Quantcast
Channel: (Kolum) – Pinoy Weekly
Viewing all 532 articles
Browse latest View live

Malaya pero Hindi?

$
0
0

Matagal nang nagpapakilalang “independyenteng manunuring pampulitika” si Mon Casiple. Ang totoo, ayon sa mga matagal nang aktibista, kapanalig siya ng Akbayan, na alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kung malabo man ang mga ebidensyang pang-organisasyon, malinaw naman ang mga ebidensyang pampulitika. Lalo na ngayon, sa pagsusuri niya sa paglaya ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa hospital arrest nito.

“Okey lang iyan.” Ganito sa pangkalahatan ang tindig ni Casiple sa paglaya ni Arroyo. Hindi naman daw ito makakatakas ng bansa, at patuloy na lilitisin sa mga nakasampang kaso. Humina rin daw ang baseng pampulitika ni Arroyo, habang “nakapagkonsolida ng kapangyarihan” si Aquino. Maaalis din ang pananagutan ng gobyerno sa karamdaman o posibleng pagkamatay ni Arroyo. Malaya pero hindi talaga malaya ang dating pangulo.

Hindi nakakapanatag ang mga pahayag ni Casiple. Hindi pa rin matagpuan at maikulong ang berdugong si Hen. Jovito Palparan, at walang patunay na nasa bansa pa siya. Kung nagawa niyang magtago sa batas o maikanlong ng batas, paano pa kaya ang amo niyang si Arroyo? At bakit hindi imbestigahan ang sinasabing sakit ni Arroyo? Napakarami na niyang opisyal ang umiwas sa pananagutan sa pagsasakit-sakitan.

Tama si Casiple: Hindi isinampa ang kasong pagsabotahe sa eleksyong 2007 para ikulong si Arroyo. Ang layunin lang nito ay pigilan ang kanyang pagtakas sa bansa – hindi para papanagutin siya kundi para maiwasan ang posibleng pagsiklab ng galit ng mga mamamayan. At bakit humantong sa ganito ang gobyernong Aquino? Dahil mahigit isang taon na ito sa pwesto, wala pa itong isinampang kaso laban kay Arroyo.

Humina ang baseng pampulitika ni Arroyo, lumakas ang kay Aquino? Lalong dapat makulong at hindi mapalaya si Arroyo. Pero hindi: nakalaya siya sa panahong kumpleto ang kontrol ni Aquino sa gobyerno. Pinayagan ang hospital arrest niya noong pinapatalsik si Chief Justice Renato Corona, at nakalaya siya dalawang araw matapos ang State of the Nation Address. Gumaganansya si Arroyo sa mga papogi ni Aquino.

Wala ring pag-alala si Casiple sa postura ng kanyang organisasyong Akbayan noong eleksyon. Hindi ba’t nanalo ang kanilang kandidatong si Aquino sa pangakong papanagutin si Arroyo – sa usapin ng katiwalian at pag-abuso ng kapangyarihan, hindi sa paglabag sa mga karapatang pantao? Mangako ng isang bagay at iba ang gawin kapag naupo? Hindi ba’t ganyan ang tradisyunal na pulitiko? Nasaan diyan ang pagbabago?

Musika sa pandinig ng gobyernong Aquino ang iba pang sinabi ni Casiple: Hindi kabawasan sa “kampanyang kontra-korupsyon at pampulitikang katayuan” ni Aquino ang paglaya ni Arroyo. “Minimal” daw ang pampulitikang epekto nito. Hindi ito pasibong pagsusuri sa reyalidad, kundi aktibong interbensyon sa reyalidad. Nais nitong pahinain ang namumuong protesta laban sa pagpapalaya ni Aquino kay Arroyo.

Sa kanyang SONA, may depensibang patutsada si Aquino tungkol sa “industriya ng kritisismo” laban sa kanya. Kitang-kita kay Casiple ang tipo ng industriya ng kritisismo ng Akbayan: may renda basta’t may renta – prinsipyo ng mga bayaran sa pulitika.

29 Hulyo 2012


Naririnig Ko Ang Iyong Panambitan

$
0
0

naririnig ko ang iyong panambitan
la tierra pobreza
lupain ng dalita’t dusa
lupaing tinigmak ng dugo
ng mandirigma ng masa
na dinusta ng inhustisya
na inalipin ng pagsasamantala
inihahatid ng naglalakbay na amihan
sa saliw ng huni ng langay-langayan
ang iyong tagulaylay
tumatarak, lumalaslas
sa kamalayan kong laging naglalamay
naririnig ko ang iyong panambitan
kung mga gabing nagdarasal
malungkot na buwan
kung mga umagang luhang pumapatak
mga butil ng hamog sa damuhan
kung mga katanghaliang humihiyaw
aspaltadong lansangan ng kalunsuran
kung mga dapithapong dumaramba
mga alon sa ulilang dalampasigan.

oo, naririnig ko ang iyong panaghoy
la tierra pobreza
sa dagundong ng kulog sa kalawakan
sa sagitsit ng kidlat sa karimlan
sa lagaslas ng tubig sa kabundukan
oo, naririnig ko ang iyong hinagpis
la tierra pobreza
sa bulong ng mga babaing asawa’y
nalibing sa kung saang talahiban
naririnig ko sa taginting ng mga dalangin
sa nobena’t decenario ng mga sisa
si crispin ay di na makita
ibinaon kung saan ng kampon ng kadiliman
o binulok sa mga tagong bilangguan
o naagnas sa pusod ng karagatan
wala ni anino ng kalansay.

oo, naririnig ko ang iyong panambitan
la tierra pobreza
sa tagaktak ng pawis
ng manggagawa’t magsasaka
sa lagunlong ng sikmurang walang laman
sa kalantog ng mga lata sa basurahan
sa pagtutol ng tinuklap na mga yero
sa langitngit ng tinungkab na mga tabla
sa lagabog ng ginibang barungbarong
sa gilid ng namamahong estero
mulang tripa de gallina
hanggang canal de la reina
naririnig ko ang hinaing mo
la tierra pobreza
sa binuldoser na mga bahay
sa mga lote diumano ng gobyerno
na lalong dapat mapunta sa masa
di sa mga ayala at mga kauri nila
na walang sinasamba kundi kuwarta
patayin man sa hilahil at dusa
gawin mang naglipanang aso’t pusa
milyun-milyong maralita!

oo, umuukilkil sa pandinig ko
ang panambitan mo
la tierra pobreza
saanmang sulok ng planeta
ipinadpad ng daluyong ng dalita
mga anak mong nagdurusa
ikinalat silang parang layak
sa banyagang mga bansa
dahil kalansay na ang pag-asa
at ginutay na ang ligaya
sa lupain mong binaog
ng uring mapagsamantala
oo, la tierra pobreza
“di lahat ay natutulog sa dilim ng gabi”
at naririnig nila
iyong panambitan at panawagan
nagliliyab ang mga mata
ng mga anak mong magigiting
bartolina mo’y wawasakin!

Sa panahon ng kalamidad: Bakit ganito sila?

$
0
0

What is it about capitalism and its obsession with profit that makes people lose their humanity?

Ito ang tanong ni Prop. Judy Taguiwalo, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at aktibista, sa kanyang Facebook account, bilang reaksiyon sa kumalat na imahe ng mensahe ng isang kompanya ng business process outsourcing (BPO) na nakabase sa Estados Unidos (US). Sa mensaheng ito, inuutusan ng kompanya ang mga empleyado nitong call center agents sa Manila na pumasok sa opisina — sa kabila ng utos ng pamahalaan na ikansela ng pribadong mga kompanya ang pasok sa trabaho, at sa kabila ng malaganap na pagbaha sa buong Kamaynilaan.

Ito ang screenshot ng isang mensahe ng employer ng kompanyang BPO sa mga empleyado nito sa Manila. Ayon sa nagpaskil ng mensahe, "ang oras ay oras ng america, 11:43 (AM) naisend ngayong araw (Agosto 7)."

Ito ang screenshot ng isang mensahe ng employer ng kompanyang BPO sa mga empleyado nito sa Manila. Ayon sa nagpaskil ng mensahe, “ang oras ay oras ng america, 11:43 (AM) naisend ngayong araw (Agosto 7).”

6 PM UPDATES: Matapos ipaskil namin ang komentaryong ito, lumutang din sa Facebook ang screenshot ng SMS na galing diumano sa parehong kompanyang BPO. Nakumpirma naminna totoo ang text, bagamat inalis muna namin ang pangalan ng kompanya para makaiwas sa posibilidad na kasuhan ng libelo ng naturang kompanya.

Sinabi ng Business Processing Association of the Philippines (BPAP) na hinihiling nito sa Malakanyang na huwag isama ang mga kompanyang BPO sa utos nito na kanselahin ang trabaho. Sunshine industry, sa panahon ng matinding kalamidad? Bilang paghikayat sa mga empleyado nito na pumasok, may insentibong iniaalok ang mga ito.

Samantala, sinabi ng Malakanyang na hindi exempt ang call centers sa nabanggit na utos nito. Pero kasabay nito, tila Malakanyang pa mismo ang nag-aanunsiyo sa nasabing mga insentibo ng mga kompanyang BPO. Ito ang tweets ni Abigail Valte, deputy Presidential spokesperson, sa kanyang Twitter account:

Bandang alas-10 o 11 ng umaga:

At bandang alas-dos ng hapon:

* * *

Samantala, sa kabila pa rin ng ulan at baha, inanunsiyo ng mga kompanya ng langis ang pagtaas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.

Nagtaas din ang ibang kompanya:

Shell: P0.80/L VPower, FuelSave Unleaded, Regular; P0.40/L Diesel; P0.30/L Kerosene eff 06:00AM Aug 7,2012

Kaya muli, maaaring tanungin: Nasaan ang humanity sa ganito? –Ed.

Astig

$
0
0

Para kay Tirso “Ka Bart” Alcantara

 

Nakadagan sa dibdib ko
Ang talampakan ng estado
Isang tambak ng mga bloke ng semento.

Nakadiin sa dibdib ko
Ang mga tuhod niya at siko
Ilang hilerang mga rehas na asero.

Naririto ang dibdib ko
Ito ri’y bakal at kongkreto
Hinding-hindi magpapadurog sa pasismo.

