura niya kay Obama, patunay ito na sensitibo siya sa isyu ng karapatang pantao.

Pero mas malamang, patunay ito ng tumitinding desperasyon niya sa harap ng pagkakalantad ng malawakan niyang paglabag sa karapatang pantao, ng paglakas ng mga pagsisikap na papanagutin siya, at ng nalalapit nang pagtatapos ng kanyang termino. Lalo pa itong ipinamalay ng pag-trend ng #OustDuterte noong katapusan ng Enero, sa gitna ng kriminal niyang pagpapabaya sa harap ng Coronavirus.

Hindi maitatago ang mga krimen at may katapusan ang paghahari. Darating ang araw ng hustisya, at mag-aambag diyan ang pagharap sa isyu ng VFA ng mga makabayan at progresibo sa bansa.

01 Marso 2020

Gimik at pambabaluktot ni Andanar

$
0
0

Katawa-tawa sana kung hindi mapanganib ang kasalukuyang mga hakbang ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar at ng koponan niya rito sa Geneva, Switzerland para linlangin ang pandaigdigang komunidad.

Sa pagbuladas niya sa harap ng mga gobyerno, pandaigidgang midya, at mga eksperto sa karapatang pantao sa nangyayaring ika-43 sesyon ng Human Rights Council na naglilikha ng “bukas na gobyerno, mapagkalingang kapaligiran para sa midya, ligtas na espasyo sa mga mamamahayag, at bukas sa mga kritisismo” ang administrasyon ni Pangulong Duterte, muling nagtanghal si Sec. Andanar ng isang palabas na hitik sa gimik, pagbabaluktot at panlilinlang.

Anong ligtas na espasyo ang pinagsasabi ni Sec. Andanar? Habang pinamumunuan niya ang koponan niya sa Europa, iba’t iba at magkakaibang mga organisasyon ng midya sa buong Pilipinas ang nagsasagawa ng mga aksiyong protesta laban sa mga hayagang banta ni Pangulong Duterte na ipasara ang dominanteng multimedia outfit na ABS-CBN. Nagsagawa ng pagsisindi ng mga kandila ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at mga estasyon ng ABS-CBN Regional Network Group, habang nagsagawa rin ng katulad na mga aktibidad ang mga tsapter ng NUJP at lokal na press clubs. Sa puso ng Kamaynilaan sa Quezon City, nanguna ang NUJP ng ikapitong magkakasunod na aksiyong protesta tuwing Biyernes para kondenahin ang pinakahulling banta sa kalayaan sa pamamahayag.

Matapos ang rali sa Cagayan de Oro sa Mindanao kamakailan lang, habang umiikot-ikot si Sec. Andanar para magpamalas ng magandang litrato ng rehimen, muling ni-red-bait sina NUJP-CDO chair Pamela Jay Orias; matagalang mga miyembro ng NUJP at dating opisyal na sina Froilan Gallardo at Cong Corrales; at Joey Nacalaban; na lahat ay miyembro ng Cagayan de Oro Press Club. Sinama pa sa red-baiting sina NUJP chair Nonoy Espina at ang kapatid niya at dating tagapangulo ng NUJP na si Inday Espina-Varona, ang buong Radyo ni Juan network at reporter nitong si Loi Algarme, at ang Radyo Natin anchor na si Dan Morgado.

Naglunsad ang administrasyong Duterte ng maramihang-panig na atake sa independiyenteng midya sa Pilipinas bago pa man umupo sa poder si Pangulong Duterte. Noong Mayo 31, 2016, sa isang press conference sa kanyang bayan na Davao City, tinakda niya ang tono ng pakikitungo niya sa midya nang sinabi niyang: “Hindi dahil mamamahayag ka, hindi ka na puwedeng matarget ng asasinasyon.”

Mahigit tatlong taon sa kanyang madugong pamumuno, 15 mamamahayag na ang nasawi sa gitna ng pagtatrabaho nila, habang daan-daan ang pinagbantaan, hinaras at dinukot.

Alam ng buong mundo ang tungkol kay Maria Ressa, sa Rappler, kay Inday Varona at ang Matrix (ng militar), ang Inquirer, ang cyberattacks sa alternatibong midya at ngayon sa ABS-CBN, at ang red-tagging na isinasagawa ng buong makinarya ng gobyerno at aparato nito sa mga hindi sumusunod sa opisyal na linya o kahit niya iyung kinaaasaran lang ng naghahari-harian.

Iginigiit ni Mr. Andanar sa kanyang talumpati na nalilinlang daw ang UNHRC at ang pandaigdigang komunidad ng mga grupong “kasangkot” ng mga “komunistang terorista” na nagpapanggap na tagapagtanggol ng karapatang pantao hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Kunyari’y wala siyang alam sa di-mabilang na mga reklamo at ulat na isinumte sa mga tanggapan ng UN special rapporteurs at treaty bodies – mga reklamo at ulat na di man lang direktang tugunan ng gobyerno ng Pilipinas. Nagkakasya na lang ito na umiiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng walang-batayang mga atake sa mga nagsumite ng mga reklamo at sa mismong independiyenteng mga eksperto ng UN mismo. Karaniwan na sa mga bulag at matapat na sipsip at mga redtagger, at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang paggamit ng butihing Sekretaryo sa pangdaigdigang entablado sa UNHRC para bihisan at balita kundi man magpakalat ng pekeng balita. Nagiging batayan pa ito lalo para sa mga atake sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na dumudulog sa mga international rights mechanisms ng UN.

Binabalaan namin ngayon si Mr. Andanar na hindi na niya maipagpapatuloy nang katulad ng dati ang solong gimik niya na ito na kasama ang pulutong ng mga tagapagtanggol ni Duterte. Maraming organisason na sa ilalim ng Ecumenical Voice for Human Rights and Peace in the Philippines (EcuVoice) ang nagsumite sa Office of the High Commissioner on Human Rights ng di-bababa sa 16 ulat hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng gobyerno ng Pilipinas. Kasama rito ang mga ulat ng NUJP, Karapatan, National Council of Churches of the Philippines, National Union of Peoples’ Lawyers at Rise Up for Life and for Rights. Dudumugin namin ang mga piging niya hindi dahil nanggugulo lang kami kundi dahil kailangan naming ihayag ang katotohanan habang hindi tumitigil sa pagsisinungaling ang sarili naming gobyerno.

Tatapatan namin si Andanar at ang kanyang linyang mapanlinlang ng gobyerno sa ika-43 sesyon ng UNHRC. Sasabihin namin kung ano ang tunay na nangyayari – walang bahid at pandadagdag – at ipagtitibay lalo ang paniniwala ng mundo na ang administrasyong Duterte ay ang pinakamasahol na kaaway ng kalayaan sa pamamahayag at karapatang pantao mula noong madilim na panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos.

At magpapatuloy kami sa paglaban sa lahat ng lehitimo lugar at plataporma para maseguro na hindi makakaligtaan ng buong mundo ang tunay na balita mula sa Pilipinas dahil walang ibang mag-uulat nito.

 

Edre U. Olalia at Cristina Palabay
Co-chairs, Ecuvoice Delegation sa 43rd UNHRC Session


Pinasimpleng salin ng Pinoy Weekly mula sa wikang Ingles

‘Sosyalistang’ pangulo sa US, posible?

$
0
0

Kung noong nakaraang buwan, malinaw na nangungunang nominado ng Democratic Party sa US ang progresibong kandidato na si Sen. Bernie Sanders, tila gitgitan na sila ngayon ng dating Bise Pres. Joe Biden. Katunayan, bahagyang lamang pa si Biden.

Sino ba sina Sanders at Biden? At ano ang halaga ng eleksiyong pampangulo ng US sa Pilipinas?

Ilan dekada nang independiyenteng senador si Sanders. Progresibo ang kanyang posisyon sa maraming isyung panlipunan. Noong 2016 nang una siyang tumakbo para sa nominasyon ng Democratic Party para labanan si Hillary Clinton, at gayundin ngayon, isa sa pangunahin niyang mga panukalang polisiya ang pagkakaroon ng Medicare of All, o unibersal na sistemang medikal. Naniniwala siyang karapatan at hindi prebilehiyo na para lang sa iilang maykaya ang edukasyon sa kolehiyo.