(June 2012)

Di Ako Manunulat

$
0
0

di ako manunulat
gaya ng dinadakila sa mga aklat
o sinusuob ng papuri’t pabango
sa maluningning na entablado
simple lamang akong taga-tala
ng reyalidad ng lipunang balintuna
taga-salaysay ng marawal na buhay
ng alipin ng kawalang-katarungan
ng ibinayubay ng pagsasamantala
sa kalbaryo ng luha’t dusa
mga karapatan at dignidad
pamunas lamang sa puwit at paa
sa dambana ng mga hari
sa pulitika’t ekonomiya.

di ako makata
sadya lamang matabil ang dila
pinagtatagni-tagni ang mga salita
laban sa imbing mga diyus-diyosang
sugapang nandarambong ng pondo ng bayan
silang dambuhalang tulisang
nakamaskarang makabayan
sa palasyo ng kalunsuran
laging isinasadlak masang sambayanan
sa kahimahimagsik na karalitaan
laging ibinibenta’y kapakanang-bayan
mahimod lamang pundilyo’t tumbong
ng dayuhang mga panginoong
pakialamero sa pambansang kasarinlan.

di ako manunulat
kompositor lamang ako
ng mga notang naglulunoy sa pandinig
hikbi ng mga ina
daing ng may pulmonyang amang
di makatikim ni aspirina
himutok ng naulilang
di makabili ni kabaong na palotsina
lagunlong ng napilipit na bituka
lagutok ng mga buto sa pabrika
kalantog ng tinuklap na mga yero
kalabog ng ginibang bahay
sa gilid ng mabahong estero
singasing ng hininga
ng pawisang magsasaka
sa kabukirang di kanya
hagulhol ng mga batang
nakalupasay sa bangketa
tagulaylay ng mga sawimpalad
saanman naghahari’y inhustisya.

di ako manunulat
pintor ako ng mga larawang
nagnanaknak sa alaala
iginuguhit ng pinsel sa lona
sa pamamagitan ng pulang pintura
nakasusukang mga eksena
sa sinisintang la tierra pobreza
inuuod na mga bisig
inaanay na mga dibdib
nagdurugong mga bituka
mga tiyang sinasaksak
mga mukhang nilalaplap
inaatadong katawang hubo’t hubad
di nahilamusan ng dignidad
samantalang nilalaklak
dugo ng maralita
at pinagpipistahan
sa mesa ng kapangyarihan
ng iilang pinagpala
sinangkutsang buto’t laman
inadobong puso’t atay
sinitsarong bituka’t balat
tinapyas na mga ilong
dinukit na mga mata
ng sambayanang masa.

di ako manunulat
di ako makata
taga-tala lamang ako
taga-salaysay lamang ako
kompositor lamang ako
pintor lamang ako
at mang-aawit lamang ako
ng kahimahimagsik na reyalidad
sa ninananang lipunang
walang urbanidad ni dignidad
dahil sa iilang walang hinahangad
kundi bulsa’t sikmura nila
ang tanging mabundat!

Kasalanan ng Mahihirap

$
0
0

Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.

Magandang itanong sa mga may-edad na: Dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin kadalasan ang biktima? Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?

(1) Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila – partikular sa pagiging limitado ng pagpipilian nila. Sa mga dominanteng pwersa sa lipunan, kahit iyung umano’y nagbubuo ng pag-uunawaan tulad ng midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag nito. Lagi tuloy may sasagot ng “May choice, laging may choice!” kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.

Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya. Masasabi pa ngang may pornograpiya sa karalitaan sa bansa. May mga dokumentaryong detalyado ang kwento tungkol sa lagay nila; sa mga palabas na tulad ng kay Willie Revillame, inuurirat ang mga buhay-buhay nila. Pero sa lahat ng ito, hindi naipapakita kung paanong nalilimitahan ang mga pagpipilian nila – na, sa kongkreto, ay dulot ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno sa dikta ng mga naghahari-harian sa bansa.

Dahil walang pagtalakay sa mga patakarang pinag-uugatan, nagmumukhang indibidwal, partikular na kwento ang karalitaan, kanya-kanyang swerte at malas. Hindi nauugat ang mga dahilan ng pagdami ng maralitang lungsod, halimbawa. Patakaran ang pagpayag sa pagkamkam ng iilan ng lupa sa kanayunan, kaya walang trabaho doon. Patakaran ang pagwasak sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan. Patakaran din ang hindi pagbibigay sa lumikas na maralita ng mura at ligtas na pabahay.

Hindi rin nauugat ang mga patakarang nagdudulot at nagpapatindi sa baha. Patakaran ang pahintulutan ang mga kumpanya ng pagtotroso na kalbuhin ang kabundukan, at ang mga kumpanya ng pagmimina na wasakin ang kalikasan. Patakaran ang payagan ang mga kumpanyang may-ari ng mga dam na magpakawala ng tubig sa oras de peligro. Patakaran ang walang planong kaliwa’t kanang konstruksyon sa mga lungsod. Sa kabila ng lahat ng ito, patakaran ang kawalan ng disaster preparedness.

Nangingilag ang midya sa pagtalakay sa mga patakaran, at kahit anong abstrakto sa pangkalahatan; kwento-kwento ang laging gusto nito. Problematiko ito dahil, ayon nga kay Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pandaigdigang sistemang kapitalista, “kung awtentiko ang indibidwal na karanasan, hindi ito pwedeng maging totoo; at kung totoo ang siyentipiko o kognitibong modelo ng naturang nilalaman, humuhulagpos, humihigit ito sa indibidwal na karanasan [“Cognitive Mapping,” 1988].”

(2) Maituturo rin, na kaugnay rin ng nabanggit, ang pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ang katangian ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy Aquino. Pinalalabas ng dalawang ito ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap. Walang duda: napapatatag ang mga patakarang neoliberal at nakikinabang ang gobyernong Aquino kapag mga maralita ang sinisisi sa mga disaster.

Naaprubahan ang mga mayor na patakarang neoliberal sa huling bahagi ng dekada ’80 at buong dekada ’90. Mulat na itinali ng gobyerno ang mga kamay nito para bigyang-laya ang malalaking kapitalista at asyendero na magpalobo ng yaman. Magandang halimbawa ang tinakbo ng talakayan hinggil sa industriya ng langis pagkatapos: Kapag natutuligsa sa pagtaas ng presyo, sasabihin ng gobyerno na wala itong kapangyarihan, ituturo nito ang mga salik na labas sa kontrol nito (tulad ng pandaigdigang pamilihan), at ipapanakot ang umano’y masasamang epekto ng pagkontrol nito.

Ang gobyernong Aquino naman, nahuhumaling sa pagdepensa sa umano’y popularidad nito. Umiiwas ito sa pananagutan at may malakas na makinaryang pampropaganda. Mismong pagsuspinde ng klase, ipinapasa nito sa mga lokal na pamahalaan – na pwede nitong sisihin kapag pumalpak, tulad ng nangyari sa pagguho ng lupa sa Litex, Quezon City. Huwag nang banggitin pa ang paghuhugas-kamay nito sa napakaraming isyu. Ang katiting na aksyon nito, kailangang malakas na maipropaganda at magamit sa eleksyon – tulad ng relief operation kasama ang mga kandidatong senador nito.

Mahalagang idagdag ang obserbasyon ni Wendy Brown, progresibong intelektwal, hinggil sa neoliberalismo: “[B]agamat nakabatay ang neoliberal na pampulitikang rasyunalidad sa isang pag-unawa sa merkado, ang pag-oorganisa nito sa pamamahala at lipunan ay hindi lamang resulta ng pagtagos mula sa pang-ekonomiya patungo sa iba pang larangan, kundi ng lantad na pagpapataw ng partikular na porma ng rasyunalidad ng merkado sa mga larangang ito [“American Nightmare,” 2006].” Hindi umasenso ang mga maralita dahil tamad, hindi kayang makipagtagisan sa merkado.

Ganito ang disaster sa panahon ng neoliberalismo, makailang-ulit na bumibiktima sa mahihirap na Pilipino. Disaster ito sa kabuuang buhay at kabuhayan nila. Ginagawa pa sila nitong mas bulnerable sa mga natural na kalamidad habang pinapatindi rin ang mga naturang kalamidad. Sa mahabang panahon, tinanggalan sila nito ng pagkakataong maunawaan kahit ng mga nasa panggitnang uri. Sa dulo, sila rin ang sinisisi sa pinsalang dulot ng kalamidad na sila rin ang matinding tinatamaan. Masayang-masaya ang mga naghaharing uri: sila pa ngayon ang may ganang manisi!

13 Agosto 2012

Greedyyyyyy…PETROL!

$
0
0

Mataas na.
Tataas pa.
Tumaas pa nang tumaas.
Tumaas na.
Tumaas na naman.
Tumaas na ulit
at tumaas pa nang tumaas.
Bababa raw.
Tataas naman pala agad
at tataas pa nang tataas.

Ito at marami pa
sa pagbabalik ng
Greedyyyyyy…Petrol!

Lagay ng Panahon

$
0
0

Bago si Kuya Kim ay si Ernie Baron. At bago si Ernie Baron ay si Amado Pineda – isang empleyado ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pag-asa na naghahatid ng balita sa telebisyon. Noon iyun, nang hindi pa minamaksimisa ng mga estasyon sa telebisyon ang ulat hinggil sa lagay ng panahon para magpasikat ng talento nila.

Karakter si Amado Pineda: halatang mahiyain at nailagay lang sa harap ng telebisyon, nakasalamin sa mata at naka-polo barong. Sobrang karakter, ginaya-gaya siya noon ni Tessie Tomas. Pero noon iyun, bago pa si Jon Santos, sa panahong ang impersonator ay maraming kayang gayahing karakter – kaiba sa panahon nina Pooh, Ate Glow o, sige na nga, Angelica Panganiban.

Mukha talagang kawani ng gobyerno si Amado Pineda. Nawala siya sa tanaw ng publiko at hindi na napalitan ng katulad niyang kawani. Sa panahong wala siya, nagmukhang ahensya ng mga eksperto ang Pag-asa na pana-panahong kinaiinisan sa maling ulat, at bihirang mapuri sa wastong ulat. Nitong huli, mismong si Pang. Noynoy Aquino ang nangunguna sa pagsabon sa kanila.

Nitong huli, mga kawani ng Pag-asa ang naging laman ng balita. Nagprotesta sila sa pagtanggal sa ilang benepisyo at marami ang naantig sa kalagayan nila. Habang krusyal ang ulat nila kung may pasok o wala dahil sa bagyo, mayroon pala sa kanilang hindi makapasok sa opisina kahit maaraw dahil kulang ang sweldo. Habang krusyal ang ulat nila sa pagliligtas ng buhay, may namatay na pala sa kanila dahil kulang ang pambili ng gamot. Masama ang lagay ng mga taong inaasahan nating maagap na maghahatid sa atin ng eksaktong lagay ng panahon.