Kasama rin niya si Rep. Alexandria Ocasio-Ortez na nagtutulak na maipasa sa Kongreso ang isang “Green New Deal,” isang pakete ng mga polisiya na naglalayong mabawasan ang carbon emissions o ibinubugang maruming usok na nagpapalala sa climate change o pagbabago sa klima ng mundo. US kasi ang isa sa mga pangunahing polyuter ng mundo.

Matagal na rin si Sanders na nanindigan kontra sa mga giyerang agresyon ng US. Isa sa pinakatampok na paninindigan niya ang pagboto kontra sa giyera ng US sa Iraq noong 2003. Panahong iyon, iilan lang silang tumindig laban sa giyera at di naniwala sa mga kasinungalingan ng administrasyon ni George W. Bush kaugnay ng weapons of mass destruction ng Iraq noon.

Nagpapakilala rin si Sanders bilang sosyalista, bagamat “demokratang sosyalista” ang tawag niya sa sarili niya, katulad ni Ocasio-Cortez. Ang pagpapakahulugan nila nito, hindi ang “diktadura ng proletaryado” na dating itinaguyod nina Lenin sa Rusya at Mao Zedong sa China, kundi ang mala-sosyal-demokratikong mga polisiya ng welfare countries tulad ng ilang bansa sa Europa na may malakas na mga sistema sa panlipunang serbisyo (edukasyon, kalusugan, atbp.).

Sino naman si Biden? Siya ang dating bise-presidente ni Barack Obama. Pero bago nito, isa siya sa mga konserbatibong miyembro ng Democratic Party: kontra sa Medicare for All at bumoto noong 2003 na pabor sa madugong giyera kontra Iraq si Biden. Kilala siyang chuwariwap lang ni Obama, at sinuportahan ang ilan sa pinakamasamang polisiya ng huli, tulad ng pakikidigma sa Middle East gamit ang drones (pagbomba ng drones sa sibilyang mga target). Sinuportahan din niya ang pagsagip ng administrasyong Obama sa mga bilyonaryo at malalaking bangko na halos nagpabagsak sa sistemang pampinansiya ng US noong 2008.

Noong nakaraang buwan, nangunguna pa si Sanders. Popular sa kabataan at ordinaryong mga Amerikano ang kanyang mga panukala. Kahit ang salitang “sosyalista” at sosyalismo, naging positibo ang pagtingin ng maraming Amerikano.

Pero nang sumapit ang “Super Tuesday” (isang Martes kung kailan maraming US states ay nagbotohan para sa nominasyon sa Democratic Party), biglang nag-atrasan ang iba pang kalaban nina Sanders at Biden para suportahan si Biden. Lahat ng boto ng mga ito, napunta kay Biden.

Halatang pagmamaniobra ito ng mga konserbatibo at bilyonaryong mga miyembro ng Democratic Party at nasa naghaharing uri ng US para ipagkait kay Sanders ang nominasyon. Grabe ang takot nila na maging kandidato ng partido si Sanders, na lamang pa nga sa mga sarbey kay Donald Trump. Takot silang isang nagpapakilalang sosyalista ang magiging presidente ng US.

Ano ang kahulugan nito para sa mga Pilipino? Nangungunang imperyalistang bansa rito ang US, at ang galaw ng pulitika dito’y may implikasyon sa pagpapanatili ng imperyalistang paghahari ng US sa bansa. Siyempre, hinahadlangan ng mga imperyalista ang isang tulad ni Sanders dahil gusto ng mga ito ipagpatuloy ang imperyalistang paghahari ng US sa Pilipinas at sa maraming iba pang malakolonya nito.

Ibang usapin pa kung maipagtatagumpay talaga ni Sanders ang mga plano niya kung magwawagi siya bilang nominado ng Democratic Party at, possible, bilang presidente ng US. Para sa mga progresibo sa Pilipinas, anumang nagtutulak ng progresibong pagbabago at nagpapalaganap ng progresibong mga posisyon at pulitika sa US at saanmang bansa ay dapat suportahan.

Kooperatiba bilang solusyon

$
0
0

Sa sistemang kapitalista, isa sa mga minumungkahing solusyon ang pagtayo ng mga kooperatiba para mabigyan ng lunas ang nakikitang kabulukan ng sistemang ito.

Nakabatay ang kasalukuyang sistema sa tubo, kompetisyon, at ekonomiya ng merkado, kung saan ang gobyerno ay madalas na pumapasailalim sa kapangyarihan ng mga kapitalista.

Sa sistemang ito, mahirap matamo ang hustisyang panlipunan.

Malabong makamit sa sistemang ito, kung saan ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahirap ay lalong humihirap, ang pantay-pantay na pamamahagi sa yaman ng lipunan.

Tingnan natin ang epekto ng kasalukuyang kapitalistang sistema sa mga pangkaraniwang mamamayang Pilipino tulad ng mga manggagawa at mga magsasaka.

Ang mga manggagawa ay sinasabing siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ngunit sa kasalukuyang sistema, ang kanilang kinikita sa ating bansa ay hindi sapat para sila ay mabuhay nang marangal.

Ang minimum wage dito sa atin ay napakalayo sa halagang kailangan ng isang pamilya upang mabuhay nang disente. Ito ay lalo pang nababawasan sanhi ng inplasyon.

Dahil dito, marami sa kanila ang napilitang mangibang– bansa upang doon magpa-alipin para lamang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ganun din ang nagyayari sa mga magsasaka.

Karamihan sa kanila ay hindi pa rin may-ari ng kanilang lupang sinasaka. Ang kanilang kinikita ay hindi rin sapat dahil sa napakataas na halaga ng mga binhi.

Mataas din ang halaga sa paggamit ng pang-agrikuturang teknolohiya. Napipilitan din silang umutang sa mga kumprador na siya ring taga-bili ng kanilang mga produkto sa murang halaga. Ang iba’t ibang programa ng pamahalaan para sa mga magsasaka ay napupunta lamang sa wala.

Sa ilalim ng Article 12 ng ating kasalukuyang Saligang Batas, ilang beses na binanggit ang kooperatiba upang makamit ang hustisyang panlipunan sa pang-ekonomiyang pag-unlad.

Sinasabi rin ni Pope Francis na ang mga kooperatiba ay siyang susi para sa pag-unlad ng pang-ekonomiyang pangkalagayan.

Ang kooperatiba ay isang samahang itinayo upang tulungan ang kanyang mga kasapi para ipagbili ang kanilang mga produkto o mamili ng mga produktong kanilang kailangan.

Ayon sa Cooperative Code of the Philippines, bawat kooperatiba ay magpapatakbo ng kanyang gawain batay sa patakaran ng voluntary and open membership, democratic member control, economic participation, autonomy and independence, community concern, inter-cooperation among cooperatives, at education, training and information para sa mga kasapi nito.

Ang mga kooperatiba ay maaring maging credit cooperative, consumer cooperative, producer’s cooperative, service cooperative, marketing cooperative, agrarian reform cooperative, electric cooperative, housing cooperative, workers’ cooperative, multi-purpose cooperative at iba pa.

Batay sa datos ng Cooperative Development Authority, mayroong 18,065 na operating cooperatives sa Pilipinas sa taong 2018.

Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Region IV o Southern Tagalog Region, National Capital Region, at sa Region III.

Karamihan din sa kanila ay multi-purpose cooperative at iilan lamang sa kanila ang agrarian reform, housing, transport, at worker’s cooperative.

Sinasabing dito sa Pilipinas, ang unang kooperatiba ay binuo noon pang panahon ni Dr. Jose Rizal, noong siya ay naka-exile pa sa Dapitan.

Ngunit sa kabila ng ating kasaysayan, napag-iwanan ng ating mga karatig-bansa ang Pilipinas para sa pagsulong sa kooperatiba bilang isang paraan upang paunlarin ang buhay ng mga kasapi nito.