Nakakainis, gaya ng lagi na, ang tugon ng pangulo ng Pilipinas. Ang bali-balita – sige na nga, tsismis – sa Twitter, hindi pakikinig at pakikipagdiyalogo ang ginawa ni Aquino sa mga taga-Pag-asa. Sinermunan niya ang mga ito, na halata kahit sa balita. “Dumadanas tayo ng masamang panahon… at nagdurusa pa rin ang mga naapektuhan ng pagbaha. Huwag na tayong dumagdag pa,” sabi niya sa mga kawani, parang pikong haciendero kausap ang mga kasama. Hindi raw dapat maging hadlang ang isyu sa pagganap ng mga kawani sa kanilang “tungkulin” sa publiko.

Heto na naman tayo. Nagprotesta lang naman ang mga taga-Pag-asa, hindi pa nga nagbantang magwelga – na, ayon sa batas, ay bawal sa mga kawani ng gobyerno. Nangako naman si Aquino na ibibigay ang kahilingan ng mga kawani, bagamat sa kasunod na araw pa inanunsyo kung kailan. Pero hindi siya umako ng pananagutan sa kalagayan ng mga kawani ng Pag-asa – kung bakit tinanggal ang benepisyo nila, kung bakit mababa ang sahod nila, kahit ng matatagal na sa serbisyo. Siya pa nga itong galit, iritadong nagsasalita sa ngalan ng publiko.

Hindi lang iyan mauugat sa palaging pag-iwas ni Aquino sa sisi dahil baka bumaba ang kanyang popularity ratings, bagamat totoo rin iyan. Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa pagiging sunud-sunuran ng gobyerno sa neoliberalismo na, ayon kay Prop. Jose Ma. Sison, “ay mahigpit na naninindigan laban sa pag-ari ng Estado sa anumang kagamitan sa produksyon at anumang interbensyon ng Estado sa ekonomiya, maliban kung binibigyang nito ang mga pribadong kapitalista ng pabor na mga oportunidad para magkamal ng tubo…”

Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa kung paano ginagamit ng gobyerno, sa panahon ng neoliberalismo, ang retorika ng “tungkulin sa bayan” para takasan ang hindi pagtupad sa mga tungkulin nito sa bayan. Kakambal ito ng pagsisi sa mahihirap sa mga suliranin ng bansa. Bitag ito para sa mga nasa panggitnang uri na naghahangad ng pagbabago, tagahanga ng sinabi ni John F. Kennedy na “Huwag mong itanong kung ano ang magagawa para sa iyo ng bansa mo…,” mapagkawanggawa, at negatibo ang tingin sa pagpoprotesta.

Ang gobyerno ang dapat instrumento ng mga mamamayan para magtulungan, para magbayanihan – kahit pa binababoy ngayon ng gobyerno ang pakahulugan ng salitang iyan. Ito lang ang may potensyal, may kapangyarihan at rekurso, para matulungan ang nakakarami, kung hindi man lahat, ng mahihirap. Hindi sapat ang pagtulung-tulong, tuluy-tuloy man at lalo na kung pana-panahon; matutuwa lang diyan ang gobyerno dahil pinupunuan ang ipinagkakait nito.

Tungkulin nating labanan ang paggamit ng gobyerno sa “tungkulin sa bayan” laban sa kapakanan nating mga mamamayan. Sa panahong tinatakasan ng gobyerno ang mga pundamental na tungkulin nito sa mga mamamayan, lalong tungkulin nating mga mamamayan na maggiit sa gobyerno. At kung hindi pa rin ito tatalima sa ating mga panawagan, tulad ng nangyayari ngayon, tungkulin nating pag-isipan kung ano ang dapat gawin dito. Sa ganyan lang tayo magkakaroon ng tunay na pag-asa sa masamang lagay ng panahon ngayon.

24 Agosto 2012


Silang Nagbabaging Sa Gubat Ng Dilim

$
0
0

sa gubat ng dilim at sagimsim
bakulaw silang nagbabaging
nakabiti’t sumisigaw sa hangin
silang mga intelektuwal
na iniluluwal ng mga toreng-garing
silang kinapon ng mga unibersidad
silang nakabilanggo sa mga aklat
silang binulag ng mga letrang
tiwalag sa reyalidad
silang pinasakan ng bulak sa ilong
at inimbalsamo ng teorya’t ideya
ulong di tiyak direksiyon ng dunong
silang ibig nguyai’y puro pormularyo
at bawat salita’y laging de numero
at inililibing ang angking talino
sa mundo ni focault, derrida at plato
sa baging ba lamang laging nakabitin
silang ang totoo’y malabo sa tingin?

silang nagbabaging sa gubat ng dilim
ang dagat ng buhay ay ayaw sisirin
gayong hinahanap perlas na maningning
sa dampa’t kubakob ng bukid at bundok
ni ayaw pumasok-mangarap-matulog
ni ayaw titigan nag-usbong na hamog
upang makita luha ng dayukdok
ni ayaw yumapak sa lupang maputik
ni ayaw lumusong sa linang ng bukid
ni ayaw tahakin nagdipang pilapil
habang sumasayaw kugon at talahib
upang madama ang tibok ng dibdib
ng uring dinusta at naghihimagsik
kailan isasawsaw sa patis at suka
daliring nilandi’y mga porselana
pilak na kutsara’t kristal na kopita?
kailan lalamasin malamig na kanin
upang bukalan ng katotohanan
bibig na namaga
sa pagnguya-pagngata
sa inanay at pilas na aklat
na ayaw ilahad-ihantad
maalingasaw na reyalidad
ng lipunang nagnaknak na’t
nagpipista’y mga uod.

silang nagbabaging sa gubat ng dilim
ni ayaw makita pulandit ng dugo
mula sa daliring naputol
nginasab-nilunok ng makinang hayok
hanggang balat
dugo’t-buto’t-laman
ng hinlalaki’t hintuturo
sa nagiling na karne’y humalo
carne norteng igigisa
ipipritong longganisa
sa mantika ng lungkot at dusa
silang nagbabaging sa gubat ng dilim
silang pilosopiya’t hungkag na ideya
pansabaw sa ulam at kanin
silang nakikipagpatintero
kina hume, heidegger
nietzche’t mga henyo
hanggang mga teoryang ibinabando
naging sangkutsado
di tuloy matiyak
adobo ba o asado
at kalimita’y di malunok
ng lalamunang titiguk-tigok
ng masang sambayanang
parang trumpong pinaikot.

kayong nagbabaging sa gubat ng dilim
bakit di ninyo talunin ang bangin?
bakit ayaw ninyong bitawan ang baging
paa ay isudsod sa lupa ng lagim
amoy ng pulbura ay inyong langhapin?
anghit ng magsasaka
ay inyong singhutin
habang binubungkal
bukiring di kanya
bakit di titigan ang mga sakada
habang nakaluhod sa imbing asyenda
aba ginoong maria ay nililitanya
sa mga kabyawan at asukarera?
bakit di dinggin hagulhol ng ina
sumpa’t himutok ng galit na ama
hinagpis ng nabaog sa inhustisya
at plegarya ng sinikil na kaluluwa
baka masagot din ng hagupit ng habagat
singasing ng punglo’t sagitsit ng kidlat
laksang tanong ng madilat na reyalidad
bombang sasambulat din
mga tugong di maipaliwanag
ng inaamag na mga aklat!

Kahol Walang Kagat

$
0
0

Laman ng balita ang panenermon ni Pang. Noynoy Aquino sa Bureau of Immigration sa ika-72 anibersaryo pa man din nito. Sinermonan niya ang ahensya sa pagpapatakas sa bansa mga sikat na suspek sa mga krimen at pagpapapasok naman sa mga miyembro ng dayuhang sindikato sa cybercrime human trafficking. Kasama sa una sina dating Gob. Joel Reyes ng Palawan at ang kapatid nitong si Mario, mga suspek sa pagpatay sa mamamahayag at maka-kalikasang aktibistang si Gerry Ortega.

May kagyat na motibo si Aquino: ang patunayang kontra-katiwalian siya sa gitna ng kaliwa’t kanang ispekulasyon at batikos tungkol sa paglusob ni dating Undersecretary Rico Puno ng DILG sa bahay ni dating Sec. Jesse Robredo para umano protektahan ang mga dokumento nito. Hindi maalis sa isip ng publiko na may bahong gustong pagtakpan ang kabarilan ng pangulo, na pinatampok ng pagtanggi sa kanya ng pamilya ni Robredo. Ang masama pa, inako ni Aquino ang pag-uutos kay Puno.

Kung idudugtong naman sa nauna niyang panenermon sa isa pang ahensya ng gobyerno, sa Pagasa, lulutang ang paninisi at paghuhugas-kamay ni Aquino sa mga kapalpakan ng kanyang gobyerno. Gusto niyang palabasing wala siyang pananagutan, kahit pa may kasalanan ang kanyang gobyerno – ang barat na sahod at benepisyo sa Pagasa at ang hindi pagtuklas at pagpaparusa sa mga tiwali sa BI. Sa kaso ng BI, hugas-kamay rin siya sa kaduda-dudang pagtakas ng magkapatid na Reyes.

At kung idudugtong pa sa isa niyang panenermon sa isang anibersaryo – kay Noli de Castro sa anibersaryo ng ABS-CBN – lalabas ang arogansya ni Aquino. Ang akala niya, tatampok ang pagiging “matuwid” niya sa pagbunton ng sisi sa mga umano’y palpak at baluktot. Ang akala niya, hindi bubwelta sa kanya ang sermon niya: ang kapabayaan ng gobyerno sa mga ahensyang nabanggit at, sa kaso ni De Castro, ang kawalan ng mabuting ibabalita sa lagay ng ekonomiya ng bansa.

Pero may dagdag na panganib ang panenermon niya sa BI, na nakapuntirya sa katiwalian sa naturang ahensya. May magagawa ba ang panenermon niya? Mababago ba nito ang ahensyang notoryus sa korupsyon, kaya sinamantala noon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago para magpakilalang anti-korupsyon? Parang gustong sabihin ni Aquino na katumbas ng katiwalian sa BI ang pag-uulat ni De Castro at pag-uulat ng Pagasa, pwedeng baguhin basta lang gugustuhin.

Pero hindi mababago ng panenermon ang katiwalian sa BI. Hindi rin totoo ang gustong palabasin ng eksenang ito: na may magagawa ang pagkontra ng pangulo para matanggal ang katiwalian sa gobyerno. Sa panenermon na ito, samakatwid, sinisikap ni Aquino na palakasin ang repormistang ilusyong pwedeng matanggal ang korupsyon sa pamahalaan. Pero kahit ang kahol na ito ay patunay ng kawalang-kakayahang kumagat: nanenermon na lang dahil hindi kayang tanggalin ang katiwalian.

11 Setyembre 2012

Buhay-Kulungan

$
0
0

[Nota: Ang sumusunod ay bahagi ng serye ng mga salin at repleksyon ni Ericson sa mga tula ng rebolusyonaryong Byetnames na si Ho Chi Minh, mula sa kanyang tanyag na Prison Diary.

Ang una sa seryeng ito ay ang “Gabi ng Taglagas.”]

 

Isang kalan para sa bawat bilanggo
At mga palayok na sari-sari ang laki
Para sa paggawa ng tsaa, paglalaga ng gulay at pagsasaing
Maghapon ang buong paligid ay balot sa usok.

–  Salin mula sa “PRISON LIFE” ni Ho Chi Minh

 

Gaya ng inilalarawan ni Ho, KKL dito sa CSPJ*. Kanya-kanyang luto ang mga preso (o pwede ring grupo ng mga preso) sa bawat selda. May tinatawag na kitchen room pero ang pagkain lang ng mga gwardiya at ilang piling trustee ang niluluto dito; o di kaya ay mga packed meal na dinadala sa kung saan man sa labas ng jail sa tuwing may raket sa catering ang ilang empleyado. Walang mess hall.

Sa unang tingin ay hindi problema sa mga inmate ang kawalan ng sentralisadong feeding system. Ang opinyon ng marami ay mainam na ngang KKL para ikaw na ang bahala kung anong oras mo gustong magluto,  at kung paano mo lulutuin ang araw-araw na inirarasyong bigas at sariwang isda;  o ang dinadalang gulay at isda ng mga dalaw;  o ang binibili sa tindahan dito gaya ng itlog, noodles at tuyo. Sa ganito, sabi nila, maiiwasan ang hindi kaaya-aya, tinipid at bara-barang luto na karaniwan daw na nangyayari kung isahan at bultuhan.

Sa kabilang banda naman, ang karaniwang inaalala ng mga kosa sa  ganito ay ang panggatong. De-uling ang tipo ng kalan na meron ang mga inmate (1-2 sa kada selda) pero dahil mahal ang uling ay kahoy ang mas ginagamit. Kung ubos na ang kahoy na dala ng dalaw mo ay kailangan mong dumiskarte para magpabili sa labas, kung meron kang pambili. Ang ilan ay may rice  cooker pero pang-saing nga lang. Kung gagamitin sa iba pang pagluluto gaya ng pagpiprito ay mabilis namang nasisira kaya kakailanganin pa rin gumamit ng de-uling/ de-kahoy na kalan para hindi ito maabuso o magasgas.

Bukod sa panggatong, lumalabas na bagamat ayos lang ang bigas, ang rasyong isda ay hindi sapat sa tatlong beses na pangkain sa bawat araw. Kaya kailangan mo pa rin umasa sa mga padala ng mga dalaw o bumili sa tindahan na presyong-laya ang umiiral.

Kung sa kalakhan ay hindi paborable sa mga kosa ang sentralisadong sistema ng pagluluto, kakailanganing magawan pa rin ng paraan na maging sapat ang kantidad ng niluluto. Kailangan ng dagdag na rasyon ng uulamin. Kailangain din na maging presyong-bilanggo ang bentahan sa tindahan. Maaari ngang patakbuhin sa tindahan sa batayang kooperatiba na hindi lang magpapababa sa presyo ng mga bilihin kundi siya na ring pagmumulan ng solusyon para sa mura at regular na suplay ng panggatong.

Gaya ng inilalarawan ni Ho, nababalot din sa usok ang buu-buong mga selda lalu na sa bandang alas-syete ng umaga, at alas-sais ng gabi. Walang problema sa amin ang usok. Bukod sa epektibong pambugaw sa lamok, araw-araw din itong hudyat ng di-pinagsasawang siste:

“Hoy kayo dyan sa selda dos, bilis-bilisan na ninyo ang pagluluto nyo ng kopra…”

Ang problema ay kung dahil sa kawalan ng panggatong ay mga lumang damit ang tirahin o kung ano pang materyal na kapag nagliyab ay nakakasulasok at masama sa kalusugan ang usok:

“Hoy selda tres, bakit nyo kami tini-teargas?!”

Ang problema ay kung sa buong araw na pag-usok ng mga kalan ay tubig lang pala ang nakasalang.

*Calbayog sub-provincial jail.

Angie, Angie

$
0
0

… when will those clouds disappear?
– Rolling Stones

Rebyu ng Angie Bisuña-Ipong, Mars Marata, at iba pang bilanggong pulitikal, A Red Rose for Andrea: Writings from Prison. Quezon City: Southern Voices Printing Press, 2012. 148 pahina.

Sa panahong ginugunita ng sambayanan ang deklarasyon ng Batas Militar 40 taon na ang nakakaraan, natatawag ang pansin natin sa mga paglabag sa karapatang pantao hindi lang sa panahong iyun, kundi maging sa kasalukuyan. Gustuhin man ng rehimen ngayon ang purong pagsariwa sa kasaysayan, dahil mapapatampok nito ang “pagkakaiba” ng panahon ni Macoy at panahon ni Noynoy, malay ang sambayanang lumilikha ng kasaysayan na nagpapatuloy sa iba’t ibang porma ang Batas Militar. Binabalikan man ng tanaw ng sambayanan ang madilim na nakaraan, iyan ay para mailawan ang mga pagpapatuloy, higit pa sa pagbabago, sa takbo ng kasaysayan.

Hinggil sa paglabag sa karapatang pantao nitong nakaraang mga taon ang librong A Red Rose for Andrea nina Angelina “Angie” Bisuña-Ipong, Mars Marata at iba pang bilanggong pulitikal. Tampok dito ang salaysay ng pagkamulat at pagkilos, pagkaaresto at pagkabilanggo ni Ipong – na sa maraming dahilan ay nakakahalinang tawaging “Angie” matapos mabasa ang libro. Laman din ang salaysay ng pagbabanta sa buhay ni Marata at ang pagkaaresto’t pagkabilanggo niya pagkatapos. Sa pamamagitan nilang dalawa, mababasa ang mga katulad at mahuhusay na salaysay ng iba pang bilanggong pulitikal, gayundin ng mga bilanggong nakasama nila sa buhay sa loob ng piitan.

Si Angie ay matagal nang aktibistang guro at misyonaryo, inaresto noong Marso 8, 2005, inakusahang namumunong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Kanlurang Mindanao, tinortyur at pinagsamantalahang sekswal, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, at ikinulong sa loob ng anim na taon. Si Marata naman ay mamamahayag na nagtago matapos ang ekstrahudisyal na pagpaslang noong 2005 sa kanyang kapatid na pamprobinsyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, lumutang noong 2006 matapos ikulong ng militar ang kanyang misis na bagong panganak, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, ikinulong noong 2009, at nakalaya lang nitong 2011.

Sa isang banda, mabigat basahin ang libro – syempre pa. Marami ritong kwento ng pagtortyur at pang-aabuso ng mga militar, nailarawan ang iba’t ibang sanhi ng kalungkutan ng mga bilanggo mula madalang na dalaw hanggang pagkabalam ng pagdinig sa kaso, at nailahad ang malulungkot na sirkumstansya ng mga bilanggo. May seksyon tungkol sa mga babae at batang bilanggo, na pawang biktima ng kahirapan, ng pyudal-patriyarkal na kalakaran, at maging ng sekswal na pagsasamantala sa kulungan. Kongkretong nailarawan nina Angie at Marata kung paanong ang Estadong mapanupil na instrumento ng iilang naghahari ay gumagamit sa militar, pulisya, korte at kulungan.

Sa kabilang banda, magaang basahin ang libro. Simple ang estilo ng pagkakasulat nito, maiksi lang, at ang takbo ng salaysay ay kasing-bilis ng pagkukwento ng isang dumalaw na kaibigan. Kaiba sa sulatin sa piitan ng ibang awtor, lalo ng mga Kanluranin, hindi naglunoy ang mga awtor sa mga detalye ng kanilang dinanas at sa mga sikolohikal o eksistensyal na tunggalian. Hindi nga sila nagkulong sa kanilang mga sarili kundi yumakap sa mga nakasama nila. Sa huli, libro rin ito ng katatagan, paglaban at tagumpay – ng samu’t saring produktibong aktibidad ng mga bilanggo; pagtangan sa prinsipyo, pag-asa at diwang palaban; at kapasyahang makalaya at bumalik sa pagkilos.

Bakit masarap tawaging “Angie” ang prinsipal na awtor ng libro? Dahil parang kilala mo na siya matapos basahin ang aklat; karaniwang tao siya rito. Higit pa riyan, dahil parang gusto mong maging malapit sa kanya, “feeling close,” maisip na kabahagi ng isang kilusan na komunidad din ng mga taong may malasakit sa kapwa, may marangal na pangarap sa bayan, at may tatag sa harap ng panunupil at karahasan. Sa gitna ng todong panunuhol ng militar ng masarap na pagkain at buhay kapalit ng “kooperasyon” –ano’ng pagsalaula ang paggamit nila sa salitang iyan! – tumanggi si Angie dahil katumbas ito, aniya, ng pagkakaroon ng bahid o pagsuko sa “esensya ng piniling buhay.”

Sa gitna ng posibilidad ng kamatayan, nasumpungan niya ang tatag. “[N]atuklasan kong may kakayahan tayong hangganan ang ganoong mga takot. Ang susi ay ang pagtanggap sa kasalukuyan. Napansin kong nang lubos kong tanggapin ang katotohanang pwede talaga akong mamatay, nagsimula akong kumalma… Naging mas madaling pasanin ang pag-iisip ng kamatayan… Kung mamamatay ako, marami pang iba ang papalit sa aking lugar, dahil alam kong ang pakikibakang pinag-alayan ko ng buhay ay karapat-dapat. Walang masasayang.” Ginamit din niyang armas ang hunger strike para magprotesta at ipresyur ang militar para kagyat siyang ilutang at itigil ang pandarahas sa kanya.