Tulad halimbawa sa South Korea, kung saan mayroong National Agricultural Cooperative Federation (NACF). Pakay nito na mapataas ang kinikita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawak sa marketing ng mga produktong kanilang ginagawa. Sa kanyang operasyon ay naging isa sa pinakamalaking financial institution sa bansang South Korea ang NACF.

Sa Thailand naman, mababanggit natin ang ACFT o ang Agricultural Cooperative Federation of Thailand. Kabilang sa mga kasapi nito ang mga specialized groups katulad halimbawa ng mga kooperatiba ng sugarcane growers, onion growers, swine raisers, at dairy cooperatives. Dahil sa kanila ay binuo ng Thailand ang Bank for Agriculture and Agricultural Cooperative noong 1966.

Sa Malaysia naman, mababanggit natin ang National Farmers’ Association na naitayo pa noong 1972. Kasapi sa samahang ito ang mga agro-based cooperative at farmers’ association. Napakalaki rin at napakaunlad ng samahang ito sa kanilang bansa.

Malungkot isipin ngunit napag-iwanan na ang Pilipinas sa pagsisikap nitong palaguin at payabungin ang mga kooperatiba dito sa ating bansa.

Ano kaya ang dahilan mga kasama? Tanging ang taong bayan ang makakasagot nito.


Kuwento ng isang PUI

$
0
0

Pebrero 10 ngayon at apat na araw na akong naka-hospital quarantine pagkatapos ng anim na araw ng home quarantine, bale 10 araw ng quarantine. Nagpunta akong Hong Kong para bumisita sa mga kamag-anak noong Chinese New Year at nakabalik sa Maynila bago mag-anunsiyo ang gobyerno ng travel ban sa China, HK at Macau. Isang araw bago ako umalis ng HK, nagkaroon ako ng matinding sipon, na nagpatuloy kahit noong lumipad ako, pero wala akong lagnat.

Nang dumating ako, matapat kong sinagot ang health declaration card ng Bureau of Quarantine, “Nagkasakit ka ba sa nakaraang 30 araw?” Tsinek ko ang kahon para sa YES. Nang makita ng BOQ officer ang sagot ko, tinanong niya kung ano ang sakit ko, at ang sabi ko, nagkaroon ako ng sipon kahapon. Sinamahan niya ako sa thermal scanner at dahil wala naman akong lagnat, pinayagan akong umuwi. Binigyan nila ako ng piraso ng papel na may nakasulat na “Health Alert Notice” na may kasamang numero ng mga ospital na puwedeng kontakin kapag nakaranas ako ng mga sintomas.

At dahil wala pang malinaw na paabot ang gobyerno tungkol sa 14 na araw na quarantine noon, dumiretso ako sa opisina para dumalo sa isang meeting. May suot akong face mask doon, hanggang tumawag sa telepono ang eskuwelahan ng anak ko. Nabalitaan nilang parating ako sa araw na iyun mula HK at sinabihan nila akong may patakaran sila para pigilan ang paglaganap ng Coronavirus. Pinapili nila ako: mag-self-quarantine nang 14 na araw, o umuwi at makapiling ang anak ko. Kapag pinili ko ang ikalawa, hindi papayagang pumasok ang anak ko sa eskuwelahan sa loob ng 14 na araw. Nagulantang ako noong una sa sinabing ito dahil miss ko na ang anak ko. Sinabi ko na magse-self-quarantine ako at sinigurong hindi ako magkakaroon ng pisikal na kontak sa anak ko.

Kaya dumistansiya ako sa anak ko. Kinabukasan, pumasok pa rin ako sa trabaho nang may suot na face mask.

Noong ikatlong araw, idineklara ng gobyerno ang travel ban at ipinataw ang 14-na-araw na self-quarantine sa lahat ng bumiyahe mula China, HK at Macau. Tumawag ako sa ospital na nakalagay sa health alert notice na ibinigay sa airport. Sinabi ko sa kanila na may sipon ako pero walang lagnat. Pinayuhan akong mag-self-quarantine, imonitor ang temperatura ko dalawang beses isang araw, at tumawag sa kanila kung magkakalagnat. At dahil nagkaroon ako ng sipon, tinanong nila ako kung gusto kong ma-admit. Sabi ko, kung kailangan, oo. Sa kasamaang palad, sabi nila, pang-apat ako sa waiting list at puno ang isolation rooms. Kinuha nila ang contact number ko at sinabihan akong kokontakin ako kung may mababakanteng kuwarto. Hindi nila ako tinawagan.

Nagkaroon ako ng ubo sa mga sumunod na araw, naggamot ako sa sarili, at uminom ng gamot sa ubo habang naka-self-quarantine. Nagkaroon din ako ng kahirapan sa paghinga, pero walang lagnat. Nalaman ko na ang ilang pasyenteng nagpositibo sa Coronavirus ay hindi nagpakita ng sintomas. Napraning ako, nag-alala para sa mga taong nakadikit ko bago ako mag-self-quarantine.

Pinilit kong pumunta sa isang pampublikong ospital para magpatingin. Gusto ko lang ma-swab test para masiguradong cleared. Sabi ng doktor sa triage, puwede akong umuwi dahil wala akong lagnat. Sabi ko, gusto kong magpa-swab test para sigurado. Nang dumating ako sa isolation room ng ospital para sa swab test, sabi ng doktor na pinapayuhan akong magpa-admit sa kanilang isolation room.

DOH: Maraming sinasabi, ipinapangako, pero natutupad ba?

DOH: Maraming sinasabi, ipinapangako, pero natutupad ba?

Tinanong ko kung magkano at kung sasagutin ng gobyerno, dahil narinig ko sa balita na sinabi nina Sec. Francisco Duque at Usec. Rolando Enrique Domingo ng Department of Health na sasagutin ng gobyerno ang gastusin sa ospital ng mga Persons Under Investigation (PUI). Ang sabi ng doktor, naghihintay pa sila ng pormal na sulat ng DOH na nagsasabing lahat ng gastusin ng mga PUI ay sasagutin ng gobyerno at walang sasagutin ang mga pasyente.

Pumayag pa rin akong ma-admit sa isolation unit. Nang gabing iyun, nagpa-ECG ako, swab test at blood test. Sabi nila, lalabas ang resulta tatlo o limang araw pagkatapos, pero ang resulta ng mga specimen na ipinadala nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay umabot ng isang linggo. Nagpa-X-ray ako nang sumunod na araw. Ikatlong araw na mula nang nagpa-test ako, wala pa ring resulta mula RITM.

Clear ang resulta ng ECG, blood test at X-ray. Wala rin akong sintomas, walang sipon, walang ubo, walang lagnat. Pero ramdam ko ang stress dahil sa gastos sa ospital habang naghihintay ng resulta. Tinanong ko kung magkano na ang bill ko, at nagulantang sa sagot. Tinanong ko ang doktor, sinabi kong gusto ko nang lumabas nang mas maaga kahit wala pa ang resulta at ituloy na lang ang self-quarantine dahil baka hindi ko kayang bayaran ang gastos sa ospital. Sabi ng doktor, wala pa ring direktiba mula DOH na ang gastos sa ospital ng mga PUI ay sasagutin ng gobyerno. Pero tuluy-tuloy ang mga opisyal ng gobyerno sa pagsasabi sa maraming press conference na sasagutin nga ng gobyerno. Press release lang ba ito? Bakit sila naglalabas ng ganitong mga pahayag sa publiko nang hindi naman nagpapadala ng pormal na direktiba sa mga humahawak sa mga kaso ng PUI?

Ang gusto ng doktor, huwag akong lumabas hanggang walang resulta. Pero hindi ko na kayang bayaran ang gastos sa ospital kung magtatagal pa ako sa isolation unit. Kita ko ang pagsisikap at mabilis na tugon ng health workers natin na nasa harapan ng paglaban sa Coronavirus. Mahusay sila at may kagamitan pero, sa dulo, nakadepende ang aksiyon nila sa kapasidad ng gobyerno na kumilos nang mabilis at maglabas ng mahahalagang direktiba at alituntunin. Kung pinapatakbo sana ang mga ospital ng gobyerno para magbigay ng serbisyong pangkalusugan at hindi para palakihin ang kita dahil sa lumiliit na budget sa kalusugan, hindi sana kakailanganing ipasa ang gastos para sa bawat kagamitan sa ospital, kuwarto, at gamot sa mga pasyente. Pero ganito ang pagharap sa isang emergency crisis tulad ng Coronavirus sa ilalim ng isang neoliberal na sistemang pangkalusugan.