Sabi ni Amado Guerrero sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na nalimbag noong 1970 bago ang Batas Militar pero parang isinulat lang kahapon, sa panahong pangulo si Aquino, “Kapag ginagamit na ang pinakamararahas na hakbangin laban sa rebolusyunaryong masa, humahantong ang mga reaksyunaryo sa pinakamatatamis na salita ng pagmamalasakit.” Isang hakbang ang pagbasa at pagkukwento’t pagpapabasa sa pinakamarami ng libro nina Angie para masalag at makontra ang matatamis na kasinungalingang ipinapaulan ng rehimen kasabay ng mga banta at mismong mga bala.

22 Setyembre 2012

Mga Kuko at Paliwanag

$
0
0

Sa pader
na barubal yung kalburo,
sa gitna mismo nung pader
wala na ngayon dun yung anino
nung taong pumatay –
kanina pa siguro siya sumakay
sa bulok na hangin,
sa gabok, sa usok,
pabalik sa kunh san mang sulok
para subukang bumawi ng tulog
pagkatapos maghugas ng kamay.

Ganyan naman madalas
yung tagpo ng krimen, hindi ba?
(lalu pa kung kinalas
Yung CCTV camera)
Andyan lang sa harap mo
Nakahandusay yung biktima –

O sa kaso na ‘to, di nga lang isa,
ilagay na muna natin sa lima;
di natin masabi kung ilan talaga
kasi… Pano ba ‘to?
Kasi nga… Pira-piraso,
Ata-atado na yung mga bangkay
Na nakahanay sa pader
dumikit na nga yung hiwa-hiwalay
na parte nung mga katawan
at yung malapot, malagkit
na dugo nila yung glue –

pero alam mong wala kang clue
kung sino ba eksakto
yung may gawa nito;
manghihina yung loob mo,
ang lakas kasi nung kutob mo
na hindi kayang hulihin sa hula
yung hayop na salarin
kahit sobra ka pa ngang magtiwala
sa mga hinala mong praning;
mangingilo ka sa bagang,
maluluha ka na lang sa hilo
kasi huli na malamang
ang lahat.

Yan ang drama mo habang wala pa
yung mga kelangang humabol sa eksena,

mga rerespondeng naka-SOCO t-shirt,
mga correspondent, mga taga-research,
mula sa dyaryo, radyo at TV,
mga OJT sa Criminology,
yung mga dapat mangulekta
ng positibong ebidensya,
humimay sa motibo
o anupang sirkumstansya,
bumuo ng scenario
o aktwal na istorya,
magpangalan sa wakas
sa mga suspetsado
o maglabas ng abiso
kung ano nga ba ang itsura
ng susmaryosep na mga ‘to

Kasi nga ganito,
kung tungkol na rito sa pader,
sa gitna mismo ng pader
na di mo matitigan nang matagal,
ang kaduda-duda walang duda
kung sa’kin lang naman
e kung anong bwakanang raket
ang nangyari kung bakit
bago pa makabwelo
yung mga miron at eksperto
e meron nang naatat
(isang preskong alagad at payaso)
na magpapreskon kaagad sa palasyo.

Pasintabi sa naghahapunang mga manonood
isa na naman pong masaker
ang iniulat na nangyari kaninang umaga
sa Calbayog City sa loob ng sub-provincial jail…
Kinilala ang pitong nasawi sa malagim na insidente
na pawang magkakamag-anak
mula sa isang angkan ng malulusog
na surot sa Samar…

Agad naman itong kinondena ng Malacanang
sa isang pahayag kanina ring umaga
kasabay ng paliwanag na ang mga kuko
na ginamit sa walang-awang paniniris
ay imposible umanong maging pagmamay-ari
ng sinumang bilanggong pulitikal.
Dagdag pa ng pahayag,
wala naman daw kasing ganung klase
ng bilanggo saan mang kulungan sa bansa…

(Hunyo 2012)

Luha Ng Dalamhati Ng Lahi

$
0
0

sa ilang dekada
nating paglalakbay
sa gubat
ng dilim at sagimsim
mga anino tayong
walang mukha
ni pangalan
sa aklat ng kasaysayan
mga dugo tayong idinilig
sa damuhang naninilaw
mga kalansay tayong
iniukit sa pader ng kaapihan
mga nota’t lirika tayo
ng musikang nanunumbat-lumalaban
sa karimlan ng ating bayan!

ngunit sa bawat pagpatak
ng luha ng dalamhati ng lahi
sa patuloy na pag-aglahi
ng mapagsamantalang uri
magdurugtong pa rin
babalatay at kikiwal
nag-usli nating mga ugat
sa dibdib ng bawat sawimpalad
habang marahas na umiindak
maalab na mga petalya ng apoy
sa kumukulo nating utak
at mananatiling nanlilisik
mga mata nating nakakilala
ng mga talulot ng pait at dusa.

patuloy pa nga ring naglalandas
luha ng dalamhati ng lahi
mainit gaya ng nagbabagang asero
sa pandayan ng mithiing dakila
gumuguhit at nananalunton
sa humumpak na pisngi ng magsasaka
sa umimpis na dibdib ng manggagawa
sa ginibang barungbarong sa eskinita
sa nakahandusay na katawan sa bangketa
at patuloy pa nga ring bumabalong
sa bawat pusong sumisikdo-nagdurugo
sa saksak ng may lasong balaraw
ng mapang-aliping mga panginoon
ng kalupita’t inhustisya
kailan nga ba
lalamunin-tutuyuin
ng lagablab ng apoy
mga usbong ng luha
ng dalamhati ng lahi
sa nanlalim na mga mata
ng ating pinakasisintang
la tierra pobreza?

Mahirap ang Landas ng Buhay

$
0
0

I

Matapos maglakbay sa matarik na kabundukan

Aakalain ko bang higit ang panganib na masasalubong sa kapatagan?
Sa bundok nang masalubong ko ang isang tigre ay hindi ako napahamak,
Sa patag may nakaengkwentro akong mga tao, at sa kulungan ako inilagak.

II.

Ako ay isang delegado ng sambayanan ng Vietnam
Papunta sa Tsina upang isang mahalagang pinuno ay makapanayam.
Anu’t kailangang bumagyo sa gitna ng isang panatag na tanawin
At bilangguan ang isalubong sa akin?

III.

Isang taong tapat at sa puso’y walang pagsisising sumisikil
Ako’y pinaratangang sa Tsina raw ay isang taksil
Kailanma’y hindi naging madali ang pagtahak sa landas ng buhay
Subalit lahat ngayo’y pagkahirap-hirap na tunay!

May pagkapambihira ang sirkumstansya ng pagkakadakip sa dakilang rebolusyonaryong si Ho Chi Minh, 70 taon na ang nakararaan.

Hindi ang mga French colonialist ang may gawa nito. Unang dekada pa lang ng nagdaang siglo ay naging bahagi na si Ho ng Vietnamese resistance movement laban sa mga French pero 1942, kung kailan siya nahuli sa kasagsagan ng second imperialist  war (World War II) ay Japan na ang may sakop sa Vietnam at sa buong Indochina. Pero hindi ang mga Hapon ang nagpakulong sa kanya.

Sa sikreto at kumplikadong ruta sa bundok papuntang China, naikutan at nalusutan ni Ho ang kordon at patrulya ng mga pwersang Hapon sa Sino-Vietnamese border. Ang problema, pagtuntong sa kapatagan ng Guangxi province sa Southern China, ay doon naman siya naharang ng mga pulis ng gobyernong Koumintang.
Hindi nila kilala ang pangalang Ho Chi Minh at sa kasamaang palad ay naging kahina-hinala sa kanila ang mga kilos niya at itsura. Lalong hindi nakatulong kay Ho nang sabihin niya na may hinahabol siyang appointment sa ilang Chinese official sa Zhongqing. Kung hindi lagalag na baliw ang halos gusgusing matandang ito (52 noon si Ho), malamang sa hindi, sa palagay nila, ay isang intelligence operative para sa Hapon ang kanilang kaharap,  at dapat arestuhin at ikulong.

Walang naipresentang patunay si Ho na naka-iskedyul talaga siya noon na magtungo sa sentrong lunan ng pamahalaan ni Chiang Kai Shek sa Zhongqing bilang delegado ng League for the Independence of Vietnam, kaya’t sa kulungan sa bayan ng Jingxi siya agad na idineliber. Kumbaga, isang napaka-interesante at makasaysayang kaso ng mistaken identity – isang Vietnamese freedom fighter na lumalaban sa Japanese imperialists ang hinuli at ikinulong ng Chinese nationalists dahil napagkamalang isang Chinese traitor at spy para sa Hapon. Medyo masalimuot at definitely ironic at pwedeng maihanay sa mga tragic-heroic plot ng Greek o Elizabethan drama. Pero maaaring pinasimple na nga ito sa ganitong lagay at mas malalim pa ang ironic twist na sangkot kung may matino ngang patutunguhan ang mga hina-hinala ko. Kaya’t mainam kung agad na makakapagbigay-linaw ang mga eksperto sa Vietnamese history (o kung sino man na di tulad ko ay may access naman sa Google hinggil sa paksa.

Sa Zhongqing nga ba papunta si Ho? Hindi kaya sa Yenan o kung saan pa mang baseng erya ng Communist Party of China(CPC)? Yung binabanggit nyang kakatagpuing mahalagang Chinese official, necessarily bang Koumintang ito o mas posibleng isang kade ng CPC, kung hindi man si Mao Zedong mismo? Kumbaga, maaari kayang ito ay kaso hindi ng mistaken, kundi undisclosed identity?

Si Ho noong panahong ito ay isa sa pinakamatatag na mga haligi ng partidong proletaryado  sa buong Indochina bilang isa rin sa mga pioneer nito mula pa noong 1920s. Kilala rin siya sa kanyang pagiging hindi kilala, o sa kahusayan sa pagtangan sa rebolusyonaryong disiplina sa lihim na pagkilos. Sa mahaba niyang karanasan sa underground movement, naikot niya ang buong Indochina at may pagkakataon pa ngang nakatawid hanggang Moscow para sa mga gawaing internasyunalista. Pero consistent niyang napag-ingatan ang kanyang identidad. Kung sa isang punto man ay natukoy siya bilang ang patriyotikong si Ngyuen Ai Quoc, di rin naglaon ay nagawa niyang palabasing patay na ang taong iyon upang epektibong makakilos sa harap ng pagmamanman ng mga kaaway, French man o Japanese.
Hindi kaya’t sa ganitong konteksto at trademark elusive character din ni Ho maaari nating maunawaaan ang banghay ng labing-apat na buwang pagkapiit niya sa China? Alam ni Ho ang brutal na pagka-anti-komunista ni Chiang Kai Shek kaya’t bagamat noong mga taong iyon ay umiiral ang isang alyansang taktikal kontra sa Hapon sa pagitan ng Koumintang at ng CPC, may mahigpit talagang kakagyatan na hindi maikompromiso ang tunay na pagkatao sa likod ng pangalang Ho Chi Minh alang-alang sa seguridad ng kanyang partido. Tiniis niya ang mapait na buhay ng isang kalaboso habang hinihintay na may sumaklolo o gumawa ng paraan mula sa mga ugnay niya sa CPC. Sa isang banda, mas mainam na nga marahil para sa kanya ang maparatangang isang espiya para sa Hapon, kaysa sa matukoy na isang high-ranking communist leader.
Sa kabilang banda, kung ang ibig-sabihin ng pag-aakusa sa kanya na isa siyang Chinese traitor ay ang hinala na siya ay mula sa CPC, mas kinailangan niyang bantayan ang kanyang sarili at baka dalhin nga siya sa Zhongqing at dun ay lalu pang mabulilyaso at mabisto siya pala ay hindi CPC kundi mismong pinuno ng Vietnamese communist movement at isa sa pinaka-susing proponent ng Third International mula sa Asya.

Huwag sanang pandilatan ng mga eksperto ang bigong tangka na ito sa historical investigation – “preso lang po!” Anu’t anuman, napaka-profound na pinag-aaralan ngayon ng sinserong mga iskolar ang buo at aktwal na naging papel sa kasaysayan ng isang taong nagsumikap na hindi patampukin ang sarili hindi lamang bilang pagtangan sa disiplinang panseguridad ng kilusang kanyang kinabibilangan, kundi dahil sa kababaang-loob ng pananaw na ang masa ang siyang tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan.

 


Cybercrime After Time

$
0
0

Sabi ni Paul Virilio, pilosopong Pranses, “Ang bawat teknolohiya ay nagpoprodyus, nag-uudyok, nagpoprograma ng isang partikular na aksidente… Ang pagkakaimbento ng highway ay ang pagkakaimbento ng tatlong daang kotseng nagsasalpukan sa loob ng limang minuto. Ang pagkakaimbento ng eroplano ay ang pagkakaimbento ng pagbagsak ng eroplano… [Pure War, 1997].” Ano kaya ang aksidenteng partikular sa teknolohiyang Internet? Kung anuman iyun, tiyak na hindi ang pagsupil dito, gaya ng gustong gawin ng gobyernong Aquino ngayon, dahil eksternal ito sa teknolohiya.

Para sa isang gobyernong halatang mataas ang pagpapahalaga sa pagpapapogi o pagpapaganda sa propaganda, kakatwang walang paghahandang pampropaganda sa pagpasa ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Wala man lang pagpapatampok sa child pornography, halimbawa, o sa talaga namang abusadong kritisismo, kung anuman iyun, sa gobyerno bago ito ipinasa para maging katanggap-tanggap sa publiko. O talagang sinadyang ang porma ang siya ring nilalaman, kumbaga? Mapanupil ang nilalaman at kailangang golpe de gulat ang pag-apruba at pagpapatupad?

Ang naiwang impresyon tuloy sa publiko, napikon lang si Sen. Tito Sotto sa mga pagtuligsa sa kanya  – na umabot sa puntong pati ang umano’y nakaraan ng mga kapatid niya kay Pepsi Paloma ay nahalungkat – sa debate sa Reproductive Health Bill kaya isiningit niya ang mga probisyon tungkol sa libelo. Pero bakit ipinagtanggol rin ng Malakanyang ang hakbangin ng kalaban umano nito sa debate sa RH Bill? May pag-uusap ba sila tungkol sa hangganan ng “sibilisadong” debate hinggil sa naturang panukalang batas? O may koordinasyon sila sa ibang bagay?

Anu’t anuman, lumalabas na todo-suporta sa bagong batas ang gobyernong Aquino, walang modang kahiyaan lang. Kakambal raw ng kalayaan ang responsibilidad, kahit ayon sa mga eksperto ay lampas sa kasong ito ang gobyerno sa kalayaang ibinibigay rito ng Konstitusyon. Kakatwa ito, dahil lubos pa rin naman ang suporta ng malalaking kumpanya sa midya, at maging ang maraming komentaristang online, sa gobyernong Aquino. Sa pagpasa sa Cybercrime Law, ang totoo, nagkakalamat ang ugnayan ng gobyerno sa naturang mga komentarista at maging sa midya.

Bakit sinusuportahan, kung hindi man talagang itinulak, ng Malakanyang ang naturang batas na hindi popular? Nagsunuran ang mga sintomas ng sagot: pakikipag-alyansa kay Sen. Bongbong Marcos para sa eleksyong 2013 at pagsuporta kay Sen. Juan Ponce Enrile nitong mga nakaraang panahon – sa kabila ng mga krimen ng mga ito sa pamilya ng pangulo, bukod pa sa sambayanan. Ang pulitika ay pagdadagdag, paliwanag ng nangungunang pahayagan na matapat pa rin sa pangulo. Walang mga permanenteng kaibigan, mga permanenteng interes lang, dagdag pa nito.

Dating gawi sa pulitika ito, na syempre’y nakaugat sa dating gawi sa ekonomiya. Ang batayan ng gobyerno: sinusuportahan nila ang “adyendang pang-reporma” ng pangulo. Bakit, gaano ba kasahol ang adyendang pang-reporma na iyan at kailangan ang suporta ng mga pulitikong alamat na ang pagiging kaaway ng pamilya ng pangulo? Gaano na ba ka-desperado ang gobyerno na maipatupad ang mga ito? At saan magmumula ang inaasahan nitong pagtutol? Sa mga mamamayan, syempre pa: Charter Change, pagpapababa ng sahod, pang-aagaw ng lupa, demolisyon…

Sa huling State of the Nation Address ni Aquino, hindi siya nakapagpigil na tuligsain ang tinawag niyang “industriya ng kritisismo.” Mas malamang, alam niyang patuloy itong lalago sa hinaharap. Kaya nga hindi sang-ayon si Noam Chomsky sa pahayag ng kapwa-intelektwal na si Edward W. Said, na “Ang tungkulin ng intelektwal ay sabihin ang katotohanan sa kapangyarihan.” Alam ng kapangyarihan ang katotohanan at ang kailangang makaalam nito ay ang nakakarami sa lipunan, at alam din ng gobyernong Aquino na nagagawa ito ngayon, sa isang antas, sa Internet.

Muli, nagpapakita ang gobyernong Aquino ng arogansya sa pagsalaksak sa mapanupil na batas na ito. Sa proseso, ipinapakita nito ang marupok na batayan ng arogansyang iyan. Takot ito sa pagbabahagi ng kritikal na impormasyon at kuru-kuro, sa pagbibigay ng mga mamamayan ng kahit katiting na reaksyon, sa larangan kung saan maaaring mabilis at malawak na makapanawagan ng pagkilos. Alam nito: May hangganan ang magagawa ng kontrol nito sa midyang dominante. Pero sa pagbabanta nitong supilin ang kalayaang magpahayag, ginagalit nito ang marami.

01 Oktubre 2012

Gestalt

$
0
0

Kumikisap-kisap ang bombilya
na bibitin-bitin sa kabelya;
gaya ng tsubibo sa perya,
umiindak at nagbabanyuhay

Pumipitik-pitik ang bombilya
na bibitay-bitay sa kabelya,
at ang subersibo sa bastilya –
pumapadyak, nag-aagaw-buhay

Free the new media, defy e-martial law

$
0
0

As outrage against the Cybercrime Prevention Act of 2012 continues to snowball and create unprecedented unity and defiance among netizens, the Aquino administration has not backed down in its resolve to implement a clearly draconian measure designed to curtail our most basic civil liberties—the right to freedom of expression, of speech, and of the press.

As alternative media practitioners, filmmakers, bloggers, and artists who maximize the new media to bring to the public information, opinion and analysis, as well as works of art that serve to illuminate social conditions and present ideas for social change, we believe that the government’s repression of the medium is the message. With the Cybercrime Act, the government wants to ensure that no avenue for expression exists that is free from control by the rich and powerful elite.

The existing law on libel has long been used by powerful public figures mostly to harass and prosecute journalists for doing their job. Instead of decriminalizing libel as urged by international human rights and media institutions, the government has even increased penalties. Worse, it now considers each and every citizen who uses Information and Communications Technology (ICT) as potential criminals.

With the rise of new media, ordinary citizens have been given the extraordinary power to reach large audiences, a power that has previously been the monopoly of the government and corporate media. The new media has been the recourse of citizens who see, report, and interpret social realities that traditional institutions ignore, hide or obliterate. Citizens have long been marginalized from discourse on national issues through the agenda-setting powers of the government and corporate media. Through the new media, citizens have the opportunity to counter this marginalization—to give voice to the poor and oppressed, to gain an audience without the need for huge capitalization, to criticize freely and creatively.

We believe that the Cybercrime Law is primarily a tool that exploits the rise of the new media and the use of ICT to suppress dissent and spy on citizens. The way the law is being defended by those who crafted it, and especially by the President who signed it, reveals that they enjoy, and will use to their own interest, the immense powers that the Cybercrime Law has given the government, such as the ability to take down websites, undertake surveillance, and seize electronic data.

Abuses that will surely arise from such powers will undermine any gains that this law claims to have against “cybercrimes.” For instance, online child pornography and sex trafficking should be addressed by the strict implementation and strengthening of existing laws to reflect the developments in ICT. It is still debatable if hacking and cracking, spamming, online piracy, and cyberbullying are indeed crimes or if they can be covered under a single piece of legislation. What is clear is that these “cybercrimes” will not be addressed by a law makes expressing oneself online punishable by a jail term, or one that assumes that authorities can dip their hands into private electronic communication. In other words, a law that throws us back to the dark ages won’t protect our women and children, nor our personal identities and safety. On the contrary, it makes every citizen using ICT vulnerable to abuse by the biggest band of criminals: a government that is corrupt, loathes criticism (as can be judged by President Aquino’s reaction to the online phenomenon ‘Noynoying’), and uses all of its resources to crush dissent.