Paano hihikayatin ng gobyerno ang iba pang posibleng PUI na magpatingin sa ospital kung sasagutin ng pasyente mismo ang gastos sa pagmonitor sa kanila?

Noong nakaraang buwan, mayroon nang mahigit 261 PUI tulad ko sa buong bansa. (Habang isinasaayos ang artikulong ito, inanunsiyo ng Malakanyang na may 33 kumpirmadong may Covid-19 sa bansa. -Ed.) Sigurado ako, lahat kami, pareho ng ipinag-aalala: ang gastos sa ospital. Ang totoo, baka mas marami pa silang pinoproblema sa akin. Halimbawa, maswerte ako na ang employer ko, naunawaan ang sitwasyon ko at pinayagan akong magtrabaho sa bahay habang naka-self-quarantine. Paano iyung mga PUI na may trabaho na “no work, no pay”? Kung 14 na araw ang quarantine, kalahating buwang sahod nila iyun?

Mayroon bang direktiba sa mga employer ang Department of Labor and Employment na magbigay ng 14 na araw na paid leave para sa mga PUI at tiyakin na ang kanilang seguridad sa trabaho habang naka-quarantine? At paano ang mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi PUI pero apektado ng travel ban? Nasa balag ng alanganin ang pamilya nila. Alam nating napakaliit ng tulong pampinansiya ng gobyerno at hindi tatagal para sa kanilang mga pamilya. Dapat nang irebyu ng gobyerno ang lahatang travel ban sa mga Pinoy, na karamihan ay Pinay, papuntang HK at Macau. Dapat na silang pabalikin sa trabaho. Hindi naman ang mga ito ang sentro ng virus.

Isang bata sa Taguig City, tsinek ang temperatura. <b>Kontribusyon</b>

Isang bata sa Taguig City, tsinek ang temperatura. Kontribusyon/Taguig City Gov’t handout photo

Maraming aral na dapat mapulot ang gobyerno, at tayong mga Pilipino, sa karanasan natin sa paglaganap ng Coronavirus.

Leksiyon #1: Huli na ang gobyerno sa pagbibigay ng babala tungkol sa Coronavirus. Eskuwelahan pa ng anak ko ang nagtulak sa aking lumayo sa kanya. Kung hindi nila ako tinawagan sa tamang panahon, umuwi na sana ako agad at nalantad ang anak ko at buong pamilya ko sa virus. Kung mas maagang nagbigay ng babala ang gobyerno, makakapagpataw ng tamang protocol sa mga nagbyahe mula Wuhan at papasok sa Pilipinas.

Leksiyon #2: Walang malinaw na atas sa mga tao na mag-self-quarantine. Nalaman ko lang na ang ibig sabihin ng self-quarantine ay ang hindi pagkakaroon ng kontak, kahit makipag-usap nang may suot na face mask, sa ibang tao.

Leksiyon #3: Hindi dapat “i-rationalize” o isapribado ng gobyerno ang mga ospital, o ipailalim ang mga ito sa paghahari ng tubo. Dapat unahin nito ang mga serbisyong pangkalusugan sa pagba-budget. Dapat mas marami pang RITM na nakakalat sa buong bansa.

Leksiyon #4: Dahil nagkalat ang mga Pilipino sa buong mundo, bulnerable ang ating mga OFW sa mga epidemya. Dapat pag-aralan ng gobyerno ang iba’t ibang proteksiyon na dapat ibigay sa kanila at aktuwal na ibigay ang mga ito.

Leksiyon #5: Bulnerable ang mga manggagawang Pilipino sa kawalang-sahod at tanggalan dahil sa pag-iingat sa Coronavirus. Kailangan din silang protektahan.

Mag-ingat at makibaka

$
0
0

May mga nagsasabi na sa gitna ng krisis, hindi dapat nagsisisihan. Magtulungan na lang daw. Sumunod na lang daw sa mga awtoridad. Pero pinakikita sa kasaysayan ng pagtugon ng mga mamamayan sa nakaraang mga kalamidad na kayang gawin nito pareho: agad na tumulong at tumugon, at maningil.

Habang nagaganap ang krisis, sa kasong ito ang pandemic (o malawakang pagkalat ng sakit sa buong mundo) na Coronavirus Disease 2019 (Covid-19), pinag-uusapan sa publiko ang mga sanhi nito, at mga bagay na maaaring nagpalala rito. Pinag-uusapan sa pagitan ng mga mamamayan kung ano ang naging tugon ng gobyerno sa krisis na ito, at kung tama ba ang tugon na ito. Sa gitna ng mga pag-uusap na ito, nagagawa pa ring magtulungan: magbigay ng ayuda sa mga nangangailangan, sumaklolo sa mga kailangan ng tulong, magbigay-imporasyon sa mga kapos sa kaalaman.

Hindi kaiba sa ibang sakuna o kalamidad ang pandemic ng Covid-19. Habang umaayuda, nag-iingat para sa sarili at sa pamilya, at madalas na naghuhugas ng kamay at umiiwas sa maramihang tipunan ng mga tao, kaya pa ring punahin ang mga dapat punahin. Katunayan, bilang responsableng mga Pilipino, tungkulin natin ito.

Una, sabi nga ng TedX lektyur eksperto sa global health na si Alanna Shaikh sa US, ang mga epidemyang katulad ng sa Covid-19 ay resulta ng pakikitungo ng tao sa kapaligaran ng mundo. Iniluwal ng kapitalismo ang walang-habas na pagluwal ng surplus na produksiyon at pagsasamantala sa likas-na-yaman ang pag-init ng temperatura ng mundo. Dahil sa pagbabagong ito sa klima ng mundo o climate change, mas nabubuhay at lumalaganap ang iba’t ibang virus at bacteria. Sabi pa niya, sa bawat pagsunog at pagbuwal ng mga puno sa mga kagubatan para ikombert para sa agroindustriya, nagkakaroon ng kontak ang mga tao sa mga populasyon ng wildlife na may dalang bacteria at viruses.

Ani Shaikh, ang mga epidemya na katulad ng Covid-19 ang hinaharap ng mundo. Hindi na tanong kung mauulit pa ito. Ang tanong ay kung kailan ito mauulit.

Sa Pilipinas, kailangan ding ituro kung bakit umabot pa sa ganitong antas ang krisis. Enero pa lang, napag-alaman na ng Department of Health ang mga kaso ng sinususpetsahang maysakit na mula China na nakarating ng Pilipinas. Hinintay pa nito ang mahigit isang buwan bago ipinagbawal ang pagbiyahe mula sa bansang ito. At kahit may travel ban noon sa China, Macau, Hong Kong (at dinamay pa ang Taiwan), marami pa rin ang balita hinggil sa mga turistang Tsino na nakakalusot sa Pilipinas – dumadaan sa iba’t ibang pandaigdigang paliparan at daungan sa bansa.

Noong Pebrero, ibinukas na muli ang pagbiyahe sa Pilipinas mula sa China (maliban sa probinsiya ng Hubei). Samantala, isang mistulang  ang iniutos ni Duterte. Bago ang pormal na implementasyon nito, dagsaan na ang mga komyuter sa mga terminal ng bus pauwi ng probinsiya. Tiyak, nakahalo na rito ang maysakit, dahil wala namang pamamaraan ang terminal para salain ang walang sakit sa mayroon. At noong ipinatupad ang checkpoint, iba-iba naman ang pamamaraan ng pagtsek ng mga militar at pulis: mayroong walang mask, may nangangapkap, may nanghihingi ng mga dokumento (certificate of employment o residence) gamit ang di-protektadong mga kamay na ginamit sa pangangapkap ng ibang tao, at iba pa. At siyempre, hindi lahat ng labasan-pasukan sa Maynila ay nababantayan.