Even the US government—the footsteps of which the government only follows—did not confer such broad powers unto itself when it attempted, but failed, to pass its Stop Online Piracy Act and Protect Intellectual Property Act. However, the Cybercrime Law probably pleases the US government, as it strengthens their existing network of surveillance in the country, and boosts the counter-insurgency program Oplan Bayanihan. The said law also pleases local and foreign big businesses that operate in utter secrecy in this country, further shielding them from public accountability and oversight while penalizing those who use ICT to expose wrongdoing and abuses in the private and public sectors.

For e-martial law only reflects the de facto martial law already in place. Under Oplan Bayanihan, more than 100 citizens have been killed for their advocacies, forever silenced by bullets. More than 350 are imprisoned for their political beliefs. The Cybercrime Law makes it even easier to slap dissidents with trumped-up charges and send them to jail. After all, it now takes so little to be considered a cybercriminal.

Repression and lack of freedom is a daily reality for millions of Filipinos in the militarized countryside, violently demolished urban poor communities, and highly controlled workplaces and schools. Now it has become a daily reality as well for netizens who seek comfort in the freedom, however limited, of the new media.

As poverty, exploitation, and repression worsen, the duty to speak up and express ourselves through new media is more necessary than ever. As we begin to feel the grip of Aquino’s iron fist rule, it becomes more urgent to struggle to break free through actions both online and offline. E-martial law has been declared, and as those who fought the Marcos dictatorship taught us, the only way to end it is to start defying it.

Junk the Cybercrime Prevention Act of 2012!
Don’t criminalize criticism!
Defend our freedom of expression, speech and the press!
Resist tyranny!

UPDATE: The Supreme Court on Tuesday morning, October 9, unanimously issued 120-day a temporary restraining order (TRO) on the implementation of RA 10175. This is a temporary victory for all who advocate freedom of expression, speech and the press. Still, we must be vigilant until the law is junked altogether, as President Aquino has still not reneged on his defense of RA 10175 and its repressive provisions.

Signatories as of 10/09/2012

Media & Audio-Visual Organizations:

Pinoy Weekly Online/ PinoyMedia Center
Bulatlat.com
Davao Today
Northern Dispatch Weekly
Burgos Media Center
Mayday Multimedia
Tudla Productions
Kodao Productions
Southern Tagalog Exposure
UPLB Zoomout

Artists & Filmmakers:

Ricky Lee
JL Burgos
King Catoy
Renan Ortiz
Katsch SJ Catoy
EJ Mijares
Tom Estrera III
Adjani Arumpac
Kiri Dalena
RJ Mabilin
Sigrid Andrea Bernardo
Datu’s Tribe (band)
Bobby Balingit
Dino Concepcion
Bonifacio P. Ilagan
Rogelio Ordoñez
Marie Boti
Ji-An Manalo, Artists for Change
Rommel Mendez, Panday Pira Professionals
Camille P. Sueno
Carlos Piocos
Patrick Bilog
R. Jordan P. Santos
Sari Lluch Dalena
Keith Sicat

Journalists & Media Workers:

Melanie Pinlac, Center for Media Freedom and Responsibility
Rupert Mangilit, National Union of Journalists of the Philippines
Nonoy Espina, NUJP Director/interaksyon.com
Jeffrey Tupas, TV5/interaksyon.com
Karlos Manlupig, Rappler.com/ Philippine Daily Inquirer
Alaysa Escandor, GMA-7
Edmalynne Remillano, GMA-7
Richard Gappi, Rizal News Online
Alex D. Lopez, Davao Today
Marilou Aguirre Tuburan
Rizle Saligumba
Cong Corrales, Freelance
Ritchie Salgado, Freelance
Pigeon Lobien, Cordillera Today
Silvestre Quintos, Baguio Chronicle
Thom Picaña, GMA Baguio
Antonio Pekas, ZigZag Weekly
Gregory Taguiba, Mountain Province Exponent
Samuel Bautista, Sunstar Baguio
Alfred Dizon, Northern Philippine Times
Kathleen T. Okubo, Northern Dispatch Weekly
Fred Villareal, The Voice
Maureen A. Hermitanio, Philippine Online Chronicles
Jonathan B. Canchela, The Philippine Reporter (Toronto)

Photojournalists:

Jes Aznar
Raymond Panaligan
Angelica Carballo
Buck Pago
Boy Esclanda
Alex Felipe
Medel Hernani
Oliver Garcia
Candice Reyes
Leonard Reyes

Academe:

Dean Rolando B. Tolentino, UP College of Mass Communication
Prof. Danilo Arao, UP Asst. Vice-President for Public Affairs
Former UP CMC Dean Luis V. Teodoro
Former UP Fine Arts Dean Leonilo Doloricon
Prof. Paul Grant, University of San Carlos Cebu
Prof. Edwin Padrilanan, Adamson University

Artists Organizations:

Pixel Offensive
Artists Arrest
Baluarte Artists Collective
Hiringgilya Collective
Habi Arts Collective
Gerilya

Bloggers:

Tonyo Cruz (TonyoCruz.com)
Vencer Crisostomo (twitter.com/Venzie)
Kenneth Keng (FilipinoFreethinkers.org)
Teo Marasigan (KapirasongKritika.wordpress.com)

Student Publications:

College Editors Guild of the Philippines

CEGP chapters in Central Luzon, Pangasinan, Tarlac, Cagayan, Baguio, Cordillera, La Union, Ilocos Sur, Bicol, Southern Tagalog, Palawan, Romblon, Samar, Tacloban, Bacolod, Cebu, Panay, Cagayan de Oro, Lanao, Bukidnon, Greater Cotabato, Davao & Socksargen

Solidaridad (UP publications alliance)
Philippine Collegian (UP Diliman)
Kalasag (UP Diliman)
The New Frontier (National College of Business and Arts)
Trinity Observer (Trinity University of Asia)
aSTIg (STI Araneta)
The Torch (Philippine Normal University)
Manila Collegian (UP Manila)
The Scholastican (St. Scholastica’s College)
EARIST Technozette (EARIST Manila)
Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (PUP publications alliance)
The Catalyst (PUP Manila)
Business Torch (PUP Manila)
The Communicator (PUP Manila)
Paradigm (PUP Manila)
The Warden (Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa)
The Philippine Artisan (TUP Taguig)
The Chronicler (PUP Taguig)
Atenews (Ateneo de Davao)
The Pillars (Ateneo de Naga)
UP Outcrop (University of the Philippines – Baguio)
Lorma Highlights (Lorma Colleges)
Technoscope (Pangasinan State University – Urdante)
The Pioneer (Palawan State University)
Tolentine Star (University of Negros Occidental – Recoletos)
The Angelite (Holy Angel University)

Simply Jesse

$
0
0

Nang mamatay si Sec. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government, pinapurihan siya nang todo ng gobyernong Aquino, ng mga imperyalistang institusyon, at ng grupong Akbayan, kasabwat ang dominanteng masmidya. Inilarawan siya na pulitikong malinis, tunay at puspusan sa paglilingkod, simple ang pamumuhay, malapit sa karaniwang tao, nagdulot ng mga pagbabago, at marami pang iba. Sinamantala ang kanyang pagkamatay at ginamit ang pagpaparangal sa kanya hindi lamang para pabanguhin ang gobyernong Aquino, kundi ang umiiral na gobyerno sa pangkalahatan.

Marami na ang nakapansin na kakatwa ang naging pagpaparangal sa kanya. Ang gobyernong nagkait sa kanya ng kontrol sa Philippine National Police kahit kasama ito sa posisyon niya, hindi pursigidong nagtulak ng kumpirmasyon niya sa Commission on Appointments, at nakatunggali niya sa ilang usapin, ay nagpakilalang kaisa at numero unong tagahanga niya. Ang pagiging bukod-tangi niyang pulitiko, ginamit para ipakitang may pag-asa pa ang nakakaraming pulitiko, para isalba ang reputasyon ng mga pulitikong may katangiang naiiba, kundi man direktang kabangga, ng kanya.

/1/

Sa kanilang sanaysay na “Jesse Robredo’s lessons for the Left,” inabante pa nina Joy Aceron at Francis Isaac ang propaganda ng mga naghahari tungkol kay Robredo para pangaralan ang Kaliwa. Bagamat konstruktibo o pamungkahi ang paglalahad, itinuturo ng mga awtor – na galing sa tatlong A: Ateneo School of Government, Active Citizenship Foundation, at Akbayan – ang itinuturing nilang mga kahinaan ng Kaliwa. Bagamat walang dudang itinuturing nila ang kanilang sarili at ang Akbayan na bahagi ng Kaliwa, malinaw na ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang talagang pinapangaralan nila.

Inilitanya ng mga awtor ang mga pagpapahalagang pinagsaluhan umano ni Robredo at ng Kaliwa: paglilingkod sa sambayanan, pag-aangat sa kabuhayan ng mga maralita at pagbibigay-kapangyarihan sa kanila, pagkakapantay-pantay, at kahit ang “pagsisikap na baguhin ang pampulitikang sistema ng bansa…” Lumalabas, gayunman, batay sa sipi nila sa anti-Kaliwang manunulat na si Nathan Quimpo, na ang pagkakaiba lang ng Kaliwa kay Robredo ay ang nauna’y “humahantong sa hindi-tradisyunal, maging radikal o rebolusyunaryong pamamaraan” para umano “magkaroon ng kapangyarihan.”

/2/

Nasa interes nina Aceron, Isaac at ng Akbayan na gawing masaklaw ang pakahulugan sa “Kaliwa” para makasama sila rito. Ang problema, sobrang masaklaw ang depinisyon nila, sa puntong kahit ang mga sinasabi nilang pinagsasaluhan ni Robredo at ng Kaliwa ay sinasabi rin ng IMF, World Bank at mga NGO na kadikit ng mga ito. Parang gusto pang palabasing lahat ng tutol sa ganitong pakahulugan sa “Kaliwa” ay lulong sa “kaisipang vanguardist, naniniwalang may monopolyo sila sa sinseridad at kagandahang-loob, at sila lang ang mapagpasyang makakaresolba sa samu’t saring suliraning panlipunan…”

Magandang ibalik ang “Kaliwa” sa pangalang laging kadikit nito, sa pangalan ni Karl Marx – na bagamat binabanggit ng mga taga-Akbayan sa ilang pagkakataon ay hindi naman nila niyayakap nang lubos at tinutuligsa pa nga. Ayon mismo kay Marx, ang ambag niya ay “(1) ipakitang ang pag-iral ng mga uri ay nakabatay sa mga tiyak na istorikal na yugto sa pagsulong ng produksyon, (2) na humahantong ang tunggalian ng mga uri sa diktadura ng proletaryado, at (3) ang diktadurang ito ay walang iba kundi isang transisyon tungo sa pagbuwag sa lahat ng uri at sa isang lipunang walang uri.”