Dapat mag-ingat sa pagkalat ng Covid-19, pero dapat ding maging kritikal sa anumang polisiya o hakbang na ginagawa ng gobyerno. Dapat suriin ang pakay ng mga hakbang na ito batay sa resulta nito. Ang isinagawang lockdown o community quarantine, maraming butas at hindi epektibo. Kaya ano ang tunay nilang pakay? Gusto lang nilang takutin ang mga mamamayan. Di kaila sa mga nag-aaral ng mga lipunang mapanupil kung papaano ginagamit ang mga krisis tulad ng Covid-19 para bigyan-katwiran ang panunupil, pagkait sa mga karapatang sibil ng mga mamamayan, at pangungunyapit sa kapangyarihan.

Lalong itinutulak ni Duterte ang mga mamamayan na magalit at, sa takdang panahon, mag-alsa laban sa kanya dahil sa sobrang panunupil niya sa halip na aktuwal na tumugon sa krisis sa Covid-19. Sa kabila ng walang suporta ng gobyerno sa mga mamamayang pinagkakaitan ng serbisyong medikal at kabuhayan, kakayanin nitong tumugon sa krisis. Kasabay nito, kakayanin din nitong magalit, tumuligsa, at magpatalsik.

Maagap na responde ng Pasig sa pandemyang #Covid19

$
0
0
“Hindi malusog ang isang bayang nanganailangan ng mga bayani.”
-Bertolt Brecht, Galileo

Pasig, hindi Vico

Maaga pa lang sa kampanya ay dehado na ang batang pumiling labanan ang tila isang higante ng pulitika sa Pasig City, na mahigit 30 taon nang nakaupo sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaang panlungsod.

Maraming hindi sumuporta sa una, umugong ang mga balitang pinapatayan noon ng ilaw ang kandidato sa tuwing mangangampanya siya sa mga baranggay na malakas ang suporta ng katunggali. Nabalita ring ipinagbawal ang pagtitinda ng kakaning biko sa palengke ng Pasig, at pananakot o di kaya’y pagtanggal sa mga kawani ng gobyerno ng nakaupong alkalde dahil sa pagsuporta sa “kalaban.” Pero maaga pa lang din sa kampanya, malinaw ang isa sa kanyang mahihigpit na prayoridad: palakasin ang sistemang pangkalusugan ng lunsod.

Pagkapanalo bilang alkalde, agad niyang binawasan ang pondo para sa mga imprastraktura at inilipat sa mga proyektong pangkalusugan, kasabay ng kanyang ipinatupad na mga hakbang na bago sa mata ng mga Pasigueno.

Kasama rito ang pagreregular sa ilang kontraktuwal na mga kawani ng pamahalaang lungsod, pakikiisa sa mga manggawa na nagwelga sa iba’t ibang panig nito, pagseseguro sa mga kawani ng lungsod na hindi sila tatanggalin sa kanilang mga trabaho kahit ang kanilang suporta ay nasa dating alkalde sa kondisyong wala silang rekord ng katiwalian, at ang kanyang makataong pagharap sa mga isyu ng lungsod ay ang nakuha niyang atensiyon mula sa midyang inilalagay siya sa pedestal dahil sa mga pagbabagong maagap niyang naipatupad sa kanyang maikli pa lang na panunungkulan.

Iniiwas niya lagi ang kanyang personal na ambag sa nabanggit na mga pagbabago. Sa halip, binibigyang diin niyang public servant siya at ginagawa lang ang mandato. Aminado siyang hindi niya kayang gawin ang lahat kung wala ang tulong ng mga mamamayan. Lungsod, hindi sarili, Pasig, hindi Vico.

Pasig City Mayor Vico Sotto (pangalawa mula kanan), kausap ang ilang lokal na mga opisyal ng lungsod. Mula sa FB Page ni <b>Vico Sotto</b>

Pasig City Mayor Vico Sotto (pangalawa mula kanan), kausap ang ilang lokal na mga opisyal ng lungsod. Mula sa FB Page ni Vico Sotto

Maagap, agresibong serbisyo

Ngayong humaharap ang Pilipinas sa pandemyang dulot ng coronavirus disease-2019 (Covid-19), kinakailangan ang maagap at walang patumanggang ayuda at impormasyon ng gobyernong nasyonal at lokal, kasabay ng isang malinaw at organisadong plano kung paano susugpuin ang nasabing problema.

Sa ngayon, ang plano ng nasyunal na gobyerno ay hindi pa rin malinaw, kahit ang lokal na mga pamahalaan ay wala pang epektibong pagresponde sa kumakalat na sakit. Wala pa naman talagang lunas na naiimbento para dito, at puro “preventive measures” lang ang ating kayang planuhin sa ngayon. Ang pambansang pamahalaan, nagpatupad ng “community quarantine” noong March 15, 2020, at sinundan pa ng “enhanced community quarantine” matapos ang dalawang araw. Isang araw matapos ang “enhanced community quarantine”, ipinasa ng pambansang gobyerno ang susing responsabilidad sa lokal na mga pamahalaan upang magdesisyon sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa Covid-19.

Isa ang lungsod ng Pasig na maagap at mabilis na nagplano. Nakapag-abiso agad na makapagpapamigay ng ayudang pagkain at pinansiya sa mga maapektuhan ng pangyayari. Malakas ang panawagan ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor na punan ang pangangailangan ng mga maapektuhan, lalo na ang mahihirap na sektor.

Bukod pa rito, minadali ang procurement ng personal protective equipment (PPEs) na gagamitin ng mga frontliners ng lungsod. Kamakailan lang din, idinagdag pa ng lokal na pamahalaan ang drones na makaktulong sa pagidi-disinfect ng mga barangay. Napabalita din ang pagpayag ng alkalde sa pag gamit ng traysikel bilang dagdag na transportasyon sa masisikip an eskinita ng lungsod.

Pero hindi ito sinang-ayunan ng Inter-Agency Task Force (IATF), bagamat nilinaw ng alkalde na ang pagpayag niyang gamitin ang mga traysikel ay alinsunod sa ginawang risk-assesment ng lungsod para ihatid sa mga ospital ang mga manggagawang pangkalusugan, mga manggagawang papasok sa kanilang trabaho, at ang mga pasyenteng may malubhang sakit na kinakailangan ng serbisyong medikal. Hindi pa rin ito pinayagan sa kabila ng pakiusap ng alkalde, pero kinabukasan, pinayagang mag-opereyt sa Lungsod ng Maynila ang 180 e-trikes bilang transportasyon ng frontliners. Ang alkalde ng lungsod ng Maynila ay kilalang ka-partido ni Presidente Duterte.

Bagaman kulang na kulang pa rin ang ayudang ibinibigay ng lungsod sa nasasakupan nito, napatunayan ng lokal na pamahalaan ng lungsod na kung gugustuhin ng mga nakaupo ay kayang kaya nitong maging maagap at agresibo sa pagpapaabot ng serbisyo sa mga mamamayan.

Serbisyong medikal, hindi militar

Hindi natin masusugpo ang Covid-19 kung walang pagkakaisa.

Kinakailangang kalampagin ang gobyerno upang ilabas, at ipamahagi ang testing kits sa lahat ng nangangailangang mga mamamayan (mga bulnerable, may sakit o sintomas, mga tinatawag na persons under investigation o PUI, at frontline health workers) nang libre.

Ito’y para makausad tayo sa unang hakbang sa paglaban sa pandemyang ito: malaman kung sino ang positibo, at mula doon, kung mayroon nang maimbentong gamot ay gamutin ang mga mamamayan. Tungkulin ito ng gobyerno at hindi nating hahayaang abandonahin ito. Ibaling ang pondo sa serbisyong pangkalusugan nang sa gayo’y magkaroon ng sapat na kagamitan upang labanan ang Covid-19.

Nagsisimula palang ang labang ito. Tiyakin nating handa tayo sa lahat ng aspekto. Huwag iwan ang kritikal na pagiisip dahil lalong kailangan natin ito sa panahon ng krisis, pakikiisa at kritikal na pagbabantay sa mga hakbangin ng gobyerno ang susi sa pagpuksa sa virus na ito.

 

 

Mga walang-hiyang VIP

$
0
0

Araw-araw, may balita hinggil sa pulitiko o mataas na opisyal ng rehimeng Duterte na nagpasailalim sa testing para sa coronavirus disease-2019 (Covid-19). Araw-araw, may balita ng doktor, nars, health worker, o ordinaryong mamamayan, na namamatay – malamang dahil sa Covid-19, pero hindi man lang napasailalim sa test.

Limitado lang ang test kits ng Department of Health (DOH). Noong simula ng “enhanced community lockdown,” sinabi nito na may 2,000 test kits ito. Sa matagal na panahon, Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa ilalim ng DOH lang ang may kontrol at maaaring magsagawa ng testing. Noong nakaraang linggo, nagbukas na sila ng limang subnational laboratories na puwedeng magsagawa ng tests. Hindi natin alam ngayon, pero baka nangalahati na ang test kits na natitira. Laging sinasabi ng DOH na may paparating naman daw na mahigit 100,000 test kits mula sa China, Korea at Brunei. Pero sa ngayon, iyung natitirang test kits lang ng RITM at subnational labs angaasahan.

Di ito naasahan ng health workers na positibo ngayon sa Covid-19. Ilang araw na lang bago sila mamatay saka nakuha nina Dr. Raul Jara sa Philippine Heart Center, Dr. Rose Pulido sa San Juan de Dios Hospital, Dr. Israel Bactol sa Philippine Heart Center, Dr Greg Macasaet sa Manila Doctors Hospital at Dr. Marcelo Jaochico na provincial health officer ng Pampanga ang resulta ng kanilang tests. Daan-daang PUIs, bulnerable at frontliners ang di-makapag-test, self-quarantine na lang.

Pero noong Marso 23, kumalat ang balita hinggil sa VIP testing sa RITM. “Sukang suka” na raw ang isang istap ng RITM dahil inuuna pa ang mga pulitiko. Mayroon pang umulit ng test para sigurado. Kasama sa ipinakita sa listahan sina Sen. Richard Gordon at asawa niyang si Katherine Gordon, Sen. Grace Poe, Sen. Maria Pilar “Pia” Cayetano, Sen. Maria Imelda “Imee” Marcos, Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta, isang Hernandez L. Peralta, at PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa at asawa niyang si Rozanne C. Gamboa.

Nitong Marso 25, nabalita ang pagpunta ni Sen. Koko Pimentel sa Makati Medical Center para samahan ang manganganak na asawa. Person Under Investigation (PUI) si Pimentel, pero malaya siyang pumasok ng ospital. Noong araw ding iyon, nalamang positibo siya sa Covid-19. Noong araw ding iyon, nag-shopping pa siya sa S&R sa Bonifacio Global City.

Nitong Marso 26, nagpaskil ng mensahe ang asawa ni dating Sen. Bongbong Marcos sa social media. Itinanggi niyang may malubhang karamdaman si Bongbong. Nagpakita ng larawan nito sa kama, hawak ang bagong edisyon ng isang diyaryo. Sabi pa ng asawa: nagpa-test sila at ang kanilang buong istap at negatibo sila lahat.

Ito ang mukha ng prebilehiyo sa bansang ito. Ang mga miyembro ng naghaharing uri, maaaring lumabag sa social distancing, maglagay sa panganib sa mga mamamayang nakakahalibilo nila, gamitin ang VIP status para makauna sa testing habang mas marami ang nangangailangan.

Lahat nang ito, pinahihintulutan ng rehimen na siya namang nagpapabaya sa frontliners at mahihirap at nagwawasiwas ng kamay na bakal sa ordinaryong mga mamamayan.

Bersus Coronavirus

$
0
0

Ayon sa mga mamamahayag na pang-agham (maraming trabaho ang nakikilala dahil sa krisis ngayon), galing ang Coronavirus sa mga hayop sa gubat, partikular sa mga paniki. Katulad ng ibang virus na tinatawag na zoonotic, nabubuhay sila sa mga hayop at nagdudulot ng sakit sa tao kapag nagawang tumalon sa tao. Mainam hanapin samakatwid ang mga kalagayang naglalapit sa kanila at mga tao: pagkawasak ng mga kagubatan, paglaki ng populasyon ng tao, kaakibat ang lumalawak na agrikulturang industriyal at pagpaparami ng mga lungsod at bayan. Mabilis naman silang lumaganap dahil sa pag-unlad ng teknolohiya para sa paglalakbay ng mga tao at para sa paglilipat ng mga alagang hayop, at maging mga hayop sa gubat.

Sa mas masaklaw na pag-unawa, samakatwid, resulta ang pandemya ng Covid-19 hindi ng tao sa pangkalahatan kundi ng sistemang panlipunan ng tao: ng kapitalismo at ng yugto nito ngayong imperyalismo. Sa partikular, tumatampok ang tuluy-tuloy na pagsaklaw nito sa espasyo, kasama ang mga kalupaan at kagubatan, para magkamal ng tubo at bunsod ng krisis ng labis na produksyon — bagay na laging sinasabi ni David Harvey, Marxistang palaisip. Kailangan ng mapagkukunan ng mga troso at hilaw na materyales, ng mga bagong plantasyon, ng mga bagong lungsod na pagtatayuan ng negosyo.

Maaalala sina Karl Marx at Friedrich Engels mismo sa bahagi ng Manifesto ng Partido Komunista na sinasabing prediksyon ng globalisasyon: “Tinutugis ang burgesya sa buong ibabaw ng globo ng pangangailangan sa tuluy-tuloy na lumalawak na merkado para sa mga produkto nito… Ipinailalim ng burgesya ang kanayunan sa paghahari ng mga bayan.” At si Vladimir Lenin sa Imperyalismo, na sumipi sa imperyalistang si Cecil Rhodes na nagpanukala ng solusyon sa banta ng kaguluhan sa Inglatera: “Kung gusto ninyong makaiwas sa digmaang sibil, dapat kayong maging mga imperyalista.”

Syempre, masasalang ang sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa China, na nagkataong pinagmulan ng Coronavirus. Sa isang banda, nariyan ang Maoistang pagsusuri na tumahak na sa landas ng kapitalismo ang China simula noong 1976, at isa na ngayong umuusbong na kapangyarihang imperyalista. Pero kahit ang mga tumatanggi sa pagsusuring ito, hindi maikakailang signipikanteng nagbukas ang China sa pandaigdigang pamilihan kahit pa pinanatili ng Estado ang malaking papel nito sa ekonomiya.

Sa pagbubukas ng China sa pandaigdigang pamilihan, lalo na noong dekada ’90, bahagyang nakahinga ang imperyalismo sa krisis nito ng labis na produksyon simula pa noong dekada 70. Nagkaroon ito ng bagong merkado para sa mga produkto, paglalagakan ng kapital kung saan mura ang lakas-paggawa, at iba pa. Masasabing isang epekto ang pagputok ng pandemya ngayon ng pagsagad ng saklaw ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa mga relatibong bagong espasyo, isang palatandaan ng krisis nito.

Social distancing sa komunidad ng mga maralita sa Sitio San Roque, QC. <b>KR Guda</b>

Social distancing sa komunidad ng mga maralita sa Sitio San Roque, QC. KR Guda

Habang nagluluwal ang imperyalismo ng mga sakit at pandemya katulad ng nananalasa ngayon, hindi naman nito mapondohan ang lunas — na matagal nang kailangan at kaya namang gawin. Sa ngayon, ang tinitingnang posibleng makapigil sa paglaganap ng Covid-19 ay isang bakuna, na tinutuklas pa. At ayon sa progresibong intelektwal na si Mike Davis, nagkakaisa ang mga mananaliksik na posible ang isang bakuna laban sa lahat ng trangkaso.

Matagal nang sinasaliksik ang gayong bakuna at itinuring ng mga mananaliksik na kagyat na kailangan dahil sa iba’t ibang umuusbong na sakit. Pero hindi ito pinondohan ng Big Pharma, o mga monopolyo-kapitalista sa gamot, dahil iba ang priyoridad nila (“gamot sa sakit sa puso, nakakaadik na tranquilizer, at gamot sa pagkabaog ng lalake”) at taliwas sa interes nilang kumita sa ibang gamot. Ngayon, sa gitna ng krisis, paniwala ni Davis, hindi pa rin Big Pharma ang gagawa ng bakuna para sa nakamamatay na Covid-19.