Sa ganitong pakahulugan, hindi talaga Kaliwa si Robredo. At isa iyun sa mainam sa kanya: hindi niya sinabing maka-Kaliwa siya at hindi siya nangahas pangaralan ang Kaliwa na tularan siya. Kung naging mabuting pulitiko man siya, iyan ay hindi para ibagsak ang kasalukuyang sistema at palitan ito ng bago, kundi, sa pinakamainam, para mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan – sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Mainam ring hindi niya ipinagsigawan ang kagustuhan niyang panatilihin sa esensya ang kasalukuyang sistema pero malinaw naman ang hangganan ng abot-tanaw niya.

Walang problemang ipakita ang pinagsasaluhan ng Kaliwa at ng mga pulitikong bukod-tangi sa kabutihan. Pero ang angkinin sila bilang bahagi ng Kaliwa? May problema ang mga nagpapakilalang maka-Kaliwa na magsasabing Kaliwa si Robredo. Lulong sila sa baha-bahaging pagbabago ng umiiral na sistema at wala nang tanaw na ibagsak at baguhin ito. Dahil diyan, bilib na bilib sila sa mahuhusay na taong nagdudulot ng “pagbabago,” sa kapabayaan ng pagtitiwala at pagsandig sa masa para lumikha ng pagbabago. Tagapagpaganda sila ng nabubulok na sistema at hindi tagapagbagsak nito.

/3/

Hindi mahirap para sa Kaliwa na kilalaning “may mga lider na hindi maka-Kaliwa… na tunay na nagsusulong sa interes ng mga mamamayan.” Ang problema, sa elipsis sa naturang pangungusap, binura ang nasa parentesis na “tulad ni Robredo.” May mga lider na ang adbokasiya sa iba’t ibang isyu ay tugma sa Kaliwa; maaaring ganito si Robredo. Maaaring tanggaping angat at bukod-tangi siya sa mga pulitiko sa bansa. Pero ang sabihing nagsulong siya sa interes ng mga mamamayan sa pangkalahatan? Sobra naman yata. Nakasama ba siya sa paglaban ng mga manggagawa, magsasaka at maralita?

May mga pulitikong nagsulong sa interes ng mga mamamayan. Ang pinakamalinaw na mga halimbawa: sina Sen. Claro M. Recto, Lorenzo M. Tañada at Jose W. Diokno. Mawalang-galang na, pero malayo sa kanila si Robredo. Kailangan ding agad ihabol: ga-patak lang sila sa karagatan ng mga bulok na pulitiko at anuman ang mabuting nagawa nila ay kulang, pansamantala at madaling bawiin ng sistema. Kahit ang positibong nagawa ni Robredo: Ano nga ba ang tangkang pagloob ni Undersecretary Rico Puno ng DILG sa bahay niya kung hindi ang pagsawata sa mga imbestigasyong binuksan niya?

Tatanggihan ng Kaliwa ang paniniwalang “pwede nang makamit ang pagbabagong nagtatransporma sa buhay ng mga tao sa maraming lugar, iba’t ibang labanan, at samu’t saring larangan,” dahil ipinagpapalagay na magagawa ito sa kasalukuyang sistema. At dahil lang sa mga nagawa ni Robredo? Dahop na dahop ang maka-Kaliwang maniniwala rito: sa teoryang maka-Kaliwa, sa pag-unawa sa kasaysayan ng Pilipinas at ng mundo, sa pag-unawa sa esensyal na katangian ng lipunang Pilipino at sa pagbabagong posible rito, sa mga karanasan ng radikal na pagbabago sa mundo, sa kalagayan ng masang Pilipino.

May mga proyekto ang mga NGO at lokal na pamahalaan na bumabago sa buhay ng mga karaniwang mamamayan? Posible, pero pagbabago ba itong malalim, matagalan at tunay? Nagpapalakas ba ito sa kamalayan, organisasyon at pagkilos ng masa nang hiwalay sa Estado at mga naghaharing uri? O naghahain ng masa sa pagkontrol nila? Tumatalakay ang Kongreso ng mga progresibong panukalang batas? Progresibo para kanino? Sa IMF, World Bank at rehimeng Aquino? Malamang, ang mga nasa Kongreso, wala nang ilusyong nagdudulot sila ng pagbabago – mas angat pa kina Aceron at Isaac.

/4/

Ano kayang mga lider ang nakita nina Aceron at Isaac sa Akbayan at sobrang bilib sila kay Robredo? Marami raw lider na katulad ni Robredo na nariyan at kailangan lang hanapin ng Kaliwa. Bukas ang Kaliwa sa maraming lider, pero maraming lider-Kaliwa na puspusan at matapat na naglilingkod nang walang sweldo, yumayakap sa simpleng pamumuhay. Tahimik silang naglilingkod kahit walang midya at posibilidad na ma-midya. Matatag sila kahit laging may banta ng pagdukot, pagpaslang at pagtortyur. At inaani nila ang tiwala ng mga mamamayan, sukdulang depensahan sila ng buhay.

Dalawang pagwawasto sa mga “datos” nina Aceron at Isaac: Una, hindi mga libing ang pinakamalalaking mobilisasyon ng Kaliwa sa kasaysayan. Hindi hamak na mas malaki ang pagkilos nito sa First Quarter Storm, Edsa 1, Edsa 2 at sa iba’t ibang isyu kumpara sa kahit anong libing. Iyan ang hirap sa mga sumasangguni sa mga “prominenteng radikal na intelektwal” na mali-mali ang pag-unawa sa kasaysayan. Ikalawa, hindi radikal na hakbangin ang Reproductive Health Bill. Totoo, nilalabanan ito ngayon ng Simbahang Katoliko, pero itinutulak naman ito ng IMF, World Bank, at mga NGO nila.

Sa dulo, hindi nakakagulat at hindi palaisipan ang pag-ani ni Robredo ng parangal sa tinatawag nina Aceron at Isaac na “Kaliwa” – na walang iba kundi ang Akbayan. Kakatwang itinuturing nila itong palaisipan, patunay na wala silang kahit palatandaan man lang sa tinatahak na pulitika ng kanilang partido. Kasabwat ang Akbayan ng rehimeng US-Aquino hindi lang sa pagsusulong sa mga kontra-mamamayang patakaran nito, kundi sa pagpapatatag nito sa sarili at sa buong naghaharing sistema sa bansa. Bahagi niyan ang ibayong pagdakila kay Robredo na inabante pa ng sanaysay ng dalawa.

12 Oktubre 2012

Pagsisimula sa Talaarawan

$
0
0

(Nota: Ito dapat ang naging una sa serye ng mga salin ni Ericson Acosta sa Prison Diary ni Ho Chi Minh. Pero dahil sa paglilipat-kamay ng sulat mula sa bilangguan ay ngayon lang nakarating ang artikulong ito sa PW.)

Sa samu’t saring padala ng mga kaibigan sa Maynila na hinatid sa akin nina Bomen Guillermo at Sarah Raymundo nung dumalaw sila dito nitong July, may isang bagay na hanggang ngayon ay hindi ko ma-eksakto kung kanino nangggaling: isang munting paperback edition ng Prison Diary (PD) ni Ho Chi Minh. Ito yung inilanas ng Vietnamese Foreign Languages Publishing House noong 2008 sa tatlong wika – sa Chinese original, sa Vietnamese translation ni Nguyen Si Lam, at sa English ni Dang The Binh. Cám o’n, thank you very much kung sino man po kayo (Nota: ang salin ay mula sa Yahoo! Answers).

Ang isandaang quatrain at  tulang Tang na ito ni Ho, na isinulat sa gitna ng labing-apat na buwang pagpapalipat-lipat ng kulungan (August 1942-September 1943) ay isang maningning na testamento ng rebolusyonaryong katatagan at makasining na sensibilidad ng isa sa pinakamagiting na lider-Komunista ng nagdaang siglo. Mula nang unang mailimbag ang PD sa Vietnamese noong 1960, naisalin na ito sa English (na may kung ilan nang bersyon) French, German, Russian, Hindi at iba pang wika. Ito na nga, walang duda, ang pinakakilalang akdang pampanitikan o ano pa mang sulatin na nagmula sa Vietnam. Hanggang ngayon ay patuloy itong tinatangkilik at pinag-aaralan sa maraming bansa hindi lamang ng mga aktibista at rebolusyonaryo kundi ng mga makata at iskolar.

Sa Pilipinas, kung hindi ako nagkakamali, ay wala pang naitatalang salin sa Pilipino ng buong PD ang mga akademiko at pamantasan, o maging ang underground na mga publikasyon. Gayunman, ang mga bersyon nito sa English at mga salin sa Pilipino (at iba pang lokal na wika) ng ilang patingi-tinging tula mula rito at mabisa pa ring nakapag-ambag upang ang ilang henerasyon na nga ng mga pwersang pambansa-demokratiko ay magkaroon ng isang antas ng pamilyaridad sa diwa at sa pamana (legacy) nito. Samantala, may hinala akong isa rin ang PD sa mga babasahing madalas ipasalubong sa mga bilanggong pulitikal (muli, maraming salamat po sa inyo, ____________.)

Sabi ni Ho, “singing poems may help in the wait for freedom.” Sabi ko naman, translating Ho’s poems may just as well help in my own wait. Heto ang subok:

PAGSISIMULA NG TALAARAWAN

Sadyang hindi ko naging hilig ang tumula-tula;
Subalit ano pa nga bang magagawa sa pagkakatanikala?
Gugugulin ko ang mahahabang araw sa pagkatha.
Agapay ang pagkamakata sa pag-aantabay sa paglaya.

(BEGINNING THE DIARY

I’ve never been fond of chanting poetry;
But what else can I do in thraldom?
These long days I’ll spend in composing poesy.
Singing poems may help in the wait for freedom.

[p. 6])

Hayan, nakakaisa na ako. Dalawa na nga ito kung tutuusin dahil sa salin ko sa “Autumn Night” noong Pebrero matapos akong padalhan ng mga estudyante ng isang pamantasan sa Calbayog City ng print-out ng sampung tula mula sa isang mas maagang English edition ng PD (Chinabooks and Periodicals, sa salin ni Aileen Palmer) na nahanap nila online. Kaya malapit na akong matapos – 97 na lang.

Viewing all 532 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>