Bilang tugon sa pandemya, sa buong mundo, itinulak ng mga eksperto ang “social distancing,” na paglaon ay tinawag na “physical distancing,” para maiwasan ang paglaganap ng Coronavirus. Nagpatupad ang mga gobyerno ng matinding paglimita sa pagkilos ng mga tao, sukdulang magpataw ng “lockdown” — isa pang salitang naging popular — sa mga lungsod hanggang buong bansa. Biglang-bigla, nagkaroon ng pinagsasaluhang karanasan ang mga mamamayan ng daigdig, ang pananatili sa bahay para makaiwas sa sakit.

Ayon kay Adam Tooze, historyador ng ekonomiya, “winasak ng Coronavirus ang mito na dapat mauna ang ekonomiya.” Aniya, kung “simplistikong lohikang pang-ekonomiya” ang masusunod, tuloy lang ang buhay hanggang magkaroon ng bakuna dahil ang ekonomiya ang dapat laging mauna — at makakapinsala rito ang paglimita sa pagkilos ng tao. Tutal rin naman, ang tatamaan ay ang “pinaka-hindi produktibo” na mga miyembro ng lipunan — ang matatanda. Patunay aniya ang pagpapataw ng mga gobyerno ng mga limitasyon sa pagkilos ng mga tao na mahalaga pa rin ang buhay ng tao. Tiyak, takot ang kahit anong gobyerno na maakusahang nasa likod ng pagkakasakit at pagkamatay ng marami, at maging puntirya ng mga protesta at pag-aalsa.

Sa buong mundo, lumulutang ang halaga ng una, maagap na tugon ng mga gobyerno (test, monitoring, kwarantina at paggamot) at ikalawa, na kaugnay ng una, mahusay na pampublikong sistemang pangkalusugan. Nakakagulat malaman na ang US at UK, mauunlad na bansa, ay may mahinang pampublikong sistemang pangkalusugan — hanggang maalalang nagpatupad sila sa mga neoliberal na patakaran. Tiyak na lalong mahihirapan ang di-mauunlad na bansang may mababang klaseng mga pampublikong ospital dahil sa pagyakap sa mga neoliberal na patakaran, tulad ng Pilipinas. Ang mga may relatibong magandang karanasan, nangailangan ng malaking hakbangin ng gobyerno: China kung totoo man, Vietnam, South Korea, at iba pa.

Para epektibong makatugon sa pandemya, kailangan ang malaking papel ng mga gobyerno — isang tampok na porma ang pagsasabansa ng mga ospital sa Espanya. Taliwas ang leksyong ito sa bago nito’y namamayani pa ring neoliberal na doktrina sa mga serbisyong pangkalusugan: paliitin ang subsidyo sa mga pampublikong ospital, ipaubaya ang kalusugan ng mga mamamayan sa mga pribadong ospital para pagkakitaan (dahil umano magkukumpetisyon sila para magpababa ng singil, na isang kalokohan). Dito, ang serbisyo ay para sa iilang kayang magbayad, habang ang nakakaraming hirap sa buhay ay kailangang humingi ng tulong o mangutang. Lalong maraming magkakasakit at mamamatay kung magpapatuloy ito ngayon.

Contributed Photo

Contributed Photo

Sa Pilipinas, dumating ang Coronavirus sa panahong lalong nabubulok ang rehimen ni Rodrigo Duterte. Arogante dahil sa minanupakturang “popularidad” umano sa nakakarami, agresibo nitong itinutulak ang interes ng iilan, ng mga dayuhang kapangyarihan at mga naghaharing uri gamit ang kamay na bakal. Malinaw ang pinagkaabalahan nito kahit noong kumakatok na ang banta ng paglaganap ng Coronavirus sa bansa: dayuhang pag-aari sa mga yutilidad sa bansa at mas masaklaw na kapangyarihang mapanupil ang itinutulak nito sa Kongreso at Senadong kontrolado nito. At pinakahuli lang ang mga ito sa marami nang naunang katulad na hakbangin ng rehimen.

Nagpatuloy ang ganitong tunguhin kahit sa naging pagharap nito sa Coronavirus. Sa halip na ipagbawal ang pagpasok ng mga dayuhan, lalo na ang mga galing China, pinahintulutan ito — at pinalabas pang rasista ang mga nagpanukala ng pagbabawal. Pinahintulutan din ang operasyon ng mga POGO, na bago nito’y tampulan ng malawak na pagtuligsa dahil sentruhan ng iba’t ibang krimen. Sa halip na magbigay ng edukasyon sa publiko tungkol sa pandemya, sinakyan ang pangangailangan sa “physical distancing” para pawalan ang pulisya at militar; pananakot at pagkontrol, sa halip na impormasyon. At lubusang sumandig sa mga opisyal-militar na nasa militar at iba pang ahensya, sa halip na sa mga eksperto, sa buong pagtugon sa krisis.

Kung may pagtitiwala sa pagitan ng mga mamamayan at gobyerno, hindi kailangan ang maagap, mabilis at malaganap na pakat ng militar at pulisya. Kung nagtitiwala ang gobyerno sa mamamayan, alam nitong sasapat ang edukasyon sa Covid-19 para manatili sila sa bahay. Kung nagtitiwala ang mga mamamayan sa gobyerno, alam nilang tutulungan sila nito sa pagtugon sa mga pangangailangan kung mananatili sa bahay. Pero walang tiwala ang gobyerno sa mga mamamayan, at alam nitong walang dahilan para magtiwala rito ang mga mamamayan. Lumalabas na ang kagyat na hakbanging ito ng rehimen, hindi pangkontra sa pandemya, kundi sa posibilidad ng “looting” ng mga mamamayan — proteksyon sa pag-aari ng mayayaman sa pangunahin.

Malinaw rin, sa mga pahayag nina Duterte, Health Secretary Francisco Duque at iba pang opisyal ng gobyerno: pampulitikang interes na magmukhang kontrolado ang sitwasyon higit sa kaalaman ng mga eksperto para magligtas ng buhay. Noong una, sa halip na magbigay ng edukasyon sa publiko tungkol sa panganib, nanguna sa pagmaliit-pagkutya sa banta — “ihian” ang virus — at pagpapakalat ng maling impormasyon. Sa halip na maghanda, sinikap ipanatag ang publiko gamit ang mga kahambugan: handa raw noong una, at “modelong bansa” pa nga nang lumaon. Pero nang malinaw nang lalala ang sitwasyon, naging alarmista — “Do not panic!” — at nagdulot lalo ng pagtitipon at siksikan ng mga tao — sa mga grocery, estasyon ng bus, at checkpoint.

Ayon sa mga eksperto, pinakamahalaga ang mga hakbangin ng mga gobyerno sa maagang bahagi ng krisis para mapigilan ang paglaganap ng Covid-19. Pero lumalabas na naging pabaya ang rehimen kahit sa pagmonitor sa mga pinakaunang kaso ng sakit sa bansa. Ayon sa mga eksperto, kasama na ang World Health Organization at mga bansang relatibong matagumpay sa pagharap sa pandemya, napakahalaga ng pagpaparami ng mga taong nate-test. At ito ang itinutulak ng masiglang kampanya para sa #FreeMassTesting, na naghahanap ng malinaw na kongkretong hakbangin at resulta. Sa halip na ibigay ito, gayunman, lumutang ang pribilehiyo ng mga pulitiko sa paulit-ulit na pagpapa-test at maging sa paglabag sa mga protokol para sa maysakit.

Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga manggagawa at propesyunal rito, matagal nang mahina o “bulok” ang pampublikong sistemang pangkalusugan sa bansa. Bagamat lumaki sa numero ang badyet para rito ng rehimeng Duterte, lumiit ito kumpara sa ibang priyoridad, at ang inilaki ay kinain pa ng implasyon. Ngayon, nagkalat sa social media ang mga kwento ng nagpapatuloy na pagpapabaya ng rehimen sa serbisyong dapat pangunahing tugon sa krisis na ito: walang sapat na pamprotekta ang mga frontliners na doktor, nars at manggagawang pangkalusugan; walang malaking pagsisikap na paramihin ang mga kama sa ospital, ventilators, at iba pang kagamitan; at kahabag-habag ang tangka na magrekluta ng frontliners. Ito ang sasalo ng buong bigat ng kapabayaan ng rehimen sa unang yugto ng paglaganap ng sakit.

Noong Marso 27, idineklara ni Kristalina Georgiva, direktor ng International Monetary Fund o IMF, na nasa resesyon na ang daigdig bunsod ng pandemya. Mas malala raw ito sa pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya noong 2009. At nagsisimula pa lang ang pandemya sa buong mundo: ang nagagawa lang ng mga lockdown at katulad na hakbangin ay pigilang ang pagkalat ng Coronavirus at sa gayon ay huwag malunod ang mga ospital sa mga pasyente. Pwedeng luwagan ang mga ito pana-panahon, pero ipapataw silang muli, at muli, at muli. Isang tinitingnang pag-asa ang pagkakaroon ng bakuna laban sa Covid-19, pero ayon sa eksperto’y kakain ito ng mahigit-kumulang dalawang taon bago mapalaganap sa mundo.

Maganda ang maagang sagot ng pilosopong si Slavoj Zizek sa ilusyon noon ni Pres. Doland Trump ng US na mawawala rin agad ang Coronavirus, katono rin noon ni Duterte: “Taliwas sa lahat ng napakababaw na pag-asang ito, ang unang kailangang tanggapin ay mananatili ang banta. Kahit humupa ang agos na ito, muli itong lalabas sa bago, marahil ay mas mapanganib, na mga anyo.” Gaya ng nabanggit, hindi lang aksidente ang pagkalat ng Coronavirus; nariyan ang malalaking salik na nagdulot nito — at nagkataon lang na sa China ito nagmula at pumutok, dahilan para iwaksi ang rasismo. Kailangang maging handa ang mga gobyerno at mamamayan sa mga paparating na katulad nito.

Sa isang bagong komentaryo, binalikan ng progresibong kritikong panlipunan na si Naomi Klein ang tema ng kanyang bantog na librong The Shock Doctrine [2007]: ginagamit ng mga naghaharing uri ang pagkagulantang ng mga mamamayan na dulot ng mga krisis para magpatupad ng mga patakarang magsusulong ng interes nila, lalo na ang mga patakarang neoliberal. Pero kinilala niya ang mga pwersang kontra-elite at progresibo: “Kung may isang aral na itinuturo sa atin ang kasaysayan, iyan ay ang mga panahon ng pagkagulantang ay sobrang pabagu-bago. Pwede tayong humina, manakawan ng mga elite, at magbayad sa loob ng maraming dekada, o pwedeng magkamit tayo ng mga progresibong tagumpay na tila imposible ilang linggo lamang bago nito. Hindi ito panahon para panghinaan ng loob.”

Sa isang banda, malinaw sa mga hakbangin ng rehimeng Duterte ang gusto nito: palawakin at patatagin ang paghahari nitong awtoritaryan, kung hindi man tahas na diktadura. Sa itinulak nitong emergency powers, gustong bigyan ang pangulo ng kapangyarihang gumawa ng iba’t ibang patakaran laban daw sa pagkalat ng Coronavirus; kumontrol sa mga pribadong yutilidad at negosyo, gayundin sa kuryente, langis, tubig at enerhiya; at magpasya sa paglalaanan ng pambansang badyet. Syempre pa, gusto nitong palakasin ang kontrol ng militar mula sa mga kalsada at barangay hanggang sa tuktok ng gobyerno. At ang gusto nito, magpatuloy ang ganitong kalakaran kahit pagkatapos ng krisis.

Sa kabilang banda, matibay ang mga batayan para maghapag ang mga mamamayan ng mga panawagan, na para makatugon sa mga pangangailangan nila sa harap ng krisis ay kailangang radikal kumpara sa neoliberal na kaisipan at mga patakaran. Kailangang pamunuan ng gobyerno ang pagtugon sa mga ito. Mainam ang mga panukalang binuo ng progresibong Ibon Foundation: mula sa mga kagyat na panlaban sa Covid-19 hanggang sa “malakas, epektibo at may sapat na pondong pampublikong sistemang pangkalusugan,” mula pagprotekta sa trabaho ng mga manggagawa hanggang direktang tulong pinansyal sa iba’t ibang sektor, mula moratoryo sa bayarin hanggang pagtigil sa mga demolisyon ng mga maralitang komunidad. May batayang igiit na ipatupad ang marami sa mga ito kahit pagkatapos ng krisis.

Isa pang inilantad ng krisis ay ang mga hangganan ng globalisadong pamumuhunan at kalakalan. Halimbawa, lubhang kailangan ngayon ang pamprotekta ng mga frontliners sa sektor pangkalusugan, pero walang mapagkunan sa ibang bansa. Si Esperanza Cabral, dating sekretaryo sa rehimeng Noynoy Aquino, nagsabing dapat pagtulungan ng gobyerno at mga industriya ang paglikha nito. Isa pang halimbawa, lubhang kailangan ngayon ang istableng suplay ng pagkain, para maging malusog ang mga mamamayan. Pero nagpasya ang Vietnam na hindi na magluluwas ng bigas, maging sa Pilipinas. Patunay ito na hindi uubrang ipasa ng rehimen ang pagtugon sa batayang pagkain ng mga Pilipino sa ibang bansa. Tumitining na kailangang tumindig ng Pilipinas sa sariling mga paa, pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, para tugunan ang mga pangangailangan ng bansa.

Sa Sitio San Roque, QC. <b>KR Guda</b>

Sa Sitio San Roque, QC. KR Guda

Isang malaking hamon ang larangan ng labanan na nilikha mismo ng krisis. Sa mga bahay, paano mapagkakaisa ang mga pamilya at kapitbahay sa mga panawagan at pagkilos? Sa social media, paano ang pro-aktibong plano ng pagsusulong ng mga panawagan — sa gitna ng mga nakakaantig na kwento; nakakagalit na hakbangin ng rehimen, mga pulitiko at elite; at madaming alam, ganap at paandar? Paano maaabot at mapapatatag ang mga kasundo pero hindi organisado? Ang mga frontliners sa iba’t ibang trabaho na umaalis ng bahay, silang malay sa sakripisyong sinusuong, paano nila maaabot ang mga katulad at mga pinaglilingkuran nila para ang karanasan at kwento nila ay magdulot ng pagbabago na bukod sa kagyat ay sa pangmatagalan?

Sa social media, na naging mas mahalaga pero sekundarya pa ring larangan ng labanan, napwersa na ang mga propagandista ng rehimen na palaganapin ang mga pinaka-kakatwang linyahan para patahimikin ang mga tumutuligsa at naggigiit ng kahilingan: sumunod na lang, “not the worst government but the worst citizens,” nakakaawa si Duterte, at iba pa. Binabaluktot ang mga kahilingan ng mga mamamayan: mga doktor ang tatao sa mga checkpoint, at iba pa. Syempre pa, pinapawalan ang mga linyahang ito para depensahan ang naghaharing rehimen, at patahimikin ang mga kritiko nito at ang mga mamamayan sa harap ng gutom ng marami at iba’t ibang kahilingan.

Hindi makapaghari ang mga naghahari sa lumang paraan. Maraming pangangailangan ng mga mamamayan ang nagkakaanyo ng mga kahilingan. Maraming mamamayan ang nasa bingit ng kagutuman, kung hindi man pagkakasakit at kamatayan. Paparami ang mga mamamayang nahahatak sa mga panlipunan at pampulitikang isyu bunsod ng krisis, kahit pa nasa mga bahay. Marami ang kumikilos at gustong kumilos. Mababanaag ang tatlong katangian ng rebolusyunaryong sitwasyon ayon kay Lenin. Mainam ang kalagayan para isulong ang kagyat at matagalang kapakanan ng sambayanan.

01 Abril 2020
Viewing all 532 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